PAGKATAPOS MAG-URONG NG MGA PINAGKAINAN, agad na nagtungo si Jhustin sa kanyang kuwarto para magpalit ng suot. Hinubad niya ang sando at pang-basketball na salawal at pinalitan iyon ng puting T-shirt at pantalong maong. Tumakbo siya sa banyo para unahan ang kanyang kuya na maliligo pa lang.
“`Ma, si Jhustin, magkokompyuter na naman magdamag!” sigaw ng kanyang kuya, halatang mas nang-aasar kaysa nagsusumbong.
“Inayagan aya ako ni Wawa!” sigaw niya mula sa loob ng banyo habang nagsesepilyo. “ Ala awang asok ukas. Saka ako aya nagniklop ng amit at nag-urong anina.”
“Uubusin mo na naman `yang pera mo sa laro.”
“Wawuti na `yon esa utangin wo.”
Dali-daling binuksan ni Jhustin ang pinto ng banyo at patakbong lumabas. Nailagan niya ang tangkang pangingiliti ng kanyang kuya. Pinuntahan niya ang kanyang mama sa kuwarto para magpaalam.
“Anong oras ka uuwi? `Yong assignment mo, tapos na ba?” tanong ng kanyang ina na nakaharap sa salamin at nagpapahid ng pampaputing moisturizer sa mukha.
“Hanggang ten lang, `Ma. Wala akong assignment. Alis na `ko.”
Ito ang paboritong oras ni Jhustin sa buong linggo: Friday, 6:50 ng gabi. Maglalakad siya ng dalawang kanto mula sa bahay papunta sa Fineski. Minsan ay binibilang niya ang mga hakbang hanggang sa pintuan ng computer shop: 537 steps. Minsan naman, tumitingala siya sa langit habang naglalakad. Kapag maaliwalas ang panahon, hahanapin niya ang buwan at ang tatlong magkakalapit na bituin.
Gustong-gusto rin ni Jhustin na binubulabog ang mga aso ng kapitbahay. Doon siya maglalakad malapit sa gate ng mga nadadaanang bahay para agad siyang maamoy o marinig ng mga aso. Kapag tinahulan siya, duduruin niya ang mga ito ng daliri o kaya naman ay didilaan para lalong asarin.
Makulimlim nang gabing iyon kaya walang buwan o mga bituin. Wala ring mga asong nagalit sa kanya habang naglalakad siya sa gilid ng kalsada. Nawala siya sa pagbibilang ng mga hakbang. Inisip ni Jhustin na baka signos iyon na mamalasin siya ngayong gabi.
Minalas nga siya. Hindi dahil sa natalo siya sa laro o nawala ang singkuwenta pesos niya sa bulsa. Wala na kasing bakanteng upuan sa Fineski.
“Kuya, anong oras matatapos?” tanong niya sa bantay ng computer shop.
“Matagal pa. Isang oras pa `yong pinakamaaga kung `di mag-e-extend.”
Ngayon lang ito nangyari. Madalas kasi, pagpatak ng alas-siyete ng gabi, mag-uuwian na ang mga estudyanteng dumeretso sa Fineski galing sa eskuwelahan. Iyon namang mga umuwi muna sa bahay, alas-siyete pa lang maghahapunan kaya mga alas-otso pa magsisidatingan. Hindi alam ni Jhustin kung ano ang nabago ngayon.
Nagpa-reserve siya ng slot sa bantay, saka lumakad papasok sa computer shop para manood ng mga naglalaro. Halo-halo ang amoy sa loob. Tuyong pawis. Putok. Bench na pabango. Thirdhand smoke. Bula ng Coke. Chippy. May kakaibang amoy rin ang hanging nanggagaling sa air-conditioning unit. Parang gaas o goma.
Halos lahat ng nakasalang ay iisa ang nilalaro—Battle of Rebels: Tactical Angels. BORTA for short. Seryosong-seryoso ang mukha ng mga nagbibinatang gamer. Lahat ay busy sa pagpapa-level up ng kani-kanilang hero, sa pagpapatumba ng tore ng kaaway at sa pagpatay sa kalabang hero.
Lahat ay tutok na tutok sa paglalaro. Maliban sa isa.
Sa pinakasulok ng computer shop, sa ilalim ng AC unit, may isang lalaking nakatutok din naman sa monitor, pero hindi BORTA ang nasa screen. Pulos puting espasyo. May mga itim na guhit sa gitna na mukhang bar code sa malayo. Nang lumapit pa nang kaunti sa Jhustin, saka lang niya napansing mga pangungusap at talata pala iyon.
Nagbabasa ng article ang lalaki.
Wala talagang balak manghimasok si Jhustin sa ginagawa ng lalaki, pero mahirap pigilan ang pang-uusisa. Mahirap tanggihan ang halina ng nag-iisang mambabasa sa gitna ng maiingay na gamer. Para itong bahaghari sa maulap na kalangitan. Puno sa gitna ng malawak na sakahan. Perlas sa pusod ng dagat. Kakaiba. Kapansin-pansin.
“Hello,” bati sa kanya ng lalaki. “Gusto mong makibasa?”
Huli na nang mapansin ni Jhustin na halos nakadukwang na pala siya sa kanang balikat ng lalaki at inaaninag kung ano ang binabasa nito.







