
Description
I know I’m soft, but that’s not enough to tempt me gay. I am not a plague in society, I am not bad luck in the family. But Jessie didn't seem to believe it. He seems to make money every time he beats gay people, and because of my gentleness, he has included me on the list of those he should hurt. Fortunately, someone as strong as him helped me.
Chapter 1
Feb 4, 2022
PROLOGUE
KUNG mayroong mukha na sinasabi nilang “could launch a thousand ships,” mata lang ni Jessie ang katapat ng isang libong mga barko na iyon para lumubog. Second year ako nang unang matitigan ng mga matang iyon. Naka-uniform pa ako. Sa CR. Recess. Pagkatapos kong umihi ay naghugas ako ng mga kamay. Naghuhugas din siya ng mga kamay nang mapansin ko sa salamin na nakatingin siya sa akin. Tumingin din ako. Tinitigan niya ang mga mata ko. Papangiti na ako noon, pero binawi ko. Parang hindi iyon ang gusto niyang makita.
Hindi ko alam ang dapat maramdaman. Hindi ko pa alam ang pangalan noon ni Jessie. Hindi pa kami magkakilala. Pero sa paraan ng pagtingin niya, parang bahagi na ako ng alaala niya. Para matapos na, mabilis akong ngumiti at tumalikod. Nakadalawang hakbang na ako para lumabas nang maramdaman ko ang bigat ng kamay ni Jessie sa balikat ko. Iniharap niya ako at itinulak sa pader. Nagulat ako. Umihi lang ako, naghugas ng kamay, ngumiti. Ngayon, may lalaki nang nakadagan sa akin.
Napasandal ako sa pader. Nandiri dahil kahit tiles, pader pa rin iyon ng CR ng lalaki. Amoy pa lang ay dumidikit na, paano ngayong ako pa ang kumakaskas sa naninilaw nang mga tiles?
Mas nanaig ang takot ko nang umangat ang paa ko sa sahig at sumakit ang pagkakadagan ng malaking katawan ni Jessie sa akin. Lumapit ang mukha niya sa aking mukha. Naramdaman ko ang init ng kanyang hininga sa aking pisngi. Hindi ko na naisip na mandiri sa lugar, mas natakot ako sa ginagawa niya. May kung ano sa mga mata niya. May sandaling pag-aalinlangan. Sandali lang, dahil unti-unti, nakapagdesisyon na siya ng nararamdaman. Galit.
Ngumiti lang ako at nagtaka kung bakit nanlilisik ang tinging ibinalik niya sa akin?
“Huwag na huwag mo `kong ngingitian!” banta niya. Binitawan niya ako at bumagsak ako paupo sa sahig.
Ang tindi ng kaba ko. Gusto kong umiyak. Takot, hiya, hindi ko alam. Kabadong-kabado ako. Ayokong lumabas ng CR. Lumipas ang buong araw na hindi ko naintindihan kung ano ang nangyari. Bakit may masasamang tao sa mundo? At bakit ako ang naging biktima ng kasamaan nila? Ang mga tanong na ito ay umabot sa pagtulog ko. Naging bangungot ng bawat gabi ang mukha ni Jessie.
Third year high school nang tinigilan ako ni Jessie. Hindi pala tinigilan, nawala si Jessie. Third year kasi ako nang gumraduate siya ng high school. Natapos na ang mga araw na natatakot akong tumuntong sa gate ng school dahil baka nag-aabang siya, o lumabas ng klase `pag recess. Baka hinihintay niya ako. Nagkaroon nga ako ng UTI, dahil siguro sa pagpipigil ng ihi dahil ayoko nang bumalik sa CR, kahit saang CR man iyon ng school. Tumigil na ang mga araw ng takot. Pero hindi tumigil ang mga bangungot. Napapanaginipan ko pa rin si Jessie.
College entrance exam nang magkatotoo na naman ang isa sa aking mga bangungot.
Fourth year na ako, kasama ang mga kaklase ko sa pangarap kong university. `Yong iba kong kaklase, bago ang damit; napaaga yata ang mga pamasko. Ako, simpleng white shirt, maong at rubber shoes lang ang suot. Para kaming hindi high school. Pero dahil isang grupo kami, obvious na magkakaklase kami. Sa pagdaan namin sa isang dormitory, nagkatawang-tao ang bangungot, nagkatawang-halimaw. Si Jessie. Parang bahay na niya ang lugar. Komportable siya sa cargo shorts at loose black shirt. Nakaangat ang manggas na ipinagmamayabang ang malalaki niyang braso. Hindi ako na-impress, natakot ako.
Agad akong nag-iwas ng tingin. Tinanggal ko ang salamin at pinunasan, baka lumalabo lang. At saka ako lumingon uli. Si Jessie nga. Hindi pa rin niya inaalis ang tingin sa akin. Umiwas na lang uli ako at nagmadali. Alam kong sa bawat hakbang ko, nakasunod ang tingin niya.
Kahit nasa classroom na ako at nag-e-exam ay nararamdaman ko ang pagtitig ni Jessie. Parang nasa labas siya ng room habang sinasagutan ko ang test. Hindi ako maka-concentrate. Hindi effective ang baryang inilagay ko sa loob ng medyas para matanggal ang kaba ko. Kung sa entance pa lang, eh, hindi na ako maka-focus, paano pa `pag student na ako dito?
Isa ako sa mga huling nakatapos sa exam. Hindi dahil sa nahirapan ako, kundi dahil iniisip ko na rin kung paano uuwi. Madadaanan at madadaanan ko si Jessie.
Kumabog ang dibdib ko nang matanaw ang dorm. Hapon na, wala na siguro siya. Pero bakit nandito pa rin ang kaba ko? Binilisan ko na lang ang paghakbang; at lalong bumilis pa nang nasa tapat na ako ng dorm. Wala akong planong tumigil pero nakita ko na lang na may isang lata ng Coke na papalapit sa mukha ko. Hindi ako nakaiwas. Ang sakit. Hindi pa pala bukas ang lata, puno pa. Malakas ang pagkakabato, na pagtama sa pisngi ko ay napaigtad ang katawan ko. Nadapa ako sa lupa at tumalsik ang salamin ko. Pagkatapos ng Coke in can, kahit malabo, mga paa ang sumunod kong nakita.
Naramdaman ko na lang na may kamay na kumakapa sa puwit ko. Kinuha ang wallet ko. Nilingon ko habang papatayo ako pero may sumipa naman sa tiyan ko. Tama, paa nga ito ni Jessie. Hindi ko malilimutan ang sakit ng mga sipa niya. Napahiga ako at napahawak sa tiyan, nakatingin lang sa nakangising mukha ni Jessie.
“Ikaw, bakla ka, hindi ka pa ba nadadala at sinundan mo pa ako dito?” pananakot niya.
Maraming mali sa sentence niya. Hindi ko siya sinundan. Dalang-dala na ako sa kanya. At hindi ako bakla. Pero wala akong nasabi; tumitig lang ako sa kanya. Hindi ko pa rin alam kung bakit niya ako sinasaktan. Habang pinoproseso sa isip ang mga bagay na ito ay kinuwelyuhan niya ako at itinaas. Malaki pa rin si Jessie at ang laki niyang iyon ay may kaakibat na lakas. Naramdaman ko ang lahat ng iyon nang bigla niya akong suntukin.
“Subukan mong mag-aral dito at umpisa pa lang `yan,” pananakot niya habang papalayo. Pero hindi pa siya nakuntento, tinapakan niya ang salamin ko at sinigurong durog.
Hirap akong tumayo sa sakit ng pagkakasipa ni Jessie. Nadagdagan ang kaba at takot ko nang marinig na may papalapit na naman. Ano pa ang nakalimutan niyang saktan sa akin? Pati atay ko, parang kumikirot na. Nagulat na lang ako nang isang bukas na kamay ang tumapat sa harap ko. Napatingin ako sa may-ari ng kamay. Hindi ito si Jessie, sigurado ako. Pero hindi ko siya makilala. Sobrang labo ng paligid. Bukod sa wala akong salamin ay tuluyan nang lumubog ang araw.
“You okay?”
Ang baba ng boses niya, ang lamig. Parang doon pa lang, umayos na ang pakiramdam ko. Nakatayo ako nang tuwid. “Aray!” Masakit pa rin pala. Inalalayan niya uli ako. Ako naman, sumama lang. Iika-ika akong nakarating sa kotse niya.
“Where do you live? Hatid kita.”
“Kaya ko na,” sabi ko, hindi sumakay sa kotse.
“Sige na. I’m not a bad person,” pagpipilit niya.
Tatanggi pa sana ako, pero kinapa ko ang bulsa ko, wala akong pitaka. “Marikina. Sto. Nino,” sabi ko.
Iniabot niya sa akin ang cell phone niya, ipinalagay sa GPS ang lugar ko. May something sa boses niya na napapasunod ako. Hanggang subdivision lang namin ang tinayp ko. Baka magnanakaw ito, eh. Sumakay na kami sa kotse. Napansin siguro niya na hindi ako nagsasalita kaya wala kaming imikan sa biyahe. Nililingon niya ako. Hindi ko siya hinaharap, nahihiya ako. Malamang, nakita niya kung paano ako gulpihin ni Jessie. Hindi ko siya masisi kung bakit hindi niya ako ipinagtanggol. Kahit ako nga, hindi maipagtanggol ang sarili ko sa takot. Doon na ako naiyak. Ang hina-hina ko.
“This is all I have,” sabi ng lalaki habang inaalis ang orange reading glasses sa isang pouch. Iniabot niya sa akin ang pouch.
Hindi ko kinuha. Tinakpan ko na lang ng mga kamay ang mukha ko. Wala na akong narinig sa kanya hanggang sa makarating sa subdivision namin. Bumaba ako. Pero hindi ako nakalakad kaagad. Nanatili akong nakatayo, nakatitig sa subdivision.
“Sakay ka uli!” utos niya.
Lumingon ako.
“Don’t wanna go home yet?” tanong niya. “You can join me. Just until you figure out how to explain yourself to your parents.”
Tama siya kaya sumakay na rin muna ako. Pamilyar ang kalsadang dinaanan namin. Nakadaan na ako minsan dito. Hindi na ito Marikina o part ng NCR. Deretso lang ang tingin ko. Pero sa gilid ng mata ko, napapansin ko ang maya’t mayang pagtingin niya. Minsan ngumingiti siya; minsan parang curious lang. Hindi pa rin ako tumingin. Nahihiya ako. Papagabi na at nang tuluyan nang mawala ang araw ay nasa Antipolo na kami. Hindi sa simbahan, doon lang sa paliko-likong daan kung saan siya pumarada at bumaba.
“Wait lang, ha?” sabi niya. May kinuha siya sa trunk at may inayos sa labas. “Let’s go!” yaya niya.
Lumabas ako ng sasakyan. May blanket sa sahig, Doon ako umupo. Nakita ko ang langit na puno ng mga bituin. Nang ibaba ko ang tingin, parang dagat ng ilaw din ang nakikita ko. Ang ganda. Kahit malabo ang mga mata ko, nakikita ko ang pagkislap ng mga bituin. Ilang sandali pa, naramdaman ko na ang lamig. Sandali siyang umalis at pagbalik ay hinagisan ako ng isang lata ng beer.
“Feeling better now?”
“Bata pa ako,” sabi ko. Tumawa siya. Natawa rin ako.
“Pogi ka `pag naka-smile,” sabi niya.
Kahit blurred, parang ang ganda-ganda rin ng ngiti niya. Sayang. Kinabisa ko na lang ang mga bagay na kaya kong tandaan. Naka-blue hoodie siya, dark maong pants na medyo skinny, at Chucks. Fit ang white shirt niya sa loob. Walang bumabakat na tiyan kahit nang umupo siya sa tabi ko.
Umakbay siya sa akin. Nagulat ako at napatingin sa kanya. Hindi ako nagsasalita pero alam kong nakikita niya ang mga tanong sa nanlalaki kong mga mata at sa mga labi kong walang lumalabas na tinig kahit bahagyang nakabukas.
Napatingin siya sa mga labi ko at napahinga nang malalim bago ibinaling ang tingin sa mga ilaw sa harap namin. Ibinaling ko na rin ang aking mga mata sa ganda ng mga liwanag. Humigpit ang pagkakaakbay niya sa akin habang patuloy sa pag-inom ng beer. Naiilang ako. Bago sa akin ang pakiramdam na ito. Parang gusto kong kumawala sa braso niyang nakapatong sa balikat ko, pero ang init ng pag-akbay niya. Inaalis ang lamig at ang sakit na nararamdaman ko.
Ubos na ang beer na iniinom niya nang buksan ko ang beer na inihagis niya sa akin. Tinikman ko. Napangiwi ako sa lasa.
Natawa siya. “First time?” Inalis niya ang braso sa likod ko at sinimulang ubusin ang laman ng isa pang lata ng beer. Wala pa ring usap.
Dahil nawala ang pagkakaakbay niya, kusang hinanap ng katawan ko ang kanyang init. Napadantay ang ulo ko sa kanyang balikat. Napansin ko na lang iyon nang lumingon siya sa akin. Hindi ako nagpahalata na nagulat sa ginawa ko. Pinanatili ko ang tingin ko sa mga ilaw.
Nag-iba ang bilis ng tibok ng puso ko. Hindi naman ito kaba, pero parang mas mabilis sa normal. May kakaibang init na gumapang mula sa kaliwang kamay ko, pataas sa braso hanggang sa humaplos sa puso ko. Nakahawak ang kamay ng katabi ko sa kamay ko.
Marahan kong binawi ang kamay ko. Humarap ako sa kanya. Napatitig. Kahit malabo ang aking paningin, naaaninag ko ang kagandahan ng kanyang mukha. Nakangiti siya na talaga namang nakakatunaw at may kinuha sa bulsa ng hoodie.
“Your parents will look for this.” Isinuot niya sa akin ang salamin ko na tinapakan ni Jessie.
Nanigas ako sa ginawa ni Gabriel. Inilapit niya ang mukha niya sa mukha ko. Hanggang sa naramdaman ko ang hanging nakalibot na sa katawan niya. Kailangan ko ang hangin na iyon dahil parang hindi ako makahinga. Ito siguro iyong ibig sabihin ng “you take my breath away.” Sixteen years old lang ako at hindi ko pa nararanasang makadampian ang labi ng iba. Ito na ba ang unang halik ko, at sa kapwa lalaki ko. Kakayanin ko ba ito?
Hinaplos niya ang mukha ko saka huminga uli nang malalim. Lumaki ang ngiti niya at napapikit. Napayuko. “Sorry,” sabi niya. “Must be the alcohol.” Kinuha uli niya ang lalagyan niya ng reading glasses na kulay-orange at pinunasan ang mukha ko. “That will do. Gwapo ka na uli, hindi na halatang nabugbog.”
Napangiti ako.
“So, paano?” tanong niya. “Your parents are sure worrying now.”
“Uhm... Oo nga,” nauutal na sabi ko. “Tara na po.”
Hindi siya nagsalita sa buong biyahe. Hindi siya tumitingin sa akin. Ako na ang paminsan-minsang tumitingin sa kanya. Minsan, ngingiti siya. Minsan, napapabuntong-hininga. Bigla niyang hinuli ang tingin ko, saka muling ngumiti. Kahit pulos crack ang salamin ko, nakita ko ang tamis ng kanyang ngiti. Sayang at hindi ko maaninag ang totoo niyang kagwapuhan.
“This GPS says this is your place,” sabi niya nang makabalik na kami sa subdivision.
“Sige, dito na lang ako. Salamat.”
“Sure?”
“Opo, salamat.” Tumahimik ako sandali bago muling nagsalita. “Okay lang ba kung kalimutan mo na lang na nangyari ito?” Ayokong may makaalam sa mga pambubugbog sa akin ni Jessie. Kilala ko man o hindi.
“Okay,” sabi niya saka ngumiti. “Sikreto mo ito. Hindi atin.”
Iisipin ko sanang sarcastic siya, pero parang totoo ang kanyang ngiti. “Salamat uli,” sabi ko at sinubukan kong buksan ang kotse. Hindi ko na mabuksan. Na-lock ang mga pinto.
“Tanggalin mo muna `yan.” Hinubad niya ang salamin ko. “Sabihin mo, nalaglag, nasagasaan.”
“Salamat,” sabi ko. Babanggitin ko sana ang pangalan niya pero hindi ko nga pala nakuha.
“If you passed the exams earlier, I will give you my name,” sabi niya na parang nabasa ang laman ng isip ko. “And if you wouldn’t mind, even my surname.”
“Ha?” tanong ko. Ang haba ng sinabi niya. English pa. Pero mas nakakalito ang pamisteryosong hamon niya.
“Those slightly opened lips, quit that,” sabi niya. “Sige na. Parang magkikita pa tayo. And then we can’t blame it on the liquor.” Natawa pa siya.
Isinara ko na lang ang bibig ko kahit nagtataka pa rin ako sa mga pinagsasabi niya. Iyon ang bago kong pinag-isipan. Iyon din ang paminsan-minsang pumapalit sa masasamang panaginip ko. Natutuloy ang mga halik na itinatakas ako sa takot at pagkakabihag ni Jessie.

Oh, Boy, I Love You
42 Chapters
42
Contents

Save

My Passion
Copyright © 2026 Passion
XOLY LIMITED, 400 S. 4th Street, Suite 500, Las Vegas, NV 89101