Chapter 1
“OH, ang aga mo naman yatang nagising?”
Napalingon si Janine Mauriz Castillo sa nagtanong na si Rency Villanueva, ang kasama niya sa apartment na tinutuluyan.
“Oo nga eh. May napaginipan na naman kasi ako kagabi. Feeling ko scary kasi ang sakit sa dibdib. But when I woke up, hindi ko naman matandaan,” sagot niya habang hinahalo ang kapeng nasa ibabaw ng kaharap na lamesa.
“Ilang araw na ‘yan ah. Tingnan mo, nagkaka-eye bags ka na tuloy,” pansin ni Rency at umupo sa bakanteng upuan na katapat ng kay Janine.
Dalawa lang silang magkasama sa apartment na inuupahan, magkasama rin sila sa iisang company at sabay na na-approve ang dalawang linggong vacation leave nila.
“Halata na ba mas’yado?” tanong niya at humigop ng kaunti sa mainit na kapeng nasa hawak na tasa.
“Medyo. Maganda ka pa rin naman, don’t worry. Pero mas maganda ako.”
“Loka!” Natatawa siya sa tinuran ni Rency at binato ng pandesal na nakabalot sa papel na lalagyan.
“Teka, anong oras ka pala susunduin ni papa Ver?” tanong ni Rency bago inabot ang pandesal at nagsimulang palamanan ng peanut butter.
Ang boyfriend niyang si Vernon Villalobos ang tinutukoy ng kaibigan.
“After lunch yata. Ikaw anong oras ka ba aalis?”
“Before lunch. Mukhang hindi na yata talaga magtatagpo ang landas namin ni papa Ver ngayong umaga ah. Daanan ninyo na lang ako sa may gas station pagkalagpas ng 7-11, alam ko naman na miss niya na ako eh.”
“Loka ka talaga! Tigilan mo na nga ang pagpapantasya sa boyfriend ko,” natatawang sabi niya. Matagal na kasing crush ni Rency ang nobyo niya kahit noong nanliligaw pa lamang ito sa kanya. Biro nga ni Rency sa kanya, h’wag lang daw siya malingat kahit konti at baka maagaw daw kaagad ng iba si Vernon mula sa kanya.
“Teka, saan daw ba tayo pupunta?” usisa ni Rency bago kinagatan ang hawak na tinapay.
“Hindi ko pa sure eh. Sa isang private beach resort yata…”
“Private beach resort? Sino daw may-ari?”
“’Yung Mark Francis Sarao yata, ‘yung pinaka-bestfriend ni Vernon sa Perwisyo Boys na Kiko ang palayaw,” tugon niya na isa sa mga barkada ng nobyo ang tinutukoy. Ito ang unang pagkakataon na makikilala at makakasama niya ang mga barkada ni Vernon na “Perwisyo Boys” kung tawagin. Ngayon lang kasi siya napilit ng nobyo na sumama sa ganoong lakad. Nais kasi ng binate na ipakilala siya sa barkada na halos apat na taong hindi nakita.
“Mark Francis Sarao? Parang ang gwapo na mayaman ah. Imagine, may-ari siya ng isang private beach resort! May girlfriend na ba ‘yun?” nakangiting tanong ni Rency.
“Ang alam ko oo,” nakangiti ring tugon niya. “Lahat naman yata ng barkada niya may girlfriend eh.”
“Ibig sabihin, sa apat na kaibigan ni Vernon, lahat ng mga ‘yun may kasamang girlfriend?” dismayadong tanong ni Rency.
“Ang alam ko oo. Oh, sure ka na bang sasama ka?”
“Hmp! Kung may gagawin lang ako ngayong long weekend ko hindi talaga ako sasama.”
Natawa na lang si Janine sa inarte ni Rency at kumagat nang hawak na pandesal.
“Eh ‘di ba, first time mo pa lang rin makikita at makikilala ang mga iyon?” usisa pa ulit ni Rency.
“Oo nga eh. Ang alam ko nga, after ng graduation party pa ‘nung huli silang magkita-kita. Hindi ko lang sure kung doon rin sa lugar na iyon.”
“At sila rin ‘yung mga friends niya na first time mong makikilala?”
Itinaas ni Janine ang dalawang kilay na tanda ng pagsang-ayon.
“Bakit kasi hindi ka sumasama sa mga party ni Vernon? Lagi ka namang invited.”
“Feeling ko kasi halos lahat ng friends niya sosyalista. Baka hindi ako makasabay.”
“Ang sabihin mo, masyado ka kasing mahiyain. ‘Yan talaga siguro nagustuhan sa iyo ni papa Ver. Dapat pala nagkunwari na lang rin ako na mahiyain dati ng makita natin siya sa coffee shop, baka ako ang napansin niya kaagad no’n.”
“Loka ka talaga!”
Sa isang coffee shop sila nagkakilala ni Vernon. Kaka-out lang niya noon mula sa panggabing trabaho bilang isang call center agent at dumiretso sa isang coffe shop upang mag-almusal. At dahil punuan sa loob ng coffee shop ay naki-share ng lamesa si Vernon sa kanya. Tandang-tanda pa niya ang hitsura nito noon umagang iyon. Nakasuot ang binata ng long sleeve na maroon ang kulay at nakatupi hanggang sa may bago mag-siko. Nakatali naman ang wavy na buhok nito na hanggang batok ang haba. Hindi iyon ang huling beses na nagkita sila sa coffee shop at nag-share sa isang lamesa. Nasundan iyon ng ilan pang mga beses na humantong sa kwentuhan at palitan ng mga cellphone number. Hindi nga nagtagal ay niligawan siya ng binata. Mas kinilig pa nga si Rency nang unang beses na pumunta ito sa apartment nila. Destiny kuno raw sila kasi magkahwig silang dalawa. Parehas kasi silang maputi at bilugan na singkitin ang mga mata. At dahil sa pigiging mabait at sadyang makisig ng binata ay hindi na niya pinatagal pa ang panunuyo nito. At sa loob ng ng dalawang taon na relasyon nila ay wala siya naging kahit na anong problema sa binata o sa relasyon nilang dalawa.
Naagaw ng tumutunog na cellphone ang atensyon ni Janine.
“Ang prince charming mo, tumatawag na.”
Nakangiti siyang tumingin saglit kay Rency bago dinampot ang kalapit na cellhphone. “Hello babe?”
***
“BABE, kuha ka lang d’yan kung may gusto kang bilhin ha?”
“Sure babe,” tugon ni Janine nang makapasok silang dalawa ni Vernon sa loob ng isang convenient store. Susunod na sana siya sa nobyong nagpauna nang pumunta sa food section at nagsimulang dumampot ng mga sitsirya nang mapalingon sa bagong pasok na customer. Isang matangkad at maputing lalaki na nakasuot ng leather jacket at katabi ang isang mestisahing babae na hindi maikukubli ang tila pag-aalala sa mukha. Napakunot noo siya ng mapansing tila pamilyar sa kanya ang mukha ng babae. “Joy?”
Napalingon ang babaeng nakasuot ng gray na dress at may blazer na black. Kumunot ang noo nito ng mapatingin sa kanya na tila inaalala ang mukha niya.
“Joy don’t you remember me? It’s me, Janine,” nakangiting pakilala ni Janine sa sarili bago lumapit dito. Hindi siya maaaring magkamali, si Eliza Joy Ignes ang kaharap niya ngayon. Ang isa sa mga naging malapit na kaibigan niya noong high school bago siya nagtransfer sa ibang school dahil sa isang aksidente.
“Janine?” ulit ni Joy.
“Kakaloka ‘to, it’s me Janine Mauriz Castillo! Classmate mo no’ng first and second year highschool!”
“Oh my! Janine!” sa wakas ay nagawa ring alalahanin at makilala ni Joy ang babaeng kanina lang ay estranghero sa paningin. “Sorry, memory gap!”
“Hay naku, okey lang! Kumusta ka na? Ang ganda-ganda na lalo!” puri niya kay Joy. Cute na ito noong high school sila ngunit hindi niya maikakaila na mas malaki ang iginanda nito ngayon.
“Ako pa ang maganda?! Eh ikaw nga mukang korean model!” nakangiting tugon ni Joy.
“Babe, wala ka na bang idadagdag?”
Sabay silang napalingon kay Vernon na may hawak ng malaking paper bag.
“Wala na babe. Ay oo nga pala, si Joy, isa sa mga super friends ko nu’ng high school,” pakilala ni Janine sa nobyo. “Joy, si Vernon, boyfriend ko.”
“Hi, nice to meet you!” ani Vernon.
“Nice to meet you too, Vernon,” nakangiting tugon ni Joy.
“Hey, babe, I think we have to go na. Baka naghihintay na si Rency sa may gas station,” paalala ni Vernon.
“Ah yeah. Joy, Mauna na kami ha, may lakad pa kasi kami,” paalam Janine bago humalik sa pisngi ni Joy.
“Sure, no prolem. Ingat kayo ha,” tugon ni Joy.
“Hanapin na lang kita sa facebook. Bye!” nakangiting pahabol ni Janine bago tuluyang makalabas ng store kasabay si Vernon. Papasok na siya ng kotse nang mapatingin muli sa loob ng convenient store. Nagtaka siya ng tila namumutlang nakatingin si Joy sa may tabi niya na wala namang kahit na ano o sinong nakatayo doon.
“Babe?”
Nagising ang tila natulala niyang diwa sa pagtawag na ginawa ni Vernon at tuluyan nang pumasok sa loob ng kotse.
“Okey ka lang?” tanong ni Vernon na nagsimula ng patakbuhin ang kotse.
“Yes. Na-weird-an lang ako kay Joy kanina.” Iniayos niya ang upo at isinakbit na ang seatbelt sa katawan.
Binuhay na ni Vernon ang makina ng kotse kasunod ang mabilis na pagpapatakbo niyon.
“Si Kiko ang boyfriend ni Phoebe. Si JC naman ang boyfriend ni Gabby, tapos si Emma at Mon then Joel at Madeleine. Tama na ba?” pag-iisa isa ni Janine sa pangalan ng barkada ni Vernon at girlfriend ng mga ito.
“Si JC ang boyfriend ni Madeleine, si Joel ang boyfriend ni Emma and si Mon ang boyfriend ni Gab,” natatawang pagtatama ni Vernon sa mga maling sinabi ng nobya. Muli niyang inihimpil ang kotse ng magkulay berde ang traffic light hindi kalayuan.
“Tsk!” ani Janine at bahagyang tinapik ang noo. “Sabi na eh, I’m really not good in names.”
“Babe, okey lang ‘yan. Hindi naman kailangan na matandaan mo lahat ngayon eh,” nakangiting sabi pa ni Vernon at bahagyang pinisil ang baba ng nobya.
“Eh kasi naman, ayokong mapahiya.”
“Mapahiya? Bakit ka naman mapapahiya?” kuno’t noong tanong ni Vernon.
“”Babe, kasama mo sila sa Bradfort university ’di ba? Eh ‘di ibig sabihin mayayaman rin silang lahat,” tugon niya na ang tinutukoy ay ang isa sa promemyosong university sa Manila.
“Medyo?” ani Vernon na ngumiti kung saan lumabas ang mga biloy sa pisngi.
“Eh ‘di ibig sabihin rin, mga sosyal ang girlfriend ng mga ‘yun. Parang ‘yung girlfriend ng mga pinasan mo. Remember no’ng party sa bahay ng tita mo. Hindi na ako makasabay sa pinag-uusapan ng mga ‘yun sa kaartehan, I mean kasosyalan pala.”
Natatawang muling inabante ni Vernon ang kotse ng magpula ang ilaw ng traffic light. “Akala mo lang ‘yun kasi maaarte nga sila. Pero ‘yung mga girlfriend ng Perwisyo Boys?” ani Vernon na pangalan ng barkada ang tinutukoy. “I’m telling you, mas sosyal ka pa sa mga ‘yun.”
“Ako? Mas sosyal? Paano nangyari ‘yun?” takang tanong niya na hindi inaalis ang mga tingin sa natatawang binata. Hindi niya kasi magawang maisip kung paanong ang isang kagaya niyang hindi nakapagtapos ng kolehiyo at isang call center agent ay magiging mas sosyal sa mga girlfriend ng Perwisyo Boys. Naalala kasi niya noong umattend siya ng house blessing ng tita ni Vernon kung saan nakilala niya ang ilang sa miyembro ng pamilya nito at mga kamag-anak. Karamihan sa mga pinsan nito ay hindi niya makausap ng maayos dahil puro mamahaling bag at alahas ang pinag-uusapan kaya iniisip niyang ganoon rin ang mangyayari sa outing nila.
“Can you recall Kiko’s girlfriend?”
“Kiko is your bestfriend sa Perwisyo Boys. Hmm… Phoebe?”
“Kiko met her at Black Unicorn club.”
“Black Unicorn club? You mean?” aniyang hindi na itinuloy pa ang sasabihin. Kilalang club ang tinutukoy ni Vernon na para sa mga bayarang babae.
“Yes, Phoebe is a prostitute…”
“Oh my…” Hindi siya makapaniwala sa sinabing iyon ng nobyo bago itinuon ang tingin sa harapan. “Vernon, may babae!”
Mabilis na iprineno ni Vernon sa gilid ng kalsada ang kotse dahil sa malakas na pagsigaw ng nobya. Mabuti na lamang at nasa labas na sila ng highway kung saan iilan na lamang ang sasakyan na dumadaan.
“Hey babe…”
“Nasaan na? Nabundol ba natin?” nag-aalalang tanong niya habang nakatakip ang mga palad sa buong mukha dahil sa takot.
“Wala namang babae, babe…”
Dahan-dahan niyang tinanggal ang mga palad sa mukha at tumingin sa harapan ng kotse. Nakaparada na sila sa gilid ng kalsada at walang kahit na anong bakas ang salamin o harapan ng kotse na may nasagasaan silang tao.
“N-nakita ko… M-may…” ramdam niya ang panginginig ng buong katawan niya.
“Babe… Shhh…” hinawakan ni Vernon ang mukha ng nobya. “Walang babae… Wala tayong nabundol… Namamalikmata ka lang.”
“Muling niyang iginala ang paningin sa paligid ng kotse bago nagbitaw ng isang malalim na buntong hininga. “S-sigurado ako… M-may nakita akong babaeng nakapula… Nakatayo sa g-gitna ng k-kalsada…”
“KAILANGAN ko pa ba talagang sumama?” tanong ni Gabrielle “Gabby” Celi habang nag-eempake ng gamit katulong ang nobyong si Mon Christian Sario.
“Don’t tell me ngayon ka pa magba-back out?” kuno’t noong tanong ni Mon.
“Hindi naman, kaya lang…”
“Kaya lang kinakabahan ka na naman na makilala ang Perwisyo Boys? Sweety, ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na mababait ang mga kaibigan ko?”
“Oo nga, mababait sila. Eh ang mga girlfriends nila?” nakalabing tanong ni Gabby nang maaalala ang mga nakitang picture ng ilang barkada nito na naka-add sa friendlist niya sa facebook. “Lalo na ‘yung mag-bestfriend na Emma at Madeleine.”
“Nai-insecure ka ba?”
“Hindi naman…”
“Oh hindi naman pala eh.”
“Kaya lang baka kasi hindi rin ako mag-enjoy,” muling sabi niya.
“Nami-miss mo na ang dagat, right? Kaya I know na mag-eenjoy ka talaga.”
Tama ang nobyo si Mon. Gustung-gusto talaga niya ang dagat dahil doon siya lumaki noon sa probinsya nila. Siguradong mae-enjoy niya ang dagat at ang paglangoy ngunit hindi siya sigurado kung mae-enjoy niya ang mga makakasama niya sa munting bakasyon. “I love beach but not your friends. Feeling ko talaga ang aarte nila, lalo na ‘yung Madeleine at Emma. Feeling ko talaga ang aarte nila,” sabi pa niya ng maalala kung anu-ano ang pinagpo-post ng dalawang tinutukoy sa facebook. Puro luho at mga sosyal na lugar na pinupuntahan.
“Ah, ‘yung girlfriend nina JC at Joel?” natatawang sabi ni Mon.
“Kasi naman, wala na yatang ibang alam na pag-usapan at i-post sa facebook kung hindi mga branded na damit, bag, sapatos at kung anu-ano pa.”
“Medyo nga…”
“Kita mo na!” aniya at binato ng hawak na damit ang nobyo. “Kaya nga ayoko na talagang sumama!”
“Just kidding sweety. Kasama naman ‘yung girlfriend ni Kiko eh.”
“’Yung Pheobe?”
“Yup. ‘Yung pok-”
“Shhh… H’wag mo nang ituloy. Masakit sa tainga eh. Hindi ko rin sure kung makakasundo ko ‘yun. Baka kasi puro kabastusan at kalaswaan lang ang alam no’n pag-usapan.”
“Hmmm… What about girlfriend ni Vernon?”
“Janine,” sabi niya na inaalala ang hitsura ng dalaga sa facebook. Maganda ito at mukhang mabait kaya lang may problema pa rin siya. “Call center agent naman ‘yun, baka maubusan ako ng baon na English.”
“Napaparanoid ka na naman sweety. Don’t tell me na ngayon ka pa magbaback out pagkatapos kong magpa-good shot ng sobra sa kanila para payagan ka na sumama sa akin.”
Natawa si Gabby sa tinuran ng nobyo. Takot kasi ito sa papa at tatlong kuya niya kaya hindi masyadong dumadalaw sa bahay nila. Pero nitong nakaraang mga araw ay napadalas ang pagdalaw nito na may dala pang mga pasalubong para sa lahat at ang mas kinatuwa niya ay ang pagsabay nitong kumain ng hapunan sa kanila. Alam niya kasing hindi masyadong makakain nang maayos ang binata dahil sa bawat subo yatang ginagawa nito ay ang pag-ubo o kunwa’y pagkasamid alinman sa tatlong maton niyang mga kapatid. Natatawa na lang rin siya kasi alam niyang minsan ay pinagti-trip-an na lang ito ng mga kuya niya. Hindi naman nagiging over protective ang papa niya at mga kapatid pero naging mahigpit ang mga ito pagdating sa kanyang mga manililigaw. Si Mon lang talaga ang tumagal sa lahat ng mga iyon. At sa edad niya na beinte cinco ay kahit paano naging maluwag na ang mga ito sa kanya at kay Mon na mahigit isang taon na niyang nobyo pagkatapos ng halos dalawang taon na ligawan. Pinapayagan na rin ng mga ito si Mon na matulog sa bahay nila ngunit sa kwarto ng mga kuya niya. Nitong nakraan lang nito halos nagagawang pumasok sa kwarto niya na gawa na rin siguro ng pagpapa-good shot na ginawa. At ang outing na ito ng barkada ni Mon ang kauna-unahang pagkakataon na mapapalayo siya ng isang linggo sa papa at mga kuya niya.
“Gabrielle,” tawag ng kuya niya na sinundan ng tatlong mararahang katok sa pinto ng kwarto niya. “Hindi pa ba kayo tapos mag-impake?”
Mabilis niyang hinawakan ang bibig upang mapigilan ang sarili na mapahagikhik dahil sa pagkapitlag ni Mon nang kumatok sa pinto ang kuya niya. “Oo kuya Adonis, patapos na!”
“Sasama ka ba talaga?” muling tanong ni Adonis.
Nakangiti siyang tumingin sa nobyo na tila nang-aasar.
Pinandilatan naman siya ni Mon kasabay ang sunud-sunod na pagtango na tila nais iyon ang itugon niya.
“O-oo kuya Adonis, sasama ako.” Nagpipigil na tawang sagot niya dahil sa O.A. na ginagawa ng nobyo.
“Okey. Basta may oras ka pa para magbago ang isip mo.”
“Okey kuya. Salamat sa paalala.”
Ilang saglit bago nila narinig ang mga yabag ni Adonis na papalayo ng silid.
“Yahooo!!!”
“Shhh! Ano ka ba!” natatawang saway niya kay Mon.
“Wala nang bawian ‘yan huh!” ani Mon na biglang hinalikan sa pisngi ang nobya. “Wala na talaga!”
“Shhh! Adik ka talaga! Baka marinig ka nina kuya!” muling saway niya. “Sige ka, baka bawiiin pa ng mga iyon ang pagpayag nila sa akin…”
“SINO bang mga kasama ninyo?” tanong ng papa ni Gabby.
“Kami-kami lang po halos na mga Perwisyo Boys I mean, mga barkada ko po no’ng college,” tugon ni Mon.
“Ngayon lang po sila magkikita-kita ulit after four years,” singit ni Gabby. Alam niya kasing isang tanong isang sagot lang ang nobyo pagdating sa papa at mga kuya niya. Sabay-sabay silang nagtatanghalian sa isang mahabang lamesa kung saan ang mga pagkain ay niluto ng tatlong kusinero niyang mga kapatid. “Kasama rin naman ‘yung girlfriend ng mga barkada niya.”
May-ari ng isang restaurant ang papa niya, ang pinakamatanda niyang kuya Jermaine ay manager sa isang sikat na restaurant, ang sumunod na kuya Adonis naman niya ay master chef sa palasyo sa ibang bansa at kasalukuyang nagbabakasyon sa Pilipinas at ang kuya Ritchie niya ay sikat na chef sa isang TV show na lingguhan kung ipalabas. Siya lang yata ang hindi minahal ng pagluluto kaya networking ang nakita niyang bumagay sa kanya. Doon niya rin nakilala si Mon dahil isa ito sa mga in-offeran niya ng mga produkto. At bago maging sila ng binata ay totoong kumita siya ng malaki dito. Pero hindi iyon ang dahilan kung bakit niya ito sinagot. Bukod kasi sa sobrang gwapo at bait nito ay si Mon lang rin ang tyumaga na ligawan siya sa kabila ng higpit ng papa niya at mga kapaitd. Isa pa, hindi lingid sa kaalaman niya ang estado ng buhay nito pero tinanggap pa rin siya kahit na sa isang hindi kilalang unibersidad lang siya nakapagtapos ng kolehiyo.
“H’wah mong pababayaan itong utol namin kung hindi, hindi lang bugbog ang aabutin mo sa amin,” bilin ni Ritchie.
“Kapag may nabalitaan kaming nagmaldita ang mga girlfriend ng barkada mo dito sa utol namin, alam mo na ang mangyayari sa iyo!” sabi naman ni Jermaine.
“Itong utol namin, ni langaw hindi nakakadapo d’yan. Kaya kapag may nakita kaming isang katiting na pantal sa balat niya,” itinaas ni Adonis ang braso bago humawak ang isang kamay sa malaki at matigas na muscle. “Hindi ka lang dito tatama!”
Natatawa namang napatingin si Gabby sa napapalunok na nobyo. “Mga kuya naman, baka hindi na ako isama niyan ni Mon eh.”
“Hay naku. Kung hindi ko lang alam na sobrang nasasabik ka na sa dagat anak, hinding-hindi kita papayagang sumama,” singit ng papa niya. “Kaya pasalamat ka Mon Sario!”
“Papa, isa ka pa!” natatawang baling niya sa papa niya. Madalas ay ganito sila kaingay sa lamesa kapag kumakain lalo na kapag kasama si Mon. Maingay, magulo at puro pananakot sa binata. Kaya hindi niya masisi ang binata kung bakit ayaw nitong sumasabay sa pagkain nila. Hindi dahil sa ayaw nitong makasama ang pamilya niya sa hapag kainan kung hindi dahil hindi ito makakain ng maayos kapag kasabay ang papa at mga kapatid niya.
Sabay-sabay sila halos napalingon sa sala nang biglang tumunog ang telepono.
“Ako na,” prisinta ni Gabby dahil halos patapos na rin siyang kumain. Baka sakaling tigilan saglit ng mga kuya niya si Mon kapag hindi na siya kaharap. Tumayo na siya at tinungo ang sala kung nasaan ang telepono. “Celi residence, how can I help you?”
Isang malakas na tunog at masakit sa tainga na tila sigaw ng isang babae ang tumugon sa kanya mula sa kabilang linya.
“H-hello?” ulit niya na bahagyang inilayo ang hawak na receiver ng telepono mula sa tainga. Ilang saglit pa bago siya nainip at tuluyang ibinaba ang telepono. Muli siyang naglakad pabalik ng kusina nang may mapansing tao na nakaupo sa nilampasang sofa. At mula sa kinatatayuan ay ibinalik niya ang tingin sa may sofa na nakatalikod sa kanya.
Napakunot noo siya ng malingunan ang isang babae na nakaupo. Mahaba at makapal ang buhok nito kung saan hindi na niya halos makita ang kulay ng suot nitong damit.
“Mga utol?” aniya ng makabalik sa kusina. “Bakit hindi ninyo sinabing may bisita kayo? At hindi ninyo pa talaga sinama sa tanghalian natin ah.”
“Ha? Bisita?” takang saad ni Adonis.
“May kasama ka bang babae, kuya Jermaine?” tanong ni Ritchie dahil si Jermaine ang huling dumating sa bahay galing sa trabaho.
“Huh? Wala akong kasama ‘no,” sagot naman ni Jermaine.
“Eh sino ‘yung babae na nakaupo sa sofa?” dumako ang tingin niya sa papa niya na nakataas ang isang kilay. “Papa?”
“Anak, hindi ko rin bisita ‘yun,” kaagad namang tugon ng papa niya.
Muling napakunot ang noo niya sa itinugon ng papa niya. Mas lalo naman kasi na wala sa kanila ni Mon ang may kasamang babae. “Eh sino ‘yung babae sa sala?”
Halos sabay-sabay na nagsitayuan ang mga lalaki mula sa kinauupuan at kasabay niyang tumungo sa sala.
“N-nasaan na siya?” halos pabulong na tanong niya ng wala na ang kanina lang ay babaeng nakaupo sa sofa.
“BA-BYE na papa at mga utol,” paalam ni Gabby pagkatapos humalik sa pisngi ng papa niya at mga kuya.
“Anak, mag-iingat ka du’n ha,” sabi ng papa niya.
“At ikaw Mon Sario, bahala ka na muna sa utol namin. H’wag mong susubukan na kalimutan ang mga bilin namin,” paalala ni Jermaine.
“Aalis ng buo dito sa bahay namin si Gabrielle kaya ibabalik mo rin siya ng buo,” ani Adonis.
“At kapag may nakalimutan ka isa man sa mga bilin namin, alam mo na ang mangyayari,” sabi naman ni Ritchie.
“Y-yes… Ako pong bahala kay Gabby, h’wag po kayong mag-alala,” tugon ni Mon.
“Oh sige na, aalis na kami at baka bigla pang magbago ang isip ni Mon na isama ako dahil sa inyo,” natatawang paalam ni Gabby. “Ba-bye mga utol and Papa. I love you all.”
Tumuloy na silang naglakad ni Mon palabas ng gate. Bitbit naman ng binata ang malaking bag niya.
“Ay palaka!” malakas na sigaw ni Gabby nang muntik na siyang madapa. May itim na pusa kasi na biglang tumalon sa harapan nila at tila galing sa isang matinding away. Gigil na gigil kasi ang pusa na halos nakatayo pa ang lahat ng balahibo sa buntot at buong katawan.
“Shoo! Shoo!” bugaw naman ni Mon bago bumaling sa kanya nang mabilis na tumakbo ang pusa palayo. “Sweety, are you okey?”
“Y-yes,” hinihingal na tugon niya habang nakahawak sa dibdib dahil sa malakas at mabilis na tibok niyon. Tumungo na siya sa kotse at pumasok sa loob habang patuloy pa rin ang malakas at mabilis na kabog ng dibdib niya. Ngayon lang yata siya kinabahan at nagulat ng ganoon.
Pumasok na rin sa loob ng kotse si Mon nang maiayos ang mga gamit sa likod at sinimulan buhayin ang makina ng kotse.
“Sweety,” ani Gabby na hinawakan ang kamay ng nobyo.
“Yes, sweety?” takang tanong ni Mon.
“H’wag na lang kaya tayong tumuloy?”
“Sweety? Nandito na tayo. Naka-start na nga ang kotse saka papunta na tayo oh. Ngayon ka pa ba naman magba-back out?”
“Eh kasi…”
“May problema ba sweety? Masama ba ang pakiramdam mo?”
“Hindi naman… Kaya lang…”
“So, tara na ha? Wala nang atrasan, okey?”
Hindi na siya sumagot at isinanadal ang likod sa malambot na upuan bago ibinaling ang tingin sa may bintana. Hindi niya kasi nagugustuhan ang kakaibang bigat na nararamdaman niya ng mga oras na ‘yun. “Para kasing may nararamdaman akong –” Hindi na niya naituloy ang sinasabi nang mapatingin sa isang babaeng nadaanan ng kotseng kinalulunan nila. Tuluyan nang nilukob ng matinding takot ang buong katawan niya nang makitang kumakaway ang isang babaeng nakapula na may takip na sako ang mukha sa kanila. At sa isang iglap lang ng mga mata niya ay bigla rin itong nawala. “B-bad vibes…”
Georgia
Arial
Cabin
T
T
T
English
Chapter auto-unlock