2
A NG SABI ng Mark na nakausap ni Maristel sa Internet, graduating student ito sa kursong Management sa Ateneo de Manila. Magkasing-edad sila, twenty-one years old. Graduating na rin sana siya kung hindi tumigil sa pag-aaral.
Halos araw-araw silang nag-uusap. Pagkatapos ng trabaho niya sa palengke ng alas-siyete ng gabi, tumutuloy na siya sa Internet shop at tumatambay hanggang alas-diyes. Ayaw niyang umuwi agad sa kanila, dahil maaabutan niyang naghahapunan ang lahat. Lalo siyang nainis sa sistema sa bahay dahil hindi man lang nag-sorry sa kanya ang ama, ni hindi nagpaliwanag kung bakit ganoon ang nangyari sa kanya. Ang sabi lang nito, “Balang-araw, maiintindihan mo rin ang nanay mo.”
Ganoon lang. Ni hindi sumubok na ipaliwanag kung ano ang dapat niyang intindihin. Kailangan ba niyang intindihin na ayaw sa kanya ng sariling ina? Siguro. Uunawain na lang niya na hindi nito kayang ihiwalay sa kanya ang kanyang totoong ama. Na kapag siguro nakikita siya, naalala nito ang nangyari noon. Sa totoo lang ayaw na niyang isipin pa iyon nang husto. Wala rin namang mangyayari, wala na siyang magagawa. Hindi niya kontrolado ang bagay na iyon. Kung may isang bagay na kayang kontrolin si Maristel, iyon ay ang mangyayari sa kanyang buhay. Aalis siya sa bahay nila, gagawa ng sariling buhay. Hindi na siya aasa sa kanyang pamilya na pag-aralin pa. Nang dumating ang bagong asawa ng ama, lalo siyang nawalan ng puwesto sa pamilya.
Sa nakaraang dalawang araw, may bagong bansag sa kanya ang madrasta—“boarder.” Tulad na lang ng sinabi nito kaninang umaga nang makita siya sa kusina na nagkakape, “O, gising na pala ang boarder natin.”
Ganoon na lang ang galit ni Maristel. Kung magsalita si Tiya Tess, parang ito ang may-ari ng bahay. Ano ang karapatan nito? Kung magkukuwentahan, mas may karapatan pa rin siya sa bahay na iyon dahil sa kanyang ina. Ano, dahil ba sa kung sino lang ang kanyang ama, itsapuwera na rin siya sa kuwentahan? Ayaw niya ng ganoong bilangan, pero kung gagawin iyon ng madrasta, bakit hindi niya rin ito bilangan? Parang lumalabas pa na pabigat siya sa bahay dahil sinabi nito na hindi man lang daw siya tumutulong at makalat pa.
Kaya naman kung minsan, naiisip niyang lumipat na lang sa extension ng bahay, sa kuwarto malapit sa ikalawang dirty kitchen na ilang taon nang hindi nagagamit at ginawa na lang bodega. At least, hindi siya dadaan sa bahay kapag umuuwi dahil may sarili iyong pinto. Wala rin namang nakatambak doon mula nang ibenta ni Tiya Tess ang lahat ng mga gamit na palaging sinasabing kalat lang daw.
Hindi gusto ni Maristel ang panunumbat sa kanya ng madrasta na parang hinahayaan lang ng kanyang ama. Hindi niya naririnig ang ama na sinasaway ang asawa, malibang sabihang “Tama na.” Walang sorry, hindi man lang siya ipagtanggol. Kahit isang salita, wala. Sa katunayan, parang napakalakas ng impluwensiya ni Tiya Tess sa kinilala niyang ama. Parang naiirita na rin sa kanya ang matandang lalaki kahit noon naman ay hindi. Sabihing hindi siya naging priority pero hindi naman din siya minamaltrato o pinagsasalitaan ng masakit. Kunsabagay, hindi pa rin naman siya pinagsasalitaan ng masakit, pero ang katotohanang hindi man lang siya nito kinakampihan kontra sa asawa ay masakit at mahirap tanggapin.
Ang totoo, hindi tumutulong si Maristel sa labada at sa paglilinis ng bahay dahil panay ang reklamo ni Tiya Tess. Toka niya noon ang paglalaba ng damit ng ama, pero nabuwisit siya sa madrasta nang parang sumama pa ang loob nang hindi niya idamay sa laba ang mga damit nito. Sinusuwerte ang babae kung siya pa ang maglalaba ng damit nito, lalo na at wala naman itong ginagawa maghapon. Tuwing makalawa rin, may naglalaba para dito, at hindi sila damay roon. Nadadamay lang sila sa linis ng bahay dahil kasama iyon sa ginagawa ni Aling Puring. Hindi naman nag-asawa ang kanyang madrasta para makalibre ng katulong sa katauhan ni Maristel. Hindi rin naman ito nag-request sa kanya.
Ang lumabas noon, naghihintay siya ng panahon kung kailan may pera na ang kanyang ama para makapag-aral siya. Kaya naghanap siya ng paraan para at least, hindi na siya maging pabigat sa bahay kaya hindi siya kumakain doon maliban sa kape sa umaga at kung minsan ay pandesal. Hindi rin siya nanghihingi ng pera. Siyempre, may pangangailangan din naman siya. Deodorant, napkin, at iba pa. Kahit paano, sa pagtao sa shop niya iyon kinukuha.
Lahat ng problema ni Maristel, gumagaan kahit paano kapag kausap niya si Mark. Mabait ang lalaki. Ayaw nitong magpadala ng picture. Magkita na lang daw sila. Hindi naman siya makaoo dahil wala siyang pera para makaluwas. Sinabi rin ng lalaki na may kakilala ito na puwede niyang pasukan. Pero sa ngayon, dahil may trabaho na si Maristel, nag-iipon muna siya ng kahit kaunting pera para kapag lumuwas, puwede na siyang mag-boarding house.
Masayahin si Mark. Madalas niyang tanungin ang lalaki kung bakit lagi itong naka-online. Nagkataon lang daw na sabay ang oras na libre sila. Ang sabi rin ng lalaki, sa isang apartment ito nakatira kahit may bahay ang ina sa Maynila at malapit din lang sa apartment. Parang gusto lang nitong bumukod at pinayagan ng ina dahil sa Quezon City nag-aaral at nasa Makati ang bahay ng ina. Kahit ang ama nito, taga-Maynila rin. Hindi raw masyadong close si Mark sa ama na may saril na ring pamilya.
Sa ganoong bagay, nakaka-relate ang lalaki sa reklamo ni Maristel tungkol sa mga magulang. Hindi niya sinabi rito na anak siya sa pagkadalaga ng totoong ina, na bunga siya ng karahasan. Ang sabi lang niya, isang tiyuhin ang nagpalaki sa kanya na ngayon ay may bago nang asawa at iyon ang sinabi niyang pinakamalaking kalbaryo kaya madalas siyang online kahit tapos na ang kanyang trabaho.
Naaaliw siya kay Mark. Ito ang liwanag sa mundo niyang biglang naging mas madilim. Kung minsan, naitatanong ni Maristel sa sarili kung ano ang purpose niya sa mundo. Mayroon nga ba? Makakapag-aral ba uli siya mula sa sariling sikap? Kung hindi, paano na ang kinabukasan niya? Kunsabagay, hindi naman siya mangangailangan nang malaki. Kapag may ipon na siya at kung may trabaho naman, kaya na niyang sustentuhan ang sarili.
Smile naman diyan, sabi ni Mark sa chat.
Napangiti si Maristel. Kahit kailan, hindi pa siya nagpadala ng picture kay Mark, pero mahirap itago ang kanyang mukha dahil na rin sa avatar. Madalas siya nitong bolahin na cute daw siya. Hindi siya naniniwala kahit cute siya sa picture. Siyempre, taga-Ateneo ang lalaki. Malamang mas magaganda ang mga babae roon dahil mga anak-mayaman. Tipong makinis ang kutis, matatangkad, sosyal. Habang siya, simpleng-simple lang ang hitsura. Aminado naman si Maristel na hindi siya maganda. Hindi siya masasabing pangit, pero kung itatabi siguro sa sosyal, mahahalata na tagaprobinsiya siya.
Kayumanggi ang kanyang balat, maliit ang ilong, maninipis ang labi, bahagyang singkit ang mga mata. Bilugan ang kanyang mukha kahit hindi siya mataba kaya minsan, sinasabi ng mga tao na “chubby” raw siya kahit hindi naman at nadaan lang sa tambok ng pisngi.
Hindi siya pustoryosang babae, pero hindi rin naman lumalabas na pambahay ang suot. Sakto lang. Simple. Ordinaryo. Ordinaryong-ordinaryo na kahit siguro mawala sa isang lugar, pamilya, grupo, hindi mapapansin. Kung ilalagay sa gitna ng isang grupo at ipina-describe sa kung sino ang mga miyembro ng grupo, malamang na hindi siya mag-stand out.
Hindi niya sinasabing hindi siya attractive sa mga tao, pero sa totoo lang, iba ang kanyang hitsura sa picture sa chat. Bukod sa maliit ang kuha, hindi pa maganda ang resolution ng webcam. Kuha lang iyon sa webcam at naglagay siya ng makeup. Medyo madilim kaya mukhang makinis at mukhang ang ganda-ganda niya. Nakahiyaan na ni Maristel na aminin kay Mark, kahit pa nga naiisip niya nitong huli na magandang malaman ng lalaki. Baka kasi iniisip ng lalaki na ang ganda-ganda ng kausap sa chat at kapag nagkita sila ay itanong nito, “Sino ka?” Lalo pa at taga-Ateneo, taga-Maynila, mula sa mayamang pamilya.
Habang nagta-type, nag-ring ang phone ni Maristel. Bigla siyang kinabahan nang makita ang pangalan ni Mark sa screen. Naibigay na niya sa lalaki ang number noon pa. Sinagot niya iyon. “Hello?”
“Parang matamlay ka?” sabi nito, saka lang parang naisip na iyon ang una nilang pag-uusap sa phone. “Hello nga pala.”
“H-hello din sa `yo. N-napatawag ka?” Ang ganda ng boses nito!
“Nag-aalala lang ako sa `yo kasi parang wala ka sa mood. Parang malungkot ka.”
Madalas siyang napapasaya ni Mark, pero sa pagkakataong iyon, hindi maalis sa isip ni Maristel ang ideya na lumipat sa extension ng bahay. Kaninang umaga pa iyon gumugulo sa isip niya. Para kahit paano, hindi na siya tutuntong sa mismong bahay. Malaki naman ang extension at may dibisyon. May banyo rin sa labas niyon na matagal nang sira. Mabilis na siguro niyang maipapaayos iyon sa tubero.
“May iniisip lang ako. Ikaw? Hindi ka ba mag-aaral ngayon?”
Tumawa si Mark. “Mag-aaral. Palagi mo naman akong tinatanong kung bakit hindi ako nag-aaral.”
“Eh, paano, balita ko mahirap sa school mo, pero ang tagal nating nag-uusap gabi-gabi.”
“Matagal na ba ang dalawang oras?”
“Oo. Kung nag-aaral ka.”
“It doesn’t matter. I can chat and study.”
“Ang yabang!”
Tumawa ang lalaki. Lalong kinabahan si Maristel sa excitement. Boses pa lang iyon. Paano pa kapag nagkita sila? Iyon nga lang, ayaw niyang umasa na guwapo si Mark. Hindi rin naman kasi siya ang tipong mahilig sa guwapo. Pero sa pananalita nito, sa pagsasalita ng Ingles, parang nahihiya na siya. Malinaw na iba ang liga nito.
“Ang sabi mo, fifteen minutes lang ang bahay ninyo diyan. Hindi ka pa ba uuwi?” sabi ni Mark.
“Pinapauwi mo na ako?” Natawa si Maristel. “Halos kadarating ko lang.”
“I just worry about you.”
“Ikaw nga rin, nasa labas pa.” Madalas na nasa kung saan itong café. “Bakit ba hindi ka na lang mag-Internet sa bahay? `Di ba, sabi mo meron ka namang Internet sa bahay? Bakit nagrerenta ka pa?”
“Nagrerenta?”
“Ang sabi mo nasa café ka din, tulad ko.”
“Oh. No, café as in coffee shop. Hindi Internet café.”
Napahiya si Maristel. Bakit nga ba Internet café ang una niyang naisip? Palibhasa iyon ang kanyang mundo, hindi na niya naisip man lang na baka nasa isang totoong café ang kanyang kausap. Pero nagpalusot siya. “Eh, pero bakit nandiyan ka sa café? Halos araw-araw ka diyan?”
“It’s near. So, when are you coming over to Manila?”
“Ako?” Tumawa uli siya, kahit parang nanghina. Ngayon niya lalong naisip na ayaw na niyang makipagkita kay Mark. Tuwing sasabihin nitong cute siya, nagte-thank you siya. Dapat pala sinabi na lang niya noon pa na daya lang ang picture. At least, hindi siya mahihiyang makipagkita kay Mark. Ano ba namang malay niyang darating ang araw na magkikita sila? “Bakit ako? Bakit hindi na lang ikaw ang magpunta dito sa Tarlac?”
“Ikaw ang nagsabing gusto mong mag-apply ng trabaho dito.”
Parang gustong mapahiya ni Maristel, pero hindi na lang pinansin ang sinabi ng lalaki. “Wala pa akong plano sa ngayon. Mag-iipon muna ako. Mga two months. Pagluwas ko, kailangan ding marami akong pagpipilian para hindi naman masayang ang ipon ko. Ang problema ko lang, wala akong kilala diyan masyado. Tumitingin-tingin naman ako sa Internet ng mga paupahang bahay.” Isang kasinungalingan at isang katotohanan. Siyempre, may kakilala siya sa Maynila. Doon nakatira ang kanyang tunay na ina. Pero dahil wala siyang balak makitira dito, at lalong walang balak na magpatulong, nagtitiyaga siya sa paghahanap sa Internet ng listing para sa paupahan. Bed space ang target niya. Noong una, siyempre gusto niya iyong solo. Pero nalula siya sa taas ng upa sa Maynila. Ang presyo nga ng bedspace doon, halos presyo na ng buong bahay na renta sa kanilang lugar.
“I can help you out.”
“Sige, kapag malapit na.”
“Well, hurry up!” pabirong sabi ni Mark.
Naramdaman ni Maristel ang pag-iinit ng mukha kahit na hindi kaharap ang lalaki. Kung makakaharap ako sa `yo. Ngayon pa lang hindi na ako mapakali. Gusto kitang makita, pero ayokong makita mo ako. Puwede kaya `yon?
“Mag-aral ka na!”
Tumawa ito. “All right. I’ll let you go now. Take care.”
“Ikaw din.”
Nawala na sa linya si Mark. Nakangiti lang si Maristel sa kawalan, hanggang sa may tumapik sa kanyang balikat. “Ate, ginagamit mo ang computer? Wala na kasing bakante,” sabi ng isang suki ng shop.
“Ay, sige. Pasensiya na.” Tumayo siya agad, nakangiti pa rin, habang sine-setup ang computer para magamit nito. Lumapit siya kay Rubina at sinabi, “Masaya ako ngayon.”
“Mukha nga. Dapat lang. Ilang buwan ka nang parang Biyernes Santo, ayaw mo namang sabihin kung bakit.”
Hindi pa rin sinabi ni Maristel. Wala siyang balak sabihin. Parang napakapersonal na niyon para malaman pa nito ang isang sekreto ng kanilang pamilya. Nagpaalam na rin siya at umuwi na. Akala niya, tulog na ang lahat, pero nasa sala ang mga ito pagdating niya. Hindi maganda ang aura ng bahay. Nanonood ng TV ang kanyang ama at madrasta, pero halatang wala sa mood.
“Nandito na ang boarder,” sabi ni Tiya Tess.
Hindi umimik ang kanyang ama.
Nagmano si Maristel sa dalawa, kahit labag sa kanyang loob na magmano sa madrasta. Halos itampal nito sa kanyang noo ang kamay. May pagkabastos talaga ang babae. Hindi niya alam kung ano ang nakita rito ng kanyang ama.
Kunsabagay, palaging masigla ang babae noong bagong dating, palaging nakangiti at parang mabait. Pero noon pa man, nahulaan na ni Maristel na may kakaiba rito. Siguro, dahil na rin sa simula pa lang, ramdam na niyang mainit ang dugo nito sa kanya.
“Bakit palaging gabing-gabi ka na nakakauwi?” tanong ng kanyang ama.
“Dumadaan `yan doon sa computer shop.” Si Tiya Tess ang sumagot. “Hindi ko alam kung bakit hindi na lang dumeretso dito sa bahay nang makatulong naman. Mas gusto pang tumambay doon.”
“`Tay,” sabi ni Maristel na hindi na nakatiis. “Gusto ko po sanang lumipat doon sa extension.”
“Madumi doon at gagastusan pa kung ipapagawa,” sagot agad ni Tiya Tess.
“Ako po ang gagastos at maglilinis,” sabi ni Maristel.
Umismid ang babae. “Bakit hindi mo na lang ibigay sa tatay mo ang pera? Kailangan namin ngayon.”
“Hindi na,” sabi ng kanyang ama. “Sige, kung gusto mo. Palagi naman din kayong nagkakasagutan ng Tiyang mo, mas maganda pa nga siguro ang ganoon para hindi na masyadong mainit dito sa bahay.”
Mukhang may sasabihin pa si Tiya Tess, pero nagdesisyong tumahimik na. Siguro, naramdaman nitong hindi maganda ang mood ng asawa.
Tumuloy na si Maristel sa kuwarto at nakiramdam. Nang sa tingin niya ay wala nang tao sa sala, saka siya gumamit ng banyo.
Kahit paano, magaan ang kanyang pakiramdam sa isiping hindi na niya kailangang dumanas uli ng ganoong eksena o ang mabungaran sa umaga ang madrasta. Bukod doon, hindi rin maalis sa isip niya si Mark. May ngiti sa kanyang mukha nang makatulog. Nang magising kinabukasan, agad siyang nagpunta sa extension. Nasorpresa siyang makita na wala naman palang masyadong kalat doon, palibhasa pinagbebenta na ni Tiya Tess ang mga lumang gamit. Nakatulong pa pala ang pagiging pakialamera ng madrasta. Wala siyang ibang bibilhing gamit, kundi ililipat lang ang kutson dahil may katre na rin doon at mesa. Salamat at hindi ibinenta.
Tinanggalan ni Maristel ng agiw ang silid, saka binuhusan ng tubig ang sahig. Bibili siguro siya ng linoleum at pintura. May pera siyang pambili. Siguro wala pang isanlibo ang magagastos niya para maipaayos ang silid. Tuwang-tuwa siya. Binisita niya ang banyo. Problema talaga iyon, pero tatawag na lang siya ng tubero. May tubero malapit sa kanila.
Umalis na siya matapos maligo. Tinawag niya ang tubero na agad namang sumama sa kanya. Akala niya, may ipapabili sa kanya pero sinundot lang nito ang drain gamit ang instrumentong dala ay wala nang naging problema. Pang-merienda lang daw ang ibigay niya.
Nakangiti si Maristel nang magpunta sa hardware para bumili ng pintura. Bumili na rin siya ng linoleum at bombilyang pamalit sa mga hindi na gumaganang ilaw. Siya na mismo ang nagpintura ng pader ng extension. Hindi iyon kalakihan kaya mabilis niyang natapos pinturahan. Akala niya kailangan ng dalawang coating, pero dahil may pintura na iyon noon, umaliwalas na sa isa coating pa lang. Naging malinis tingnan ang kulay-cream na pader. Inilatag niya ang linoleum na checkered na itim at puti. Tumuwad, yumuko, nakadapa, lahat ng puwesto ginawa niya para matabas nang maayos ang linoleum. Nawala ang pagod niya nang makita ang resulta.
Alas-otso na ng gabi at latang-lata siya, pero sulit. Noon nag-ring ang phone niya. Si Mark ang nasa kabilang linya.
“Everything okay?”
“Ha? Oo naman. Napatawag ka?”
“Nagtatanong ka pa? Wala ka sa chat.”
Natawa si Maristel. “Busy ako maghapon, eh. Nagpintura ako ng kuwarto. Lilipat na ako bukas dito sa likod ng bahay namin.”
“Likod?”
“Oo, may extension kami, eh. Nakabukod sa bahay. Iba ang pasukan.”
“That is a good thing?”
“Oo naman. Bakit, na-miss mo ba ako agad?”
“Yes.”
Hindi agad nakasagot si Maristel dahil hindi niya akalain na aamin si Mark. Ano bang malay niya? “Ikaw talaga.”
“I know it’s not my place, but I would really like to know where you are if you can’t get online. I worry about you.”
May ilang sandali bago siya nakasagot. “O-okay.”
“You take care now.”
“I-ikaw din.”
Nawala na sa linya ang lalaki. Naitapat ni Maristel sa dibdib ang phone, para lang maalalang wala nga pala siyang balak makipagkita sa lalaki. Napabuntong-hininga na lang siya, nabura agad ang sayang nararamdaman na resulta ng maghapong trabaho.







