
Description
"And did you think I want to marry someone like you?" "Heaven's sake, Andrea Monica, a playgirl is not my idea of a wife. Much less, I have no tolerance for spoiled people like you!"
Chapter 1
Feb 4, 2022
Prologue
S A ISANG luma at maliit na ospital sa labas ng Metro Manila ay mabigat ang dibdib na niyuko ni Cornelia ang limang taong gulang na anak. May tubong nakapasok sa ilong nito na siyang dinadaanan ng gatas kapag ito’y nagugutom. Sa braso nito’y naroroon ang tubo na dinadaluyan ng dextrose na malapit nang maubos at kailangang bilhan na ng panibagong bote.
Sa loob ng portamoneda niya’y hindi pera ang laman kundi ang ilang reseta ng gamot na kailangan niyang bilhin kung gusto niyang mabuhay ang bunsong anak.
Acute bronchopneumonia at may komplikasyon.
Kanina pa niya pinipigil ang luha na huwag bumagsak. Nagsisikip ang dibdib niya habang hinahaplos ang buhok nito. Kahit ang gatas ay nahihirapan silang bilhin, ang mga gamot pa kaya?
“Huwag kayong mag-alala, misis,” banayad na wika ng nurse, isang babae na nasa mid-twenties. “Hindi ko pababayaan ang anak ninyo. At sana ho’y may mabili kayong gamot pagkabalik ninyo.” Hindi nito maiwasang lumitaw sa tinig ang pag-aalala sa huling sinabi.
Tumayo si Cornelia mula sa pagkakaupo sa gilid ng katre. Hindi niya makuhang sumagot dahil nagsisikip ang dibdib niya. Nilingon niya ang asawa na nakatiim ang mga bagang. Hindi nito gustong lumapit at tingnan ang anyo ng bunsong anak. It was breaking his heart.
Nakatayo ito sa may pinto ng pediatric ward na nagsisikip sa dami ng mga pasyenteng bata. May ilang katre kung saan dala-dalawa ang pasyente. Ang anak man niya’y may kasama sa teheras na iyon subalit inilipat sa tabi ng ibang batang pasyente dahil nakakahawa ang pulmonya sa ibang bata.
Nagulat pa siya nang mula sa pinto ay makita ang panganay na anak. Naiwan ito sa labas dahil hindi gustong papasukin ng mga naka-duty na nurses at baka mahawa ng sakit mula sa mga pasyente.
Tumakbo ito patungo sa kanya.
“Tristan.”
“Gusto kong tingnan si Leandro, `Nay,” wika ng bata. Lumapit sa teheras at hinawakan ang kamay ng natutulog na kakambal. “Uwian ka namin ng mansanas,” bulong nito at sumampa sa silya at yumuko at dinampian ng halik sa noo ang bunsong kakambal.
Cornelia choked her tears. Nilingon ang asawa na mabilis na tumalikod.
Nilingon ni Cornelia ang nurse na tahimik na nakamasid. “Please, hindi kami magtatagal. Sisikapin kong narito rin ako bukas ng hapon dala ang mga kakailanganing gamot ng anak ko. Ipangako mong hindi mo siya pababayaan.”
Bahagyang nabigla ang nurse sa huling sinabi niya, hindi malaman ang sasabihin. Subalit nang marahil ay makita nitong naghihintay siya ng isasagot ay alanganing tumango.
“H-hindi ko ho pababayaan ang anak ninyo, misis. Lumakad na ho kayo nang makabalik kayo kaagad.”
Bahagyang gumaan ang dibdib ni Cornelia sa sagot ng nurse. Niyuko niya ang anak at bumulong sa may tainga nito.
“I love you, Leandro, kayo ni Tristan. Mahal namin kayo ng itay mo. Gusto kong tandaan mo iyan.” Hinagkan niya sa pisngi ang bata at pagkuwa’y atubiling nag-angat ng katawan. Niyuko at kinarga ang panganay na kakambal.
“Tayo na, Tristan.”
Si Tristan ay hindi inalis ang tingin sa kapatid mula sa mga balikat ng ina hanggang sa makalabas sila ng ward.
“MATILDA, telephone,” wika ng isang nurse sa kanya habang tinuturukan niya ng gamot ang tubo ng dextrose ni Leandro. Kinuha niya iyon mula sa tray ng mga gamot para sa ibang pasyente.
Kailangan niyang gawin iyon kung gusto pa niyang datnan ng ina nitong humihinga ang anak. Dalawang dose na ang naibibigay niya sa bata sa maghapong iyon mula sa pagbawas ng gamot sa magkakaibang pasyente.
Hindi niya maintindihan kung bakit, sanay na siyang nakakakita ng mga magulang na hindi kayang ipagamot ang anak at ikinalulungkot niyang ang karamihan sa mga iyon ay hindi nakaliligtas dahil sa kakulangan ng gamot.
But a part of her heart went out to this five-year-old boy. Hindi niya alam kung bakit. Siguro’y dahil hindi perhuwisyo ang bata sa kabila ng dinaramdam. O siguro dahil magandang bata si Leandro sa kabila ng humpak na mga pisngi. He had thick eyelashes, katulad din ng kakambal nito.
She had never seen two handsome young twins in her life. The two boys were almost identical.
O kaya naman dahil sa kabila ng marami namang ina sa mga katabing katre ay sa kanya ipinagkatiwala nang diretso ni Mrs. Falco ang anak. At nangako siyang siya ang bahala sa anak nito.
Lumakad siya palabas ng pediatric ward patungo sa nurses’ station sa kabilang dulo ng pasilyo upang sagutin ang telepono. Alam niya kung sino ang nasa linya, si Concordia.
Magkaibigan sila ni Concordia mula pa noong unang taon nila sa kolehiyo. She loved her. Pagmamahal hindi para sa isang kaibigan kundi para sa isang lalaki sa babae. Subalit hindi si Concordia ang uring tumatanggap ng ganoong klaseng atensiyon. Bagaman hindi nito hinuhusgahan ang kanyang pagkatao ay matapat nitong sinabi sa kanyang hindi nito gusto ang ganoong uri ng relasyon.
Nasaktan siya roon. Gayunma’y nanatili silang magkaibigan. And they shared one thing in common—pareho na silang walang mga magulang.
Dinampot niya ang telepono. “Hello.”
“Tilda, may magandang balita ako!” tili ni Concordia sa kabilang linya. “Tumelegrama ang Papa Gerardo, tinanggap ng DECS ang application kong magturo sa isang elementary school sa Infanta.”
“Congratulations,” wika niya at nilagyan ng galak ang tinig gayong sa kaibuturan ng puso niya’y naroon ang lungkot. Dahil tuluyan na silang magkakahiwalay. Uuwi na ng Sto. Cristo si Concordia.
“Let’s celebrate,” patuloy ni Concordia. “Anong oras ang off mo?”
Hindi agad siya makasagot. Ang totoo’y off na niya mamayang alas-dos ng hapon. Nilingon niya ang pasilyo kahit na hindi niya matanaw ang pediatric ward. Kanino niya iiwan si Leandro? Ang sabi ng ina’y bukas pa ng hapon ito babalik.
“Tatawagan kita sa dorm mamaya, okay?”
Subalit bago makasagot si Concordia ay isang malakas na pagsabog ang narinig niya.
“Matilda, ano iyon?” ang kabilang linya. “Matilda?”
Subalit hindi niya makuhang sumagot. Wala sa loob na nabitiwan niya ang telepono. Lahat ng nasa nurses’ station ay pawang mga nangagulat. May ilang pasyenteng naglabasan mula sa mga ward. Hindi nagtagal ay napuno na kaagad ng mga pasyente ang buong pasilyo.
May sumigaw ng sunog. Sapat upang magkagulo ang lahat. At saka pa lang niya nakuhang gumalaw mula sa pagkabigla. Tumakbo siya pabalik sa pediatric ward subalit hindi agad siya makalusot sa nagpa-panic na mga tao. Hiyawan at iyakan ang naririnig niya kabi-kabila. May usok na siyang natatanaw na hindi naman niya alam kung saan galing.
Napuno ng ingay ng fire alarm at hiyawan ng mga tao ang buong ospital.
May natanaw siyang usok sa mismong pediatric ward. Kinakabahang nakipaglaban siya sa palabas na agos ng mga tao pabalik sa ward.
Sa pinto ay natanaw niya ang apoy na pumapasok sa mga bintana ng pediatrics. Naghihiyawan na ang mga pasyente at nagpa-panic na ang iba na lalong nagpangyari upang may mga masaktan.
She ran for Leandro’s bed. Only to be horrified. Bumagsak ang poste ng dextrose at basag ang bote sa tabi ng ulo ng bata na nanlalaki ang mga mata sa nangyayari sa buong paligid.
At sa gilid ng noo nito’y may sariwang dugong umaagos.
“Leandro!” Mabilis niyang inalis ang karayom na nakatusok sa braso nito, gayundin ang tubo na nakakabit sa ilong.
Umungol ang bata. Kung sa sakit galing sa madaliang pagtatanggal niya sa mga tubong nakakabit dito o sa sugat na sanhi ng basag na bote ng dextrose sa may ulo nito, ay hindi matiyak ni Matilda.
She had to get the boy out of the hospital bago pa parehong manganib ang buhay nila. Natitiyak niyang may mga pasyente nang nasaktan sa kabilang bahagi ng ward. Hindi niya gustong isipin ang mga kahihinatnan ng mga iyon.
Balot ng bedsheet ng ospital, inilabas niya ng ward ang bata. Hindi miminsang bumalya siya at nagmuntik-muntikanang matumba dahil sa mga taong tulad niya’y gusto ring lumabas ng ospital. And if she didn’t hurry, Leandro would soon die of asphyxia. At ang bata’y masama na ang kalagayan sanhi ng bronchopneumonia nito.
At dahil kabisado niya ang mga emergency exit ng ospital ay naging madali sa kanya ang makalabas ng building. Tuloy-tuloy siya sa labas ng compound ng ospital. Kailangang madala niya ang bata sa ibang ospital kung gusto pa niya itong mabuhay. Bagaman alam niyang madugo ang bahagi ng ulo kapag nasugatan ay hindi niya alam kung gaano ang epekto niyon sa bata.
Unti-unti nang napupuno ng mga tao ang buong paligid. Sa di-kalayuan ay naririnig na niya ang sirena ng fire truck. Pinara niya ang isang nagdaraang pribadong sasakyan.
“Please, pakidala n’yo kami sa pinakamalapit na ospital!”

My Wild Heiress (Kristine Series 20)
24 Chapters
24
Contents

Save

My Passion
Copyright © 2026 Passion
XOLY LIMITED, 400 S. 4th Street, Suite 500, Las Vegas, NV 89101