Chapter 2
ISANG TAO LANG NAMAN ANG DAPAT SISIHIN KUNG bakit may “H” sa pangalan ni Jhustin. Noong ipanganak siya sa Reyes Maternity and General Hospital, ang kanyang papa ang nilapitan ng doktor para magsulat ng pangalan niya sa birth certificate. Ang gusto ng kanyang ama, isunod sa sarili nitong pangalan ang pangalan niya: Jose Valentin Almario. Ayaw ng kanyang mama. Masyado raw kasing makaluma, panahon pa ng mga Kastila.
Nagkasundo ang mag-asawa sa Justin Almario. Hindi lang maintindihan ng mama niya kung anong lamanlupa ang sumanib sa asawa nang isulat nito ang Jhustin at dagdagan pa ng Rex bukod sa panggulong titik H.
“Rex kasi para astigin. Parang hari,” paliwanag ng kanyang papa nang minsang mapag-usapan nila sa hapag-kainan habang naghahapunan.
“Hari ka diyan? Parang dinosaur kaya,” kontra ng kanyang mama.
“E, ba’t nga may H pa `yong first name ko?” sabat naman ni Jhustin.
“Para modern.”
Sa loob-loob ni Jhustin, sana nanatili na lang makaluma ang kanyang mga magulang. Mas matatanggap pa niya ang Jose Valentin kaysa sa Jhustin. Modern nga, jologs naman. Hindi talaga lahat ng bago, maganda. Minsan, mas mainam pa rin ang luma at pinagtibay na ng panahon.
Gustuhin man ni Jhustin na sisihin ang kanyang papa, hindi na niya magawa. Hindi naman sa takot siyang makipagtalo rito o takot na mapalo sa puwit. Hindi lang niya kayang manisi ng taong wala na sa mundo.
Ito ang pangalawang kamalasan niya sa buhay, ang maulila sa ama sa murang edad. Ang mawalan ng tagadisiplina, tagapagtanggol, tagakunsinti, tagabiro at tagabili ng mga gusto niya tuwing magpupunta sa mall kapag birthday o araw ng Pasko.
“Iakyat mo na `tong mga tiniklop,” sabi ng kanyang mama habang hinihimas ang balakang. “Mamaya ko na paplantsahin pagkakain.”
Binuhat ni Jhustin ang basket ng mga damit paakyat sa ikalawang palapag ng kanilang bahay kung saan naroon ang kanilang kabayo at plantsa. May malaking bintana sa sala nila sa itaas at doon namamalantsa ang kanyang mama. Bukod kasi sa mahangin, tanaw rin mula roon ang sementeryo kung saan nakalibing ang kanyang papa.
Ibinaba ni Jhustin ang basket sa tabi ng bintana. Siya na rin ang nagtayo ng kabayo at nagpatong ng plantsa sa lagayan nito para hindi na mahirapan ang kanyang mama. Agad siyang bumaba para naman tulungan ang ina sa paghahanda ng kanilang hapunan. Napakunot ang noo niya nang makasalubong sa hagdanan ang kanyang kuya.
“`Ma! Si Kuya nga, o!” sumbong ni Jhustin.
“Problema mo?” May mapang-inis na ngiti sa mukha ng kuya niya. “Wala pa nga akong ginagawa sa `yo. Praning ka ba? ”
“`Ma! Si Kuya!”
Tumawa nang malakas ang nag-iisa at nakatatanda niyang kapatid.
Ang kuya niya ang isa pang kamalasan sa kanyang buhay. Hindi naman dahil sa masama o malupit itong kapatid. Sa katunayan, mahal na mahal siya nito. Iyon nga lang, iba ang paraan ng pagpapakita nito ng pagmamahal—sa pamamagitan ng pang-aasar.
Walang araw ang lilipas na hindi nabubuwisit si Jhustin ng kuya niya. Paborito nitong pang-asar, siyempre, ang kanyang kakaibang pangalan.
“Huy, Ja-haaas-tin, kain na daw... Ja-haaas-tin, matagal ka pa? Natatae na `ko... Tawag ka ni Mama, Ja-haaas-tin... Pautang nga ng beinte, Ja-haaas-tin. Balik ko din mamaya... Hiniram mo ba `yong sando ko, Ja-haaas-tin?”
Hilig din ng kanyang kuya ang kilitiin siya. Malakas ang kiliti ni Jhustin sa katawan, lalo na sa tagiliran. Minsan, kapag nagbabantay ng sinaing o nagbabasa ng komiks sa sala, magugulat na lang siya sa daliring tutusok sa kanyang baywang. Kiliti rin ang paboritong panggising ng kuya niya sa kanya, lalo na kapag napasarap ang tulog niya. Pero sa halip na matawa, nabubuwisit siya kapag kinikiliti ng kapatid.
Ang pinakakinaaasaran niya sa kapatid ay ang panghuhubo nito ng salawal. Harutan kasi nila iyon noong maliliit pa sila. Kapag bumabagyo at hindi sila makalabas ng bahay, silang magkapatid ang magkalaro. Maghahabulang-hubo sila sa sala at sa kusina. Sa halip na tayain ang isa’t isa, naghahatakan sila ng shorts. Hindi lang maintindihan ni Jhustin kung bakit hindi na nakalakihan iyon ng kanyang kuya.
Kahit ngayong Grade 9 na siya at second year college naman ang nakatatandang kapatid, hinuhubuan pa rin siya nito kapag nakakahanap ng pagkakataon. Kaya iniiwasan niyang magsuot ng salawal kapag lalabas ng bahay. Kahit bibili lang siya ng soft drinks sa katabing tindahan, nagpapalit pa rin siya ng pantalon o shorts na de-butones at puwedeng suutan ng sinturon.
“Hoy, kayong magkuya,” sigaw ng mama nila mula sa kusina, “tigilan n’yo `yang harutan n’yo, ha? Gabi na. Pumunta na kayo dito’t kakain na tayo.”
Sinuntok ni Jhustin ang kanyang kuya sa kaliwang braso, sabay talon pababa ng hagdan. “Quits na tayo!” Saka siya tumakbo papunta sa kusina.
Tumawa lang nang malakas ang kapatid niya saka sumunod sa kusina para kumain.
Georgia
Arial
Cabin
T
T
T
English
Chapter auto-unlock