Chapter 1
NANG MAGHASIK YATA NG KAMALASAN SA MUNDO, sinalo lahat ni Jhustin. Lagi niyang kinaiinisan ang kanyang pangalan. Bukod kasi sa pangkaraniwan at maraming kapareho, hindi rin niya matanggap ang spelling nito. Ito ang una niyang kamalasan sa buhay.
“Bakit kasi may ‘H’? Wala naman dapat ‘H’ `yon!” sabi niya sa kanyang mama habang tinutulungan itong magtiklop ng damit. Hindi siya galit pero hindi niya maiwasang mapataas ang boses kapag napapag-usapan ang kanyang pangalan.
“Pasalamat ka nga’t me pangalan ka,” sagot ng kanyang ina. “`Yong iba ngang baby d’yan, binabalot na lang sa diyaryo’t iniiwan sa basurahan. Ni hindi makuhang bigyan ng pangalan ng nanay na nagsilang sa kanila. `Tapos ikaw magrereklamo ka dahil `di mo gusto `yang spelling ng pangalan mo?”
Sa takot na baka atakihin sa puso ang kanyang mama, tumatahimik na lang si Jhustin at kinikimkim ang pagkabuwisit. Mag-iisip siya ng mga pangalang sa tingin niya ay mas bagay sa kanya para hindi mapagbuntunan ng inis ang ina. Puwede namang Joseph o Jeffrey, o kahit Gerald. Bakit Jhustin pa?
May karapatan namang mayamot si Jhustin sa kanyang pangalan. Ilang beses na rin kasi siyang napaaway sa eskuwelahan dahil dito. Ang unang pagkakataong ipinahamak siya ng kanyang pangalan ay noong Grade 6. Recess noon at tahimik siyang kumakain ng baong hot dog sandwich sa isang sulok ng kanilang classroom nang lapitan siya nina Raymart at Richmond, ang kambal na bully sa batch nila.
“Ano’ng baon mo ngayon, Ja-haaas-tin?” bungad ni Raymart.
“Pahingi naman niyan, Ja-haaas-tin,” segunda ni Richmond.
Hindi kumibo si Jhustin. Tumigil siya sa pagkain at tumingin sa tanawin sa labas ng bintana. Alam niyang mapang-asar talaga ang dalawang kaklase kaya pinipigilan niyang patulan ang mga ito.
“Hot dog pala `yang kinakain mo, Ja-haaas-tin.” Si Raymart.
“Ba’t ang liit ng hot dog mo, Ja-haaas-tin?” Si Richmond. “Baka puro hangin lang `yan. Parang `yong pangalan mo, Ja-haaas-tin.”
Lumapit ang kambal at tinangkang hablutin ang hot dog sandwich ni Jhustin. Pero bago pa sumayad ang kanilang mga kamay sa kanya, bigla niyang hinati sa gitna ang hawak na tinapay at ipinansampal iyon sa mukha ng dalawang bully. Nauwi sa suntukan ang simpleng asaran. Nasuspende silang lahat ng isang araw pagkatapos magkita-kita sa opisina ng Prefect of Discipline kasama ng kani-kanilang mga magulang.
May dala ring alat ang kakaibang spelling ng pangalan ni Jhustin. Christmas party nila noong Grade 7, may pa-raffle sa klase at ang grand prize ay isang coupon ng libreng laro buong araw sa Fineski, ang pinakasikat na computer shop sa kanilang bayan.
“And the winner of our grand prize is...” binitin pa nang kaunti ni Ms. Galvez, “Jhustin Almario!”
Nagpalakpakan ang lahat ng mga babae sa classroom. Ang sama naman ng tingin ng mga kaklase niyang lalaki sa kanya. Kung makakapanakit lang ang mga nagdidilim nilang paningin, baka tadtad ng pasang uuwi si Jhustin galing ng eskuwelahan.
Nang tanghaling iyon, pagkatapos ng mga palaro at kainan, tumakbo agad si Jhustin papuntang Fineski. Tatlong kanto ang layo nito sa kanilang paaralan kaya hulas na hulas siya nang dumating sa computer shop. Agad niyang iniabot ang napanalunang coupon sa matabang lalaking nakatao roon.
“Pengeng ID,” sabi ng lalaki.
Hinubad ni Jhustin ang ID na nakasabit sa kanyang leeg. Tiningnan ng bantay ang pangalan sa ID niya at ikinumpara sa nakalagay sa coupon na isinulat ng kanilang adviser bago iyon iabot sa kanya kanina. Napailing ang matabang lalaki.
“Mali `yong nakapangalan sa coupon,” sabi nito. “Ikaw ba talaga `to?”
“Ako `yan, Jhustin Almario,” sagot niya.
“Eh, Justin Almario ang nakasulat sa coupon. `Yong nasa ID mo, Jhustin Rex Almario. Hindi `to puwede. Dapat pareho ang pangalan.”
“Nagpapatawa ka ba?” Napataas ang boses ni Jhustin nang hindi sinasadya. Kahit ang mga naglalarong naka-headset na malapit sa kanilang dalawa ay saglit na napatingin sa direksiyon niya. “Nagkulang lang ng ‘H.’ `Di lang nalagay ng teacher ko, nagmamadali kasi kanina.”
“Pasensiya na, boy. Utos ng boss ko, dapat pareho ng nakasulat sa coupon `yong nasa ID. `Pag hindi, invalid s’ya. Dami kasing namemeke ng coupon at ID dito para makalibre ng laro.”
“Potek `yan. Sana `di na lang kayo nagpa-coupon.” Padabog na lumabas ng Fineski si Jhustin bago pa siya makapagsalita o makagawa ng hindi maganda sa loob. Mas madilim pa ang kanyang mukha ngayon kumpara sa tingin ng mga kaklase niyang lalaki kanina nang mapanalunan niya ang grand prize sa raffle.
Habang naglalakad pauwi, ibinulong niya ang mantra sa sarili. “Buwisit na H `yan! Buwisit na H `yan! Buwisit na H `yan!”
Georgia
Arial
Cabin
T
T
T
English
Chapter auto-unlock