Mark Cardinal (Cardinal Bastards Series 7) - Chapter #2 - Free To Read

Chapter 1

select arrow

Chapter 1

1

S A PAGKAKAALALA ni Maristel, may naitatabi pa siyang resum é sa kuwarto. Magkakasama sa isang salansan ang mga papel, manual, notebook, at kahit flyers. Hindi na siya nagkaroon ng oras para ayusin ang mga iyon matapos makapagpapirma ng clearance. Nalaman niya agad na hindi na siya makakatuntong ng third year college kaya naging busy siya sa pag-a-apply, kasama na ang “pagtambay” sa isang Internet shop.

Sa Internet shop siya nakakapagpa-print nang libre. At kapag wala ng tao, nakakagamit din siya ng computer. Katu-katulong siya ng may-ari, isang kaibigan noong high school, sa pagtao roon. Minsan, libre na siya ng pagkain at may “abot” ding pera. Iba-iba ang halaga. Kung minsan, umaabot ng isandaan kapag malakas, at kapag mahina, beinte lang. Walang kaso sa kanya. Ang gusto lang naman niya, makatakas sa bahay.

Mula nang mag-asawa uli ang amang si Igme, naiba na ang buhay ni Maristel. May pitong buwan na ring nakalipat sa kanilang bahay ang ikalawa nitong asawa, si Tiya Tess. Matagal na rin namang pumanaw ang kanyang ina. May dalawa siyang kapatid—isang kuya na mas matanda nang limang taon at isang bunso na mas bata.

May tatlong anak din ang madrasta niya kaya naman gipit sila sa pera. May dalawang jeep ang kanyang ama. Inilalabas nito ang isa, ang isa naman ay pinapa-boudary-han sa Kuya Arnel niya. Sa pitong araw na boundary ng jeep, apat na araw ang nagagamit sa pagre-repair sa dalawang jeep dahil pareho nang luma at madalas na sira. Bukod doon, madalas ding kulang ang boundary na naiaabot ng kuya niya, palibhasa mayroon na ring pamilya at madalas ding gipit.

Kulang ang kita ng tatay ni Maristel para maipagpatuloy niya ang pag-aaral, lalo na at priority ang kanyang bunsong kapatid. Noon pa man, pagdating sa magkakapatid, alam ni Maristel na hindi siya ang priority. Hindi na kailangan pang daanin sa usapan, parang unwritten rule. Ang katwiran ng kanyang ama, hindi naman daw kataasan ang grades niya at kung minsan, halos bagsak na. Hindi siya magaling sa school, aminado si Maristel. Hindi siya katulad ng bunso nila na mahilig mag-aral. Tanggap din niya na mas deserving ang kapatid na bunso na magpatuloy. Umaasa na lang si Maristel sa pangako ng ama na kapag nakapagtapos ang kanyang kapatid, siya naman daw ang magpapatuloy, kahit pa nga parang malabo na rin iyong mangyari sa ngayon.

Nadagdagan na kasi ang mga gastusin, kahit inakala niya noong una na gagaan ang kalbaryo sa kanilang bahay dahil may negosyo rin si Tiya Tess. Nagpapa-five-six ang babae sa pabrika at nagpapautang din ng bigas. Manager din sa pabrika ang panganay nitong anak; nasa Maynila at namamasukan sa kung anong kompanya roon ang ikalawa. Ibig sabihin, wala itong gastusin masyado. Pero nagkamali si Maristel. Kulang pa pala sa madrasta ang kinikita sa dami ng luho, bukod pa sa panghihingi ng mga anak na may mga trabaho naman at walang asawa. Ngayon lang nakakita si Maristel ng mga anak na magaganda ang trabaho sa Maynila, pero palaging walang pera at nanghihingi pa sa magulang. Kung minsan, kahit ang kanyang ama, nag-aabono rin. Nakakasama ng loob dahil siya nga hindi na maabutan. Nahihiya rin siyang humingi ng “baon” dahil wala naman siyang pasok sa school.

“Guada, nakita mo ba `yong resum é ko sa kuwarto?” tanong niya sa kapatid na nasa sala at nag-aaral. Ito lang naman ang posibleng naglinis ng kanyang kuwarto. Wala na ang salansan sa loob ng kuwarto at ang hinala niya, may hinanap na libro ang kapatid sa loob at siguro nainis sa kalat kaya naglinis na rin.

“Anong resum é , Ate?” tanong nito.

“Iyong nakapatong doon sa mga papel. Saan mo ba inilagay ang mga papel?”

“Ewan ko. Hindi naman ako pumapasok diyan.”

“Anong hindi pumapasok, eh, nawala lahat ng mga papel doon?”

“Baka si Tiyang. Kanina kasi may dumaang magbabasura, iyong tumatanggap ng scrap na papel. Baka ibinenta.”

“Walang sense ibenta ang papel ko dahil akin `yon. At saka magkano ang kilo? Piso, dalawang piso?!” Uminit ang ulo ni Maristel. Ano ang karapatan ng kanyang madrasta na pakialaman ang gamit niya para ibenta?

“O, ano’ng nangyayari?” tanong ni Kuya Arnel. Doon din sa bahay ito madalas tumatambay kapag pahinga sa pasada. Paunti-unti, nakakapagpatayo ito at ang asawang factory worker—si Ate Dadang—ng isang maliit na bahay na katabi ng sa kanila. Malaki ang lupa, pero hindi lahat pag-aari ng kanilang ama. Pamana ang lupang iyon at hindi pa nahahati nang maayos. Hahatiin sana iyon sa apat na magkakapatid noon, pero dahil sa namatay na ang isa, at ang isa naman ay ibinenta na ang parte—pinaghatian ang bayad ng kanyang ama at ng kapatid nitong babae na si Tiyang Lita—nagkalabo-labo na ang lahat. Para kasing gusto pa ring makiparte uli ng kapatid na nagbenta dahil wala namang kasunduan ang mga ito. Ang sabi naman ni Tiyang Lita, hawak nito ang ebidensiya ng perang naihulog ng kapatid na iyon. Sa madaling sabi, labo-labo rin ang usapan ng dalawa at hindi alam kung magkakademandahan. Kulang ang sabihing magulo ang kanyang pamilya.

Malaki ang bahay at may mga silid pang hindi na nagagamit. Hanggang noong nineteen-eighties, apat na pamilya ang nakatira doon. Nagsimula raw sa maliit, hanggang na-extend nang na-extend. Pero umalis ang tiyuhin ni Maristel—ang nagbenta ng parte nito at naghahabol—at nakapag-asawa ng Bikolana; habang ang isa pa niyang tiyuhin, nag-migrate sa Canada at may limang taon na nang pumanaw kasama ang buong pamilya dahil sa isang car accident.

Walang asawa si Tiyang Lita, pero may kinakasamang babae. Lagalag din ito, hindi rin maalwan sa buhay, pero nakakaangat-angat sa kanila kahit paano dahil wala namang anak. Nag-aabot ito ng pera sa kanyang ama, sa pagkakaalam ni Maristel. Bihira nga lang umuwi sa Tarlac dahil sa Maynila nakabase.

Nakikigulo rin sa lupa ang ilang pinsan ng kanyang ama. Nakapagtanong na sa abogado si Tiyang Lita at malinaw ang sinabi na walang kinalaman ang mga pinsan ng kanyang ama sa lupa. Pero mayroon nang naghablang pinsan na ilang metro lang ang bahay mula sa kanila at kaaway nila. Sa pagkakaalam ni Maristel, nakitirik lang ang mga ito ng bahay noong masunugan, at ngayon, sinasabing pamana iyon sa pamilya at dapat na may parte ito.

Simple lang naman sana ang kuwento. May isang mag-asawang may lupain, na ipinamana sa mga anak. Sa apat na anak, isa ang namatay, habang ang isa ay ibinenta ang share sa dalawa pa. Tapos na dapat doon ang usapan, kung hindi lang naghabol ang nagbenta, mga kamag-anak na naghahangad ng hindi para sa mga ito at nagbabanta pa ng paghahabla, sampu ng ibang mga kama-kamag-anak na nag-uusap-usap tungkol sa lupa at ang mga nagbabaka-sakaling makaparte rin kahit tsismis lang ang puhunan.

“Nawala ang resume ko, Kuya,” sabi ni Maristel.

“Hanapin mo lang.” Parang pagod ito at naupo sa sofa. Naiintindihan ni Maristel kung bakit madalas na nasa kanila ang nakakatandang kapatid. Nakipisan na kasi rito ang biyenan at dalawang bayaw. Sa katunayan, ang dalawang iyon pa ang nag-e-extend ngayon ng bahay ng mga ito. Nagpaalam si Kuya Arnel sa kanilang ama na nagbilin na hindi puwedeng doon tumira ang pamilya ng asawa nito kung may pamilya na ang mga iyon. Mabait ang kanilang ama, mananalo kung tatakbong barangay captain dahil magaling makipagkapwa-tao. Isa lang naman ang reklamo ni Maristel dito—parang hindi siya nito naging paborito kahit kailan. Palagi siyang last priority sa loob ng kanilang tahanan.

Bumalik si Maristel sa silid at naghanap, pero ano pa ang hahanapin niya kung ang isang mataas na salansan ng mga papel nga nawala na rin doon? Lumabas uli siya.

“Nasaan na ang mga papel ko?”

“Itanong mo na lang kay Tiyang, Ate,” sabi ni Guada.

“Ano `yon?” Eksaktong dumating si Tiya Tess. Matangkad na babae, maputi, payat, palaging naka-makeup kahit daster ang suot.

“Iyon pong mga papel sa kuwarto ko, Tiyang?” tanong ni Maristel.

“Masyadong maalikabok dito sa bahay kaya ipinakuha ko na rin `yang mga papel na `yan.”

“Pero nandoon po ang mga requirement ko sa pag-a-apply ng trabaho!”

“`Wag mo akong pagtaasan ng boses, ha? Kung uubra sa ama mo, sa akin hindi! Ang tagal mo nang nag-a-apply, hindi ka naman matanggap-tanggap!”

Nakakagalit ang sinabi ni Tiya Tess, kahit totoo. Walang masabing dahilan si Maristel kung bakit hindi siya matanggap sa trabaho kahit na hindi naman siya naging mapili kahit kailan. May balat yata siya, may jinx. Iniba niya ang tanong. “Ano’ng pakialam ninyo sa gamit ko?”

“Iyong mga kalat mo ang dahilan kaya palagi akong may sakit! Maalikabok. Bawal ako sa alikabok!”

“Kaso lang resume ko po at ibang papeles ang nandoon! Anong karapatan ninyong pumasok sa kuwarto ko?”

“Mas may kaparatan ako dito kaysa sa `yo!”

“Tiyang, tama na,” saway ni Kuya Arnel.

Sumabog na si Maristel. “Kailan pa nagkaroon ng malaking karapatan ang bagong asawa kaysa sa anak?”

“Bakit, tunay ka bang anak?”

Napatayo na si Kuya Arnel. “Tiyang!”

“Hmp!” angil ni Tiya Tess, habang napatulala naman si Maristel. “Hindi ko alam kung bakit ayaw ninyong sabihin sa kanya! Hoy, Maristel, ang totoo mong ina, `yong tiyahin mong may asawang tomboy! Kinupkop ka lang ng asawa ko dahil ayaw sa `yo ng nanay mo dahil na-rape lang siya ng ama mo, eh, tomboy nga, eh! Hindi ba, babae ang asawa?”

Napatingin si Maristel sa kapatid. Mukhang galit si Kuya Arnel kay Tiya Tess, pero hindi makatingin sa kanya. Kompirmasyon na iyon, pero kailangan niyang marinig. “Kuya?”

Hindi ito umimik. Napatingin si Maristel kay Guada. Hindi rin makatingin sa kanya ang bunsong kapatid. Bigla siyang napaiyak. Alam ng lahat. Alam ng lahat sa bahay na iyon maliban sa kanya. Hindi niya kapatid ang mga ito, kundi mga pinsan. Hindi niya ama ang kinikilalang ama kundi tiyuhin. Ang kanyang totoong ina, inakala niyang tiyahin.

“Totoo ba?” ulit ni Maristel, galit ang boses, nakatingin sa inaakalang nakakatandang kapatid. “Kuya, totoo ba?”

Marahan itong tumango.

Tumakbo siya palabas ng bahay at pumara ng tricycle. Imbes na magpahatid sa Internet shop, nagpahatid siya sa di-kalayuang lupain. Matagal na iyong halos abandonado, pero sikat na hacienda noong unang panahon. Ngayon, “Dating Manggahan” na lang ang tawag doon. Nasa ibang bansa raw ang may-ari, pero may malaking karatula na “This property is NOT for sale.” Noong college, madalas siyang pumuslit doon kapag nag-aaway sila ng kanyang boyfriend. Noong bata siya, doon siya tumatakbo kapag napapagalitan ng ama o nagtatampo dahil nararamdamang wala palagi sa kanya ang pabor nito.

Alam na niya ngayon kung bakit.

Umiyak lang nang umiyak si Maristel. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangang ilihim sa kanya ng lahat iyon. Nagmukha lang siyang tanga. Mas masakit isipin na hindi lang siya basta inayawan, kundi dumating lang siya sa mundo dahil sa karahasan ng kung sinong animal. At ang animal na iyon pala ang kanyang ama.

Bigla, parang isa lang kasinungalingan ang lahat ng alam niya tungkol sa sarili at sa pamilya.

Nilakad niya ang daan papunta sa ilog. Napakaganda ng ilog, malinis ang tubig kahit nagkalat ang mga tuyong dahon at masukal dahil hindi nalilinis ang paligid. Naupo lang siya sa isang mataas na bato at pinagmasdan ang banayad na agos ng tubig.

“Buwisit! Buwisit!” sigaw ni Maristel sa kawalan.

Tahimik na tahimik ang paligid. Tumahan na siya. Ano pa ba ang magagawa niya? Mayamaya, parang biglang sinilihan ang kanyang puwit at ginustong makarating sa Internet shop. Kailangan niyang makagawa uli ng resum é . Magtatrabaho siya at mag-iipon. Kapag nakaipon, bubukod na siya. Kung bakit iyon ang unang pumasok sa kanyang isip. Siguro dahil hindi iyon ang unang pagkakataon na dumaan sa kanyang isip ang pag-alis.

Naglakad na si Maristel palabas ng lupain at nagpunta sa shop. Gumawa siya agad ng resum é . Gusto na naman niyang umiyak sa frustration. Bakit ba hindi siya matanggap-tanggap sa trabaho? Maraming mas bata pa sa kanya at high school ang natapos, pero natatanggap sa pabrika. Bakit siya na nakatuntong sa college, hindi matanggap? Hindi siya naghahanap ng trabahong magbibigay sa kanya ng pagkalaki-laking suweldo. Tama na iyong makakapagbigay sa kanya ng sapat na suweldo para makapag-ipon at makapagrenta ng sariling bahay. Kahit kaunting halaga lang, basta makalipat na siya.

Hindi sa wala siyang utang-na-loob, pero sa ngayon, ayaw niya munang makasama ang nakagisnang pamilya. Pakiramdam niya, pinagtulungan siya ng mga ito. Lahat ng taong inakala niyang maaasahan, itinago sa kanya ang totoo. At ang kanyang ina? Kailan ba ito nagkaroon ng pagmamahal sa kanya? Kahit bilang tiyahin, hindi sila close. Hindi sila madalas mag-usap. Kaswal na pangungumusta lang ang ginagawa nito. Mas close pa nga ito kay Kuya Arnel kaysa sa kanya.

Walang tao sa shop nang araw na iyon. Bihira ang gustong maglaro at gumamit ng computer. Lalong nanghina si Maristel. Baka beinte lang ang iabot sa kanya mamaya. Iniipon din niya ang mga inaabot sa kanya, pero wala pang limandaan iyon, palibhasa gumagastos din siya sa pamasahe.

Naghanap siya ng trabaho sa Maynila. Bahala na, kahit walang pera. Kung may interview, mangungutang siya sa mga kakilala. Kung kinakailangan, makikitira siya sa dating mga kaklase sa eskuwelahan, o mangungutang sa ibang nagpapa-five six. Bahala na. Hindi niya ginawa kahit minsan noon ang sumubok na mag-apply sa Maynila. Wala siyang matitirahan doon—dahil ayaw niyang makitira kay Tiyang Lita, walang perang pang-down payment sa renta ng bahay o boarding house. Pero ngayon, wala na siyang pakialam. Hinding-hindi siya makikitira sa totoong ina—dahil mukhang hindi rin naman siya nito tatanggapin. Ipinamigay nga siya noong sanggol pa lang, bakit naman nito gugustuhing tulungan siya ngayon? Isa pa, hindi niya ipagsisiksikan ang sarili sa mga ayaw sa kanya.

Parang ganoon din naman sa kinalakihan niyang bahay. Mabait ang kanyang ama, pero bata pa man si Maristel, naramdaman na niyang iba siya. Kaya pala. Salamat sa kinagisnang ama, pero hindi siya nito obligasyon. Hindi naman nagbigay ng sustento ang kanyang ina. Alam iyon ni Maristel. Kaya pala ilang ulit niyang naririnig sa ama ang dialogue na, “Hindi man lang tumulong si Lita kahit sinabi ko nang kailangan mo,” kapag may malaki siyang pangangailangan sa school. Kahit noong JS Prom na kailangan ni Maristel ng sapatos at gown, narinig niya iyon. Kapag enrolment, naririnig rin niya. Buong akala ni Maristel, nanghihingi ng tulong ang kanyang ama para sa isang anak. Iyon pala, sinasabi nitong hindi nagbibigay ng pera ang totoo niyang ina.

Naiiyak na naman si Maristel, pero pinigil niya ang sarili. Parang lumalabas na walang may gusto sa kanya. Sabagay, sino ba naman ang gustong magpalaki sa anak ng rapist?

“Ayos ka lang?” tanong ni Rubina, ang may-ari ng shop.

Tumango siya. “Kailangan ko lang maghanap ng trabaho. Kahit anong trabaho. Kahit sa Maynila. Basta kailangan ko lang makaalis na dito sa Tarlac.”

“Bakit biglaan yata? Dati ayaw na ayaw mong aalis ng Tarlac. Sabi mo wala kang matitirahan sa Maynila.”

“Naiinip na kasi ako dito sa atin.”

Saglit silang nag-usap at nagpaalam si Rubina na aalis daw muna saglit. Tumao raw muna siya sa kaha. Ipinagkakatiwala nito ang kaha sa kanya. Subok na siya ni Rubina. Wala siyang alam sa pangungupit ng pera. Hindi niya iyon ikakayaman. Wala sa pamilya nila ang malikot ang kamay.

Binuksan ni Maristel ang chat sa pag-asang may makikitang online na kakilala. Hindi na rin siya mahihiyang magtanong ng trabaho mula sa mga ito. Noon kasi, ilang tao lang ang nilapitan niya. Ngayon, lahat na ng puwede, tatanungan na niya. Nag-search din siya sa mga forum sa Internet, nagbabaka-sakali.

Mayamaya, may nag-message sa kanya sa Yahoo Messenger. Ang kaeskuwela niya noong high school, si Eleonor. Hello , ang unang message.

Nag-reply agad si Maristel. Sa pagkakaalam niya, nasa Maynila si Eleonor at nag-aaral sa FEU. Hello, Len. Kumusta?

Eleonor: Okay naman. Ang ganda mo ngayon.

Maristel: Haha! Salamat! Ikaw din.

Eleonor: Paki-add mo naman ang isa ko pang ID.

Ibinigay nito ang isa pang Yahoo ID na agad niyang in-add. Baka sakaling makatulong sa kanya ang babae dahil mukhang may libre itong oras para makipag-usap. Maipapaliwanag niya nang husto ang kailangan.

Nagtaka si Maristel nang mapansing panlalaki ang isang ID ni Eleonor. Bakit panlalaki ang pangalan mo dito? tanong niya.

Hindi nito sinagot ang tanong, at nag-reply ng: Saan ka?

Maristel: Dito sa atin. Nasa Manila ka pa ba?

Eleonor: Oo. Hindi ka ba luluwas?

Maristel: Gusto ko nga kung meron sanang mapapasukan. Huminto kasi ako, eh. Baka may alam kang work. Hindi naman ako mapili sa trabaho. Kahit ano, papasukin ko.

Eleonor: Meron akong alam dito sa may Katipunan. Ano ba ang hanap mong work?

Maristel: Kahit ano.

Eleonor: Ang totoo kasi, hindi ako si Eleonor. Nandito ako sa Internet shop at nakita kong naka-log in siya. Isasara ko na sana, pero nakita ko ang picture mo.

Nabuwisit si Maristel sa kausap. Aawayin na sana niya nang maisip na baka sakaling ito ang padala sa kanya ng guardian angel niya. Nag-message siya: Saan iyong nabanggit mong trabaho? Ano? Ano ang pangalan mo?

Mark , sagot nito. Dito sa Katipunan, malapit sa school. Ano ba ang kailangan mong work? Baka sakaling maipasok kita. May tita akong naghahanap ng cashier.

Nagtanong siya ng mga detalye, pero nag-alala ring magpadala ng resum é sa kausap. Baka mamaya nanloloko lang ito. Baka sa sobrang pagkadesperada, lalo siyang mapasama. Nasa resum é ang lahat ng kanyang detalye at ayaw niyang basta na lang iyon ibigay.

Gustong-gustong sumugal ni Maristel, pero bago pa siya makapagdesisyon, may natanggap na siyang text message mula sa isang kakilala na pinadalhan niya ng text message kanina. May naghahanap daw ng tindera sa isang puwesto sa palengke. Aminado siyang hindi iyon ang kanyang inaasahang trabaho dahil maliit ang suweldo, pero sa ngayon, kahit ano, puwede na. Sana makaipon siya at matanggap sa ibang pinag-apply-an.

A-
A+

Georgia

Arial

Cabin

T

T

T

en

English

en

Chapter auto-unlock

settings