Lander Storm (Possessive Series 4) - Chapter #4 - Free To Read

Chapter 3

select arrow

Chapter 3

TINUNGGA ni Lander ang bote ng beer na iniinom. Gusto niyang malasing hanggang sa hindi na niya kaya para hindi na makaramdam pa ang kanyang puso ng kahit na anong emosyon. Pero kahit yata laklakin niya ang lahat ng alak sa mini bar, hindi mawawala at hindi aalis ang babaeng iyon sa Pilipinas.

Naputol ang pag-iisip ni Lander nang marinig na nag-ingay ang cell phone niya. Nang marating ang kama kung saan iyon nakapatong, umupo siya sa gilid niyon, saka sinagot ang tawag. “Hey, Lander speaking,” sabi niya sa walang buhay na boses.

“Lander!” Puno ng kasiyahan ang boses ni Eizel sa kabilang linya. “Si Lancelott! Si Lancelott, gumalaw `yong kamay niya! Sabi ng doktor, nagre-respond daw siya sa gamot at gagaling daw siya!”

Nawala ang kaunting kalasingan niya at napalitan ng kasiyahan ang galit na nararamdaman niya kanina.

“Talaga? Sige, pupunta ako d’yan,” excited na sabi ni Lander at tinapos ang tawag.

Nagmamadali siyang lumabas ng kanyang opisina at nagtungo sa parking lot ng LaCars Building. Nang makasakay sa kotse, pinaharurot niya iyon patungo sa Romero’s Hospital kung saan naroroon ang kanyang kakambal. Masaya siya at kahit paano ay unti-unti na itong nagkakamalay. Salamat sa Diyos.

Nang makarating si Lander sa ospital, kaagad siyang nagtungo sa ICU. Sinalubong siya ni Eizel sa may pintuan at niyakap siya nang mahigpit habang umiiyak.

“Lander... si Lancelott... magiging okay na siya...” Umiiyak ang babae pero alam niyang tears of joy iyon. “Salamat sa Diyos. Hindi ko kayang mawala siya.”

Niyakap niya si Eizel at hinagod ang likod nito. “It’s okay. Magiging maayos din si Lance. Maghintay lang tayo nang kaunti. Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin nakikita ang kakambal ko na ngumiti uli.” Hinaplos niya ang buhok ng babae. “Tahan na.”

Nag-angat ng tingin si Eizel sa kanya. “Thank you, Lander.”

Nginitian niya ito. “No problem.”

Bumitaw na ang babae sa pagkakayakap sa kanya at iginiya niya papasok sa loob ng ICU.

NAKASIMANGOT si Vienna habang pinagmamaneho siya ni Cali patungo sa Romero’s Hospital Main Branch. Panay ang tingin nito sa may pasa niyang mukha at naiirita na siya.

“Huwag ka ngang tumingin sa akin nang ganyan!” naiinis niyang sigaw.

Napangiwi ang kapatid. “Nakikita mo ba ang mukha mo? God, little sis, you look like shit.”

Inirapan niya ito. “Kung ang mata ko, nakahiwalay sa mukha ko, sobrang laki ng posibilidad na makita ko ang mukha ko.”

“Stop being sarcastic, Vienna,” sabi ni Cali sa naiinis na tono. “You really look like shit.”

“Thank you for boosting my confidence, dear brother.” Puno ng sarkasmo ang boses niya.

Umikot ang mga mata ng kapatid. “Puwede ba, Vienna, I’m just trying to be nice.”

Nagpakawala si Vienna ng isang malalim na hininga. “Nasanay lang akong maging sarcastic. Lumaki ako sa tatay ko, eh. Normal na sa amin ang mag-usap nang gano’n, parang lambingan na lang namin `yon.”

“Alam ko,” sabi ni Cali. “Kumusta na pala kayo ni Mommy?”

Inungusan niya ito. “Kung maka-‘mommy’ ka naman parang tunay mong ina, `no?”

Tinapunan siya ng masamang tingin ng kapatid. “Stop the sarcasm, remember?”

Itinirik ni Vienna ang mga mata. “Sorry again, dear brother.”

Napailing-iling na lang si Cali. “Mula nang mag-asawa si Daddy at ang mommy mo, ‘mommy’ na ang tawag ko sa kanya.”

“Excuse me, pero hindi sila nag-asawa.” Tinaasan niya ito ng kilay. “Namangka si Mommy sa dalawang ilog at ang daddy mo ang isda na nabingwit niya. My mother cheated on my father. Baka nakakalimutan mo kaya ipinapaalala ko lang sa `yo.”

Nagapakawala ng malalim na buntong-hininga ang kapatid. “Hindi ka pa rin ba makapag-move on sa nangyari ten years ago?”

Sumandal siya sa kinauupuan. “I’m trying to move forward.”

“Mabuti naman.”

“Yeah.”

Itinigil ni Cali ang sasakyang Lexus sa parking lot ng Romero’s Hospital Main Branch. Sabay silang lumabas ng sasakyan nito at naglakad papasok sa entrance.

Hinawakan si Vienna ng kapatid sa braso at hinila siya palapit sa information desk.

“Excuse me,” sabi nito sa information clerk. “Nasaan ang opisina ni Dr. Castillo? May pasa itong kapatid ko. Ipapa-checkup ko.”

Tumingin ang clerk sa kanya na mukhang sinusuri ang pasa sa kanyang mukha. “Ahm, si Dr. Castillo?” Itinuro nito ang kanang pasilyo. “Doon po ang opisina niya. Dadaan kayo sa ICU, `tapos `yong ikaapat na pinto mula roon, iyon na po.”

“Thanks,” sabi ni Cali at hinila na naman siya papunta sa kanang pasilyo.

Mabilis silang naglalakad nang bigla na lang itong tumigil. At dahil nasa unahan niya ang kapatid, nabangga siya sa likod nito.

Pinukol ni Vienna ng masamang tingin ang likod ni Cali. “Bakit ka ba tumigil?”

Biglang humarap sa kanya ang kapatid at hinila siya pabalik sa pinanggalingan nila. “Come on, let’s go. Baka bigla kang maglupasay kapag nakita mo ang nakita ko.”

Napapantastikuhang nagpahila siya at lumingon para alamin kung ano ang nakita nito. Nanigas si Vienna sa kinatatayuan nang makita si Lander sa labas ng ICU at may kayakap na magandang babae. Parang may pumiga sa puso niya sa nakita.

Shit!

No.

Lalo pang tumindi ang pagpiga sa kanyang puso nang makitang hinaplos ni Lander ang buhok ng babae at parang inaalo ito. Iyon ang malambing na Lander na nakilala niya.

Gusto niyang gumawa ng eksena para mapansin siya ng lalaki pero pinigilan niya ang sarili. Wala siyang karapatang magpapansin dito. Siya ang umalis. Siya ang nang-iwan. Kaya wala siyang karapatan.

Wala.

Mabilis na tumalikod si Vienna nang maramdamang nanunubig ang kanyang mga mata. Isinubsob niya ang mukha sa dibdib ni Cali.

“Sinabihan na kita—” Niyakap siya ng kapatid. “—wala ka nang babalikan.”

Napahikbi siya. “Mahal ko siya, eh.”

“Alam ko.” Hinagod ni Cali ang kanyang likod. “Halika na, mukhang pumasok na sila.”

Hinayaan ni Vienna ang kapatid na igiya siya papunta sa opisina ni Dr. Castillo. Nang dumaan sila sa ICU, hindi niya maiwasang mapatingin sa pinto niyon.

Ano’ng ginagawa ni Lander do’n?

Hanggang sa makarating sila ni Cali sa opisina ni Dr. Castillo, nasa isip pa rin niya ang katanungang iyon.

“Mr. Sudalga.” Nakipagkamay ang doktor sa kanyang kapatid. “Ano’ng maipaglilingkod ko sa inyo?”

Ihinarap siya ni Cali sa doktor. “May pasa siya sa mukha, Doc. Ano ba’ng puwedeng gawin sa pasa niya?”

Hinawakan si Vienna ni Dr. Castillo sa baba para tingnan nang mabuti ang pasa niyang gawa ng Hapon na sumuntok sa kanya.

“Damn, ano’ng nangyari sa `yo, hija?” kunot-noong tanong ng doktor.

“Nakipag-away po ako, Doc. Iyan ang nangyari kasi malakas ang nakasabunutan ko,” pagsisinungaling niya. “Hindi pa naman siya namamaga kahapon, pero ngayon medyo namamanhid na.” Mayamaya ay pinakita niya ang sugat sa may shoulder blade niya. “At ito pa ho, papalinisan ko sana.”

“Mga three to four stitches ang sugat na `to,” sabi ni Dr. Castillo habang sinusuri ang sugat niya, pagkatapos ay bumaling sa nurse na nakaupo sa mesa na parang may inaayos na mga papeles. “Annah, pakikuha naman ako ng anesthesia at pantahi ng sugat sa Pharmacy. Isabay mo na rin ang ointment para sa pasa ni Miss Vienna.”

“Sige po, Doc,” sagot ng nurse na mabilis namang sumunod.

“Masakit ba?” tanong ni Cali.

“Ay, hindi, hindi masakit.” Inirapan niya ito. “Suntukin kaya kita para maramdaman mo ang nararamdaman ko ngayon?”

Ngumiti ang loko. “Bakit naman kasi nagpasuntok ka? Akala ko ba magaling ka sa martial arts?”

Walang buhay na tumingin si Vienna sa kapatid. “Ikaw kaya ang itali ko, `tapos habang wala kang kalaban-laban, susuntukin kita.” Hinawakan niya ito sa kamay at pinilipit iyon. “Gusto mong subukan natin?”

“Aray!” hiyaw ni Cali. “Napakabayolente mo talagang babae ka.” Inagaw nito ang kamay na hawak niya.

Mayamaya lang ay bumalik na ang nurse, saka iniabot kay Dr. Castillo ang mga hawak na gamot.

“Salamat, Annah.”

Iminuwestra ni Dr. Castillo ang kamay sa stretcher na naroon. “Upo ka para maayos kong matahi ang sugat mo.” Tumingin ito sa nurse. “Hawiin mo ang buhok niya para maayos kong maitusok ang anesthesia.”

Agad namang sumunod ang babae.

Napaigtad at napaigik si Vienna nang maramdaman niya ang karayom na ini-inject ni Dr. Castillo sa kanya. Mariin niyang ipinikit ang mga mata para hindi makaramdam ng kagustuhang suntukin ang butihing doktor dahil sa hapding naramdaman.

“Kaya mo `yan, little sis,” pagpapalakas ni Cali sa loob niya. “Lesson na iyan para mag-ingat ka palagi.”

NANG masiguro ni Lander na maayos ang lagay ng kapatid, kinausap niya ang doktor ni Lancelott. Nalaman niyang maayos naman na pala ang kalagayan ng kakambal kahit paano.

Napatingin siya kay Eizel na lukot ang mukha habang sapo-sapo ang tiyan.

“Nagugutom ka?” tanong ni Lander.

Tumango ito. “Medyo.”

“Kailan ka ba huling kumain?”

“Kagabi pa.”

Napailing-iling siya. “Ano’ng gusto mong kainin, bibilhan kita?” tanong niya. “Dapat hindi ka nagpapalipas ng gutom at baka kapag maayos na si Lancelott, ikaw naman ang maospital.”

Parang pagod na ngumiti ang babae. “Cup noodles na lang, Lander. Wala akong ganang kumain, eh.”

“Okay. Hintayin mo ako rito.” Lumabas si Lander ng ICU at naglakad patungo sa cafeteria ng ospital. Pero napatigil siya sa paglalakad nang marinig ang pamilyar na boses ng isang babae. How could he forget that voice? Iyon ang boses ng babaeng bumaliw sa kanya noon.

Sumilip siya sa pinto ng isang kuwartong bahagyang nakabukas at kung saan nanggaling ang boses na narinig. Nanlaki ang mga mata ni Lander nang makita si Vienna. Mariing nakapikit ito habang tinatahi ng doktor ang sugat sa isang balikat. At hindi rin nakatakas sa paningin niya ang pasa ng babae sa mukha.

Fuck! Where did she get that?!

Pinilit niyang umalis sa kinatatayuan pero hindi niya magawa. Lalo na nang tumuon ang mga mata niya sa kamay ni Cali na humahaplos sa likod ni Vienna.

Something stirred inside him… Was it anger? Hindi siya sigurado basta ang pinagmulan niyon ay ang braso ni Cali na humahaplos sa likod ni Vienna.

He didn’t like seeing Vienna so close to Cali like this. It was pissing him off!

Hindi mapakali si Lander ang habang nakasilip at nakikinig sa usapan ng mga ito.

“Hija, sa susunod, huwag ka nang makipag-away. Okay?” sabi ng doktor.

Nakipag-away si Vienna?

That couldn’t be true. Kilala niya ang babae. Hindi ito palaaway.

“Yes, Doc,” walang ganang sagot ni Vienna.

“Sisigiruhin ko `yon, Doc,” sabi ni Cali. “Sige, aalis na ho kami. Salamat.”

Mabilis na nagtago si Lander sa isang pintong nakabukas na malapit lang sa nilabasang pintuan nina Cali at Vienna. Mula sa pinagtataguan, malinaw na naririnig niya ang pag-uusap ng dalawa.

“Next time, huwag ka nang magpapasuntok,” anang boses ni Cali. “Tingnan mo ang nangyari sa `yo.”

“Yes, dear brother,” sagot ni Vienna, saka napabuntong-hininga. “Anyway, kumusta na pala si Lander? Bakit nandito siya sa ospital? May pasyente ba siya dito?”

Natigilan siya sa tanong ng babae at nakinig nang maigi.

“Ayos lang siya. Nandito siya ngayon kasi nasa ICU ang kakambal niya, nag-aagaw-buhay. At sabi niya sa akin noon, naka-move on na siya sa `yo kaya please, patahimikin mo na `yong tao. Nakita mo naman kanina, may kayakap siyang babae. Baka `yon na ang babaeng mahal niya at hindi na ikaw.”

Hinintay ni Lander na magsalita si Vienna. Pagkalipas nga ng ilang sandali, nagsalita ito.

“May puwang pa kaya ako sa puso niya?”

Tumawa si Cali na parang nang-uuyam. “Sino ba’ng nang-iwan?”

“Dear brother, alam mo ang rason kung bakit ako umalis.”

“Yeah, whatever. You made me promise not to tell him.”

Hindi na niya narinig ang sagot ng babae dahil naglakad na ang mga ito palayo.

Lumabas si Lander sa pinagtataguan at napatingin sa tinahak na daan ng dalawa. Pilit niyang pinapatigas ang puso para kay Vienna, pero bakit kahit ano ang gawin niya ay lalo lang iyong nagpupumilit magtanong kung bakit umalis si Vienna noon... Bakit siya iniwan nito?

“Fuck!” mahina niyang mura at malalaki ang hakbang na tinungo ang cafeteria para bumili ng noodles.

Hindi ko dapat ito nararamdaman! Galit ako sa kanya. Damn it!

SAPO-SAPO ni Vienna ang panga habang naglalakad patungo sa parking lot. Nang matanggap niya kanina ang ointment ay kaagad siyang naglagay sa mukha.

Bigla siyang napatigil sa paghakbang nang maramdamang humapdi ang kanyang tiyan. “Dearest stepbrother, nagugutom ako.”

Napabuntong-hininga si Cali at iritadong tumigin sa kanya. “May cafeteria dito sa ospital. `Yan kasi, eh, hindi nag-breakfast.”

Sinimangutan niya ito. “Eh, kasi naman. Hindi pa ako nagugutom kanina, saka hindi ako sanay mag-agahan.”

Umiling lang ang kapatid, saka siya binigyan ng perang pambili ng pagkain. “Sige na, bumili ka na do’n ng makakain mo,” sabi nito. “Hihintayin kita sa kotse. Kailangan ko rin kasing kausapin ang secretary ko para sa appointments ko ngayong araw.”

Iningusan ni Vienna si Cali at tinanggap ang pera, pagkatapos ay naglakad na paalis. Salamat sa mga karatulang nakasabit na nagtuturo ng daan papunta sa cafeteria, kaagad siyang nakarating doon.

Nang makarating sa cafeteria, kaagad siyang lumapit sa counter at bumili ng kape at isang slice ng cake. Nang makuha ang order, pumili siya ng bakanteng mesa at umupo roon.

Abala si Vienna sa pagkaing in-order nang may pamilyar na baritonong boses ang nagsalita sa kanyang harap.

“What happened to your face?”

Nagtaas siya ng tingin at parang may tumambol sa kanyang puso nang makita si Lander na nakatayo at may hawak na cup noodle. Tumikhim siya bago sumagot. “Ano’ng gagawin mo sa cup noodle?” sa halip ay tanong niya. Ayaw niyang pag-usapan ang pasa sa mukha.

“Ano’ng nangyari sa pisngi mo?” tanong uli ng lalaki. Wala siyang makitang emosyon sa mukha nito habang nakatingin sa kanya.

Sinubukang itago ni Vienna ang namumulang mga pisngi sa pamamagitan ng pagtatakip ng buhok niya sa kanyang mukha. “Wala. Nasobrahan lang sa blush on,” pagdadahilan niya.

Kumabog nang malakas ang puso niya nang abutin ng kamay ni Lander ang pisngi niya, saka iyon masuyong hinaplos. “Ano’ng nangyari dito?” tanong nito.

Umiling siya. “Nadapa ako.”

Nagdilim ang mukha ng lalaki. “Puro na lang ba kasinungalingan ang alam mo?”

Nagbaba ng tingin si Vienna. “Nakipag-aaway ako. There. That’s the truth. Masaya ka na?”

“May pasa ka, dapat ba iyong ikasaya?” sabi ni Lander at inilayo ang kamay sa kanyang pisngi.

Gusto niyang ibalik ang kamay ng binata sa kanyang pisngi pero pinigilan niya ang sarili. Kahit ang totoo ay gusto niyang maramdamang uli ang naramdaman kanina dahil sa ginawa ng lalaki. Pero mukhang suntok sa buwan ang kahilingan ni Vienna dahil biglang may babaeng lumapit dito. Kilala niya ang babae. Kahit naman may extracurricular activities siya, updated pa rin naman siya pagdating sa fashion industry.

The woman beside him was Eizel San Diego, one of the highest paid and famous models in Asia and America.

Bakit magkakilala sila?

“Natagalan ka kaya sinundan kita,” sabi nito kay Lander.

Parang may kutsilyo na tumarak sa puso ni Vienna nang makitang inakbayan ng lalaki si Eizel San Diego. “Sorry, babe. Natagalan ako,” sabi nito at iginiya palabas ng cafeteria ang babae nang hindi man lang tumitingin sa kanya.

At bakit naman ito titingin o magpaalam sa kanya? Sino ba siya?

Mapakla siyang napangiti nang mapansing may nahulog na luha sa kanyang pisngi. Peste! Ang sakit naman nito!

Sana hindi na lang siyang umuwi.

NANG makalabas sina Lander at Eizel ng cafeteria, mabilis na pinalis ni Eizel ang braso niya sa balikat nito at matiim siyang tiningnan.

“Sino `yong babaeng kausap mo bago ako dumating?” tanong ng babae.

“Wala `yon.”

Tumaas ang kilay nito. “Kapag hindi mo sinabi kung sino siya, babalik ako doon at sasabihin kong hindi mo naman ako ‘babe.’”

Itinirik ni Lander ang mga mata at nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. “Her name is Vienna Sugon—” Nagtagis ang kanyang bagang. “—my ex-girlfriend.”

Ngumisi si Eizel. “Ex? Hmm… Still harboring feelings for her, I see.”

Ibubuka niya sana ang bibig para itama ang sinabi nito nang itaas ng babae ang kamay at inilapat ang isang daliri sa mga labi niya. “Huwag mo nang i-deny, Lander. Halata sa mga mata mo.” Ang lapad ng ngiti ni Eizel. “Ingat-ingat din kapag may time. Kasi kahit anong tago mo sa nararamdaman mo, lalabas at lalabas din `yan. At wala kang takas.” Itinuro nito ang puso niya. “Dahil kapag ito ang kalaban mo, hindi ka mananalo,” saka matamis na ngumiti ang babae. “Based on my own experience.” Kinuha nito ang cup noodles na hawak niya at nginitian na naman siya nang pagkatamis-tamis, pagkatapos ay nauna nang maglakad sa kanya. Naiwan siyang nakatanga sa papalayo nitong bulto.

“I still have feelings for Vienna?” Mapaklang ngumiti si Lander. “Is that a joke?”

A-
A+

Georgia

Arial

Cabin

T

T

T

en

English

en

Chapter auto-unlock

settings