
Description
The heart never forgets. But what if it does and never remembers back?
Chapter 1
Feb 9, 2022
Prologue
*A person, once taken for granted,
will be gone, leaving the heart haunted,
you knew, that person is all you ever wanted.*
May 2021
“AND THEY lived happily ever after,” nakangiting sabi ni Agatha sa mga anak na matamang nakikinig sa kanya habang nagkukuwento siya ng isang fairy tale.
“So, happy endings are real… hmm…” komento ni Rainiel Aaron—panganay na anak nila ni Reeve.
“Wow! I love it, Mommy!” Riana Agatha, their daughter, squealed.
“Love, love!” panggagaya pa ng two-year-old na si Rome Adam. Itinaas pa nito ang mga kamay at yumakap kay Riana.
Nagkatawanan ang magkakapatid.
Agatha also chuckled and touched her big belly. Ang pang-apat na anak nila ni Reeve ay paparating na rin. Manganganak na siya sa susunod na buwan ng isang baby boy na papangalanan nilang Rade Amos Anderson Monteverde.
“Puwede talaga `yon, Mommy?” tanong pa ni Rainiel na mukhang ayaw maniwala sa kuwento niya. “Bata pa lang `yong girl, gusto na niya `yong boy, then they grew up and ended up together?”
“Of course, baby,” sagot niya at saka hinaplos ang pisngi ni Rainiel. “Kasi `yong girl, sinusunod niya lagi si God. She helps people. She understands every circumstance. She displays kindness and spreads love. And in everything she does, she does it in the name of the Lord.” Marahan niyang pinisil ang ilong ng panganay na kamukhang-kamukha ng kanyang asawa.
“So?” nakanguso pang tanong ni Rainiel.
“When you delight yourself in the Lord, He looks into your heart and gives the desires of your heart. Iyong girl sa story, ibinigay ni Lord sa kanya ang boy kasi faithful ang heart niya kay Papa God.”
“Mommy, Mommy!” singit ni Riana. “Dapat po pala we love Papa God so much and always pray and always go to church and always be kind para Papa God will grant our wishes?”
“Yes, baby.” Malambing na niyakap ni Agatha ang anak. “In Papa God’s time, He’ll give you what you want and what you truly need. Lahat tayo ay magkaka-happily ever after basta laging kasama si Papa God.”
“Yehey!” Riana happily cheered.
“Yey!” panggagaya rito ni Adam. Then the two giggled again.
Agatha gently grabbed Adam and carried him in her arms. Hinalik-halikan pa niya ito. Hinalikan din niya sa pisngi sina Riana at Rainiel na gumanti rin ng halik sa kanya. Nakipaglambingan pa siya sa mga anak na ang bibilis lumaki!
“Finished na tayo sa storytelling so go back to your rooms na. Sleeping time na! Then tomorrow, we’ll go to church.”
Yumakap si Riana sa leeg niya. “Can we just sleep here, Mommy?”
“Yes, Mommy. Dito na lang kami,” segunda ni Rainiel. “Tabi-tabi tayo nina Daddy.”
Sasagot na sana si Agatha pero naunahan siya ni Reeve na kalalabas lang ng banyo. “Sure, kids! We’ll all sleep together!”
“Yehey!”
“Thank you, Daddy!”
Lumapit sa kama si Reeve at kinuha sa kanya si Adam. “Sweetheart, hindi mo na dapat binubuhat si Adam. Ang bigat-bigat pa naman nito.”
“It’s all right.” Tumayo si Agatha. “Reeve, ikaw na muna ang magpatulog sa mga bata. May aayusin lang ako sa kitchen.”
“No problem,” nakangiting sabi nito at pagkatapos ay hinalikan siya sa noo. “Bumalik ka kaagad, ha? Bawal kang mapagod at mapuyat.”
“Opo,” malambing na sagot niya.
Tumapat ang mga labi ng asawa sa kanyang tainga. “I’m planning a different kind of night tonight. But maybe, puwede namang bukas? After all, tomorrow’s our tenth anniversary.”
Agatha smiled and blushed a bit. Wow. Ten years. Isang dekada na sila ni Reeve! Pero parang nasa honeymoon stage pa rin sila. Ten years with three kids and another one on the way!
Pero pakiramdam ni Agatha ay parang kahapon lang nang magpakasal sila ni Reeve. Whenever they made love, it was still passionate, loving, and very sweet.
“Good night, sweetheart.” Hinarap na ni Reeve ang mga anak at pinagkaguluhan ito ng mga bata.
Bumaba na si Agatha at nag-ayos sa kusina. After thirty minutes, umakyat na rin siya para makapagpahinga na rin.
Pagpasok sa kuwarto ay napangiti siya nang makitang magkakatabi ang mga anak niya at si Reeve sa kama nilang mag-asawa. Nakasiksik sa magkabilang gilid ni Reeve sina Rainiel at Riana, while baby Adam was peacefully sleeping on Reeve’s chest.
Habang tinititigan ang kanyang mag-aama, lihim na nagdasal si Agatha para magpasalamat sa Diyos sa napakaganda nilang pamilya ni Reeve.
Si Reeve lang ang ipinagdasal niya but God gave her more than she could ever pray for.
Napahawak siya sa kanyang tiyan na masyado nang malaki at tatabi na rin sana sa mag-aama nang may makita siyang maliit na card sa ibabaw ng bedside table.
For Agatha Celina Monteverde
the sweetest wife ever
Napangiti siya. Obviously, sinadyang iwan iyon ni Reeve doon dahil hatinggabi na. Anniversary na nila! Agad niyang binasa ang message sa loob niyon.
After a decade, I thank you, Agatha, for sharing your thoughts, your wisdom, your sweet smiles, and your whole heart to me. They said, “A joy that’s shared is a joy made double.” And indeed, indescribable happiness fills my heart ever since you shared your all with me.
After three kids and another on its way—and I’m still praying for more to come—I will choose to spend more and more decades with you, sweetheart. Thank God, He gave me you. I wouldn’t have Rainiel, Riana, Adam and Rade without you.
Happy anniversary, sweetheart. You’re my rainbow after the rain and my angel against all pain. I love you so.
Niyakap ni Agatha ang card at pagkatapos ay maingat na hinalikan sa noo ang natutulog na asawa.
Umayos siya ng higa at nakisiksik sa kanyang mag-aama.
Marami na silang pinagdaanan ni Reeve at lahat ng iyon ay pinaniwalaan nilang laging may rason. Sa mga nakalipas ding taon ay mas tumatag ang pananampalataya nila. And true to his vows, God became the center of their family.
Indeed, when you delight yourself in the Lord, happy life would never be impossible.
NAGISING si Agatha sa tunog ng alarm clock. Bumangon siya at pinatay iyon. Wala na si Reeve sa tabi niya. Naghahanda na siguro ito sa pagpasok sa trabaho. Tumayo siya at hinawi ang kurtina ng bintana.
A bright morning greeted her. And she could imagine the sun smiling. Napangiti siya nang maalala ang panaginip. Wala pa naman silang sampung taong kasal ni Reeve. Actually, eighth anniversary pa lang nila. Pero ang ganda-gandang panaginip talaga dahil nandoon ang lahat ng mga anak nila. Buntis pa siya sa panaginip but in reality, she had already given birth to their fourth child, Rade Amos Monteverde, just last week.
Lumapit siya sa crib ng anak na mahimbing pang natutulog. Masuyo niyang hinaplos ang bumbunan ng sanggol at yumuko siya para halikan ito sa noo.
“Mommy!” Bumukas ang pinto at pumasok si Rainiel. “Good morning, Mommy!”
Niyuko niya ang anak at nginitian ito nang matamis. “Good morning, Rain,” she whispered. “Let’s lower down our voice, okay? Natutulog pa si Baby Rade.”
Napatingin si Rainiel sa crib at napangiti. “It’s so fast, Mommy. Last year si Baby Adam lang ang nandiyan, eh.” Then he chuckled.
Niyakap ito ni Agatha. “Ang bilis nga, ano?” Hindi rin nila akalain ni Reeve na mabilis na masusundan ang pangatlong anak nila.
Rainiel was seven now, while Riana was five. Adam turned one just last month.
“Mommy, let’s eat breakfast. Riana is awake too. She’s playing with Adam.”
Tumango si Agatha at nagpahila sa anak palabas ng kuwarto. Pagpasok niya sa kuwarto ni Riana ay nasa loob ito ng crib ni Adam. Agatha chuckled and kissed them both.
“Good morning, Mommy!” Riana said sweetly. “I played with Adam so he won’t cry.”
“Good girl, Ate Riri…” Hinaplos niya ang mahaba nitong buhok. “Thank you for looking after Adam for Mommy.” Binuhat niya si Adam at pinaghahalikan ito sa buong mukha. “Good morning, baby!”
“Morning, Mommy!” he squealed.
Sana ay makagawa ng paraan si Agatha para mabalanse niya ang oras sa dalawang baby nila sa bahay. Masyado pang baby si Adam pero nasundan kaagad. Hindi katulad kina Rainiel at Riana na nabigyan niya ng sapat na oras dahil may malaki-laking pagitan sa edad ng mga ito.
Ayaw naman niyang kumuha ng yaya dahil gusto niyang maging hands-on mom sa kanyang mga anak.
Rainiel tugged at her pajama top. “Mommy, I’m hungry…”
Bumaba mula sa crib si Riana. “Mommy, I’ll help you cook breakfast.”
“`Fast!” Adam said again. Kung ano ang sinasabi ni Riana ay ginagaya nito. It was so adorable.
Maaasahan na agad niya ang anak na babae. Si Rainiel kasi ay masyadong na-spoil ni Reeve dahil unang anak nila.
“Okay, okay. Mommy will cook a very delicious breakfast.” Lumabas siya ng kuwarto na karga si Adam habang nakasunod sina Rainiel at Riana.
“Watch your step,” paalala niya sa dalawang anak habang pababa sila ng hagdan.
Mabagal pero nagawa nilang makababa ng hagdan nang ligtas. Tumakbo sa kusina sina Rainiel at Riana habang inilalagay niya si Adam sa baby chair.
“Mommy, I want pancakes!” Rainiel demanded.
“Mommy, gusto ni Daddy egg and bacon,” sabi ni Riana. “Let’s cook for Daddy, Mommy?”
“Mommy will cook pancakes and Daddy’s breakfast. You behave here in the kitchen, okay? Wala kayong hahawakan near the stove. Hindi rin kayo hahawak ng kutsilyo.” Lumapit siya sa refrigerator at binuksan iyon. Kinuha niya ang mga lulutuin.
Riana wore her cute yellow apron. Rainiel climbed up the stool and sat quietly.
Binigyan ni Agatha ng tig-isang baso ng gatas ang mga anak. Pagkatapos ay naglagay rin siya ng gatas sa baby bottle at ibinigay iyon kay Adam na nilalaro ang maliliit na toy cars sa ibabaw ng baby chair nito.
In just a matter of ten minutes, Agatha was able to cook everything. Kapag nanay ka na, dapat mabilis kang kumilos sa lahat ng bagay dahil mabilis mainip ang mga bata. She would like to think she had already mastered it.
Nasa mesa na ang lahat ng pagkain. Nakaupo na rin ang mga anak niya sa kanya-kanyang puwesto.
“Kuya Rain… huwag ka muna mag-eat. Wala pa si Daddy…” saway ni Riana.
“Gutom na `ko, eh…” Sumubo si Rainiel ng pancake.
“It’s okay. You can both eat already,” sabi ni Agatha. Sinuotan niya ng bib si Adam at saka ibinigay ang freshly cut mangoes and apples dito. Agad na kinamay ni Adam ang mga prutas at mabilis na isinubo. Natawa siya. “Hindi na pala kita kailangang subuan.” She sighed afterwards. Hindi niya alam kung paano natutuhan ni Adam na kumain nang sarili nito. Maybe she should ask her mother-in-law. Noong buntis kasi siya sa bunso ay ito ang nag-aasikaso kay Adam.
“Mommy, I’ll call Daddy,” Riana volunteered.
“Oh, baby, it’s okay. Ako na lang ang tatawag kay Daddy. You eat well, all right? Babalik ako.” Binalingan niya ang panganay na anak. “Watch your siblings, Rainiel.”
“Yes, Mommy!”
Pag-akyat sa kuwarto ay napansin ni Agatha na bukas na ang pinto ng banyo at bukas na rin ang ilaw sa walk-in closet. Sumulyap siya sa crib at tulog na tulog pa rin ang bunsong anak.
Tumuloy na siya sa walk-in closet. “Reeve?”
Nakatalikod ang asawa sa kanya pagpasok niya. And he was wearing nothing! Napailing na lang si Agatha at nilapitan ito. May kung ano kasi itong hinahanap.
“I have a general board meeting today. What should I wear?” he asked while rummaging through his suits.
“Maybe you should start with your boxers,” sabi niya at inabutan ito ng malinis na boxer shorts. “You can’t really seduce me this early morning while the kids are all awake downstairs.”
Ngumisi si Reeve at tumingin sa kanya. “At least I tried. Good morning, sweetheart.” Hinalikan siya nito sa pisngi bago inabot ang boxers at isinuot iyon. “Can you help me choose a suit?”
“Dark blue looks good on you, with a sky blue necktie.”
“Anything blue looks good on you, Agatha.”
She chuckled. Blue was her favorite color. “But you’re more handsome when you wear cool colors. Huwag naman `yong laging black suit.” Kinuha na niya ang napiling damit at iniabot kay Reeve. “You’d better get dressed fast. Breakfast is ready.”
“Oh, I think I’ll just grab a bite in the office.”
“Pero nine AM pa ang meeting mo.”
“But I have to be there an hour early. I have to check my presentation before the actual meeting.”
Napakurap si Agatha at hindi na nagsalita. Nakaramdam siya ng panlulumo. Ginagawa na naman ni Reeve ang dati pang napansin niya rito. He was a workaholic. He was too focused on his job. Late na itong umuwi kagabi at hindi na naabutan ng mga bata. Ngayon naman ay…
Agatha silently sighed. Kaya siguro ang ganda-ganda ng panaginip niya dahil doon ay… doon ay may oras pa si Reeve na maglambing sa mga anak nila at sa kanya…
Kaya siguro nanaginip din siya na sumulat ito sa kanya ng sweet letter dahil umaasa siyang ganoon pa rin ito kalambing sa kanya hanggang ngayon.
Agatha did not expect much and everything was all right with her. Pero sinanay siya ni Reeve sa mga paglalambing nito noong bagong kasal pa lang sila at baby pa sina Rainiel at Riana. But when their family got bigger, he started to… Nagsimula nang mas matututok ang atensiyon ni Reeve sa trabaho. Siguro dahil mas lumalaki pa ang Anderson-Monteverde Hotels sa paglipas ng panahon. It gained success after success during Reeve’s reign as the president and CEO.
Tahimik na pinanood ni Agatha ang asawa habang nagsusuot ng suit. He buttoned up his long sleeve polo and put on his tie.
Achiever ang kanyang asawa. Goal-oriented din at maraming-maraming plano para sa mas ikalalaki ng mga hotel. Nagsimula na rin ngang gumawa ang Anderson-Monteverde Hotels ng mga tourist inn sa ilang liblib na probinsiyang dinarayo ng mga turista. Since that project began, she couldn’t have a quality time with Reeve.
Kung tama nga ang pagkakaalala niya, noong buntis siya kina Adam at Rade ay nakasama lang niya si Reeve tuwing manganganak na siya.
Nakakatampo.
Pero naiintindihan naman niya ang demands ng trabaho ng asawa. Siguro ay mas nag-aalala lang siya dahil kahit sa mga anak nila ay wala na itong oras. Ayaw niyang makaramdam din ng pagtatampo sina Rainiel at Riana. Sina Adam at Rade ay mga baby pa. Ikalulungkot niya kung lalaki ang kanilang mga anak na siya lang ang laging nakakasama at nakakalaro. Baka lumayo ang loob ng mga ito kay Reeve.
Halos tapos nang magbihis ang asawa at sinusuklay na lang ang buhok.
“What time are you going home later?” she asked.
“Late, as usual. Maybe ten? I have a meeting with Governor Lira. Kung makukumbinsi ko siya ay makakapagtayo tayo ng inn sa probinsiya niya. I heard the popularity of the beach there is getting higher. Maybe in a year or two, dadayuhin na rin iyon ng maraming turista. Magandang magtayo ng tourist inn ngayon pa lang.”
Hinaplos ni Agatha ang pisngi ng asawa. “Don’t work too much, Reeve. Baka magkasakit ka.”
Umiling lang ito. “I’m fine. Pero hindi ako matatahimik kung mapapalagpas ko ang magandang pagkakataon para sa mga inn at hotels.”
Reeve looked so excited. She bet his blood was rushing because of good business opportunities that were coming his way.
“Just remember, hindi mo madadala sa langit ang lahat ng hotels, Reeve. I’m happy that you’re making a bigger legacy. But…”
Nagsuot na ito ng coat. “But?” Humarap ito sa kanya, nakakunot ang noo.
“I pray that you won’t forget making a legacy as a father to our children as well.”
Mas lumalim ang pagkakakunot ng noo ni Reeve. “I’m doing this for them. For their future. Someday, sila ang magmamana ng lahat ng ito.”
“Alam ko, Reeve. Pero ang ibig kong sabihin, mas maganda kung makakapag-iwan ka ng hindi mapapantayang marka sa mga anak natin. They’re all growing up. They need the guidance of a father. But lately, you’ve been working too much.” Iniiwas ni Agatha ang tingin. “I can’t even feel you in this house anymore. Minsan, parang dinadaan-daanan mo na lang ako at ang mga bata.”
Hindi umimik si Reeve. Pagbaling uli niya rito ay punong-puno ng kalituhan ang mga mata. “I’m sorry… I didn’t notice. I’m sorry, sweetheart.” Hinapit siya nito sa baywang at niyakap nang mahigpit. Naging malamlam din ang mga mata nito. “Have I been neglecting you? I’m sorry.”
Tiningala niya ang asawa at sinalubong ang mga mata nito. “You don’t have to apologize to me. And I don’t really feel neglected. Well, maybe just a little. Pero kilala mo `ko…” Nginitian niya ang asawa at at mas inayos ang buhok nito.
“All right. After today, I’ll make it up to you. Pumunta na tayo sa charity mission na gusto mong puntahan natin sa Mountain Province,” seryosong sabi nito, nasa mga mata ang determinasyon na makabawi.
He was not getting the point, though.
“You don’t make time for the kids anymore, Reeve. I know how you love doing your work. I understand that. But our children don’t,” maingat niyang paliwanag. “Kahit hindi ka na lang maglaan ng oras sa akin. Kahit sa mga anak na lang natin.”
Bumuntong-hininga si Reeve at muli siyang niyakap nang mahigpit. Niyakap din niya ito. “You can give your hundred percent at your work, but, Reeve, if it’s family time, it should be family time. Hindi mo maibabalik ang oras. Huwag mong hayaang hindi mo masubaybayan ang paglaki ng mga anak natin. Apat na sila.” Itinaas niya ang apat na daliri. “They need you.”
Nakakaintinding tumango ito at hinalikan siya sa noo. “Thank you for reminding me of what I’ve been missing.” Nagbuga ito ng hangin. “I’ll fix my schedule tomorrow.”
Agad namang sumaya ang puso niya sa pangako ng asawa.
“I really need to go now, though.”
Tumango si Agatha. “Just greet and kiss the kids downstairs. Ako na lang ang magpapaliwanag sa kanila.”
Ganoon nga ang ginawa ni Reeve. Hindi na ito sumabay sa almusal pero isa-isang hinalikan ang kanilang mga anak bago umalis.
“Daddy needs to hurry for work. But tomorrow, he’ll join us for breakfast.”
“It’s okay, Mommy,” Rainiel said. Ubos na nito ang tatlong pancakes.
“How about the breakfast we cooked for him?” nakalabing tanong ni Riana.
“I’ll eat it.” Umupo na si Agatha at sinimulang kumuha ng egg, bacon at white bread. “This is my favorite too.”
Napangiti na uli si Riana at tinapos na ang pagkain.
Kontentong pinanood ni Agatha ang mga anak. Mabuti na lang at hindi pa nagtatampo ang mga ito. It was good that she opened up to Reeve. Alam niyang nadala lang ito ng trabaho pero kapag pinaalalahanan niya ay bumabalik naman sa dati.
Sana lang hindi na niya kailangang ipaalala rito na anniversary nila nang araw na iyon. She hoped that Reeve would greet her on their eight years of marriage.
But later that night, Reeve came home very tired. Agad itong nakatulog pagkahiga pa lang sa kama.
He didn’t greet her. He forgot about their anniversary…
Eleven months later
“I SAID don’t stop searching until you find her!” sigaw ni Reeve at saka ibinato ang walang kuwentang reports na ibinigay sa kanya ng mga kinuhang imbestigador. “Inutusan ko kayong huwag na huwag na babalik dito nang hindi n’yo nakikita ang asawa ko! Saan doon ang hindi n’yo maintindihan?!”
“Mr. Monteverde, we’ve been searching all over the place where the accident happened. Pinuntahan na namin maging ang mga liblib na sitio at bayan. Wala hong nakakita o nakakakilala sa asawa ninyo,” private investigator and NBI agent Ivan Basco said.
“It’s been six months, Mr. Monteverde,” sabi naman ng isa pang imbestigador. “It’s impossible to assume that your wife is still— S-Sir!”
Bago pa matapos ang sinasabi ay mabilis niyang kinuwelyuhan ang imbestigador. Tumama ang likod nito sa matigas na pader ng kanyang opisina. “My wife is still alive. Kung hindi, bakit walang nakuhang bangkay niya sa pinangyarihan ng aksidente?!”
“Please calm down, Mr. Monteverde.” Inilayo siya ni Ivan sa kasama nito.
“My wife is not dead.” Kumuyom ang mga kamay ni Reeve. Naghahalo ang lahat ng damdamin sa dibdib niya. Hindi niya matanggap ang sinapit ng asawa. Hindi niya matanggap na magwawakas lang ang napakaganda nitong buhay dahil sa isang aksidente. Hindi niya matatanggap na namatay ang asawa dahil lang tumaob ang bus na sinasakyan nito papunta sa isang charity mission.
Ano ba ang iniisip niya nang mga panahong iyon? Bakit pinayagan niyang mauna ang asawa na pumunta sa Mountain Province para sa charity mission at sumakay sa bus kasama ang ibang volunteers? Bakit hindi na lang niya iginiit na sabay na silang umalis at siya pa ang magmamaneho para dito?
Ano ang ginawa niya? Ano na naman ang inuna niya? Trabaho?
Bullshit!
“Search for her again. In all the hospitals and clinics. Maghanap pa kayo. I’ll tell my secretary to transfer an extra amount of money to your account. Or just name your prize! Magbabayad ako kahit magkano mahanap n’yo lang ang asawa ko.” Nakuha na niyang kumalma pero hindi ng puso niya.
It had been crying silently since the day the accident happened.
Lahat ng bangkay ay na-recover pero wala ang sa asawa niya. The police said that it was possible his wife was not in the bus during the accident. Pero natagpuan ang mga gamit nito. Her shoulder bag was recovered. Her shoes were found. Maging ang cell phone at ID nito. Kaya imposibleng hindi ito sakay ng bus.
Pero kung hindi nga sakay niyon si Agatha, bakit nawawala pa rin ito hanggang ngayon? Where was his sweet and loving wife?
Masakit na masakit ang ulo ni Reeve pagkauwi. Sumalampak siya ng upo sa sala at pilit na inisip kung ano na ang nangyari kay Agatha. Kumusta na ito? Was she kidnapped? Was she in a coma? Did someone rescue her from the accident? Bakit hindi pa ito umuuwi? Wala bang gustong tumulong dito? Was she in a hospital? Or taken care of by an indigenous tribe?
“Daddy…”
Pilit na idinilat ni Reeve ang mga mata at bumaling sa anak. It was his daughter Riana.
Lumapit ito sa kanya at umakyat sa sofa. Then she hugged him. “Are you tired, Daddy? You should sleep na…”
Ni hindi na niya kayang humiga pa sa sariling kama para lang magising kinabukasan na wala sa tabi niya si Agatha. Pinigil niya ang pagpatak ng luha. Ikinulong niya sa mga bisig ang anak. “Thank you, darling. I’ll sleep later. Pero ikaw ang dapat nang matulog…”
Tiningala siya ni Riana. Nginitian. God, she smiled like Agatha. Sweet and innocent. “Everything’s going to be okay, Daddy. Mommy will come home soon.”
Napalunok si Reeve. Kapag nagsalita siya ay mababasag ang boses niya.
“I miss Mommy. But Grandma said she’s on vacation.”
He couldn’t even tell his children the truth. Kunsabagay, ano ba ang katotohanan? Talaga namang may kasamang bakasyon ang pag-alis ni Agatha. Dapat ay susunod siya. Pasunod na dapat siya.
“Do you miss Mommy, Daddy?”
Tumango si Reeve. He would trade anything and everything just to see Agatha again. Alive and well. Kahit ano, kahit lahat. Kung iyon ang kailangang kapalit para makita niya ang pinakamamahal na asawa.
“Nami-miss din siguro tayo ni Mommy, Daddy. But she needs a vacation. She needs a little break because she’s always taking care of us, Grandma said.”
Tumango na lang uli si Reeve at niyakap ang munti niyang anghel. Riana rested her head against his shoulder, her arms wrapped around his neck.
“Don’t be sad, Daddy. Let’s just spend more time together. Kuya Rainiel will play soccer tomorrow.”
Kahit nanghihina ay nagawa pa rin niyang buhatin ang anak hanggang sa kuwarto nito. Pero napansin niyang wala sa crib si Adam. Pumunta siya sa kuwarto ni Rainiel. Wala rin ito roon.
Habang buhat pa rin si Riana ay pumasok na si Reeve sa kuwarto. Doon niya nakita ang mga anak na lalaki, nakahigang lahat sa ibabaw ng kama nilang mag-asawa. Rade was at the center guarded by pillows. Adam was on the top side while Rainiel lay at the foot side of the bed.
Malaki ang kama pero nagsisiksikan ang tatlo sa gitna. Inihiga niya si Riana sa tabi ng mga ito. Tulog na rin ang nag-iisang babae sa apat nilang anak ni Agatha.
Napatulala na lang si Reeve habang nakatitig sa mga ito.
Pinagsabihan na siya noon ni Agatha tungkol sa kawalan niya ng oras sa kanilang mga anak. Nakinig siya pero saglit lang dahil nabalik na naman ang buong atensiyon at oras niya sa trabaho…
At kung hindi pa nawala ang kanyang asawa…
Kumuyom uli ang mga kamay ni Reeve. He wanted to hurt himself so badly. Bakit hindi siya nakinig sa kanyang asawa?
Isa-isa niyang tiningnan ang mga anak. He had been taking care of them all by himself, with a little help from his father and mother when he was at work. Pero ang hirap-hirap palang mag-alaga ng mga anak nang mag-isa. Agatha used to do this at kahit kailan ay wala siyang narinig na angal mula sa asawa. Lagi itong masayang pagsilbihan ang kanilang mga anak. Napakabuti nitong ina. Strong and selfless.
He did not want his children to grow up without a mother… without Agatha. She balanced everything in their life.
Pumatak na ang luha ni Reeve. Sa una ay isang patak lang hanggang sa nagsunod-sunod na iyon.
He cried in pain, in guilt, in loneliness…
He wept silently. He did not want his children to see him cry. Isinubsob niya ang mukha sa mga palad at sinabunutan ang sarili.
Ilang gabi pa ang lihim niyang iiyakan?
Akala niya ay nasa bahaghari na sila ni Agatha. Tapos na ang bagyo sa buhay nilang mag-asawa. But what happened? Why was there another rain after the rainbow?
TUMINGIN si Seline sa kalangitan. Katitila lang ng ulan at may natanaw siyang bahaghari sa hindi kalayuan.
Napangiti siya kahit putikan ang dinaraanan. Katatapos lang niyang mamalengke para sa almusal nilang mag-anak. Siguro ay gising na ang mag-ama niya.
“Magandang umaga, Seline!” masiglang bati ni Ate Divina. Matanda lang ito nang kaunti sa kanya. Nagtitinda ito ng mga sariwang bulaklak. “Bibili ka ba ng bulaklak ngayon para sa pasyente mo?”
Hindi doktor o nurse si Seline. Ang sabi ng kanyang asawa ay high school lang ang natapos nilang dalawa bago nagtanan at nagpakasal pagkatapos ng ilang taong pagiging magkasintahan. Ngayon ay may apat na taong gulang na silang anak.
“Sige po, kukuha ako…” Humugot si Seline ng pera. Mabuti na lang at may extra na ibinigay ang asawa niyang nagtatrabaho sa minahan.
“Hindi pa ba nagigising ang alaga ninyo?”
Umiling si Seline. “Hindi pa nga po.”
“`Buti at hindi ka nagaya sa kanya, ano?”
Kalahating taon na ang nakararaan ay may naaksidenteng bus malapit sa maliit na lugar nila na matatagpuan sa paanan ng bundok. Papunta raw sa Ifugao ang bus pero nahulog sa bangin. Eksaktong nangyari ang aksidente ay nasa gubat daw siya at namimitas ng mga ligaw na prutas at gulay. Nasangkot siya sa aksidente nang mahulog ang bus doon mismo sa kinapupuwestuhan niya.
Hindi siya na-comatose nang matagal katulad ng pasyenteng inaalagaan nila. Pero nawalan naman siya ng alaala paggising. Nahirapan siya nang magkamalay pagkalipas ng isang buwan. Hindi niya kilala ang asawa at anak.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya naaalala ang mga ito. Pero ginawa na lang niya ang makakaya para maging mabuting asawa at ina kahit walang maalala. Hindi siya puwedeng magmukmok dahil lang wala siyang maalala.
“Wala pa rin bang kamag-anak na umaako sa kanya?”
“Wala pa nga po.”
“Naku, baka hindi mahanap dahil hindi naman abot itong lugar natin. Iyan kasing si Governor Lira itinago tayo dahil tayo ang pinakapangit na lugar sa nasasakupan niya.” Napailing-iling ito at binalot na ang bulaklak. “Subukan n’yo kaya ng asawa mong magpunta sa bayan at makinig ng balita? Baka sakaling may naghahanap talaga sa kanya.”
“Iyon nga rin po ang sabi ko kay Niel,” tukoy ni Seline sa asawa. “Siya na lang daw po ang pupunta dahil mahal ang pamasahe kapag dalawa pa kaming luluwas. Isa pa, walang magbabantay kay Sasa,” tukoy pa niya sa apat na taong gulang na anak.
“Sana talaga at magising na rin ang pasyente ninyo.”
“Sana nga po. Ipinagdadasal ko rin po.” Nag-report na rin sila sa mga pulis pero wala namang balitang nakarating sa kanila.
Pagkatapos magbayad ay mas binilisan ni Seline ang pag-uwi. Hindi na siya sumakay pa ng padyak dahil wala na siyang pera. Huling pera na pala ang ipinambili niya ng bulaklak.
Pawisan siya nang makauwi sa bahay.
“Inay!”
Napangiti siya at sinalubong ng yakap ang anak. “Good morning, Sasa.”
Lumabi ito. “Wala ka tabi ko.”
“Bumili ako ng almusal natin. Huwag ka nang magtampo,” paglalambing niya sa anak. Tinitigan niya ito nang mabuti. Hindi pa rin talaga niya ito maalala. Pero sigurado siyang anak niya si Sasa dahil nang dalhin siya sa doktor ng asawa niya ay may mga palatandaan daw na nakapanganak na nga siya.
“Dami ka pagkain?”
“Oo naman. Gising na ba ang itay mo?”
“Labas siya. Kuha si Itay ng gulay. Madaming-madami.”
“Wow!” Ipinatong ni Seline ang biniling puto at tinapay sa ibabaw ng mesa. “Magluluto si Itay ng gulay.” Hinalikan niya ito sa noo. “Upo ka na sa may mesa. Dadalhin ko lang ito kay Ate Ganda.”
“Ate Ganda” ang itinawag nila sa inaalagaan. Katabi lang ng kubo nila ang maliit na clinic ng Kab-Laaw. Kasing-edad niya siguro ang babae. Maputi ito at makinis ang balat. Nang-unti-unting maghilom ang mga sugat at pasa nito sa mukha ay lalong lumitaw ang kagandahan.
“Magandang umaga po,” mahinhing bati niya sa tagabantay ng clinic.
“O, Seline, ang aga mo naman!”
“Papalitan ko lang ang bulaklak sa kuwarto ng pasyente natin. Baka nalanta na.”
“Sige lang. Kalilinis ko lang din ng kuwarto niya. Tulog na tulog pa rin siya.”
Napabuntong-hininga si Seline at saka pumasok sa kuwarto. Agad niyang pinalitan ang mga bulaklak na nakalagay sa isang flower vase. Pagkatapos ay itinabi niya iyon sa kama ng magandang babae. Hindi rin nila alam ang pangalan ng babae dahil walang na-recover na ID o ano pa man nang makita ito tatlong araw pagkatapos bumagsak ang bus na sinasakyan nito. Nakasabit ang katawan nito sa ilang sanga ng puno na medyo malayo na sa pinangyarihan ng aksidente. Baka raw tumilapon ito habang bumubulusok ang bus sa bangin. Hindi ito nakita ng rescue team o ng mga pulis.
“Kumusta ka na?” kausap niya sa babae. “Pasensiya na at hindi ka namin madala sa mas magandang ospital. Pero nagtutulong-tulong na ang mga tao dito para mapansin ka ng gobyerno.” Hinaplos niya ang mahaba nitong buhok. “Sana may naghahanap sa `yo. At sana matagpuan ka na nila dito. Maybe you’re from a rich family.”
Natigilan si Seline. Nagsalita na naman ba siya ng Ingles? Napailing siya. Natural daw iyon sa kanya, sabi ng kanyang asawa. May pangarap daw kasi siya na maging news reporter kung nakapag-college lang daw siya.
“Sana paggising mo ay buo ang mga alaala mo. Hindi katulad ko…” Napabuga siya ng hangin. “Pero mabuti na ring gising na `ko para may mag-aalaga sa anak at asawa ko. Ipinagdadasal kita palagi.” Napatingin siya sa ilang machines na nagbibigay-suporta habang comatose ito. Mga lumang gamit na iyon mula sa isang ospital sa bayan. Kinakalawang na ang ibang parte pero gumagana pa naman.
“Babalik uli ako bukas,” mabait niyang sabi sa wala pa ring malay na babae.
Lumabas na ng kuwarto si Seline. Sana isa sa mga araw na iyon ay may mapadpad doon na kamag-anak ng babae. Magulang, asawa, o kapatid… Mas bubuti ang kalagayan nito kapag nailipat sa magandang ospital. Baka magising na ito.
“Inay, gutom na `ko…” salubong agad sa kanya ni Sasa.
“`Eto na po, magluluto na.” Naghugas muna siya ng kamay nang mabuti. Binuksan niya ang isang supot ng puto at inabutan ito ng isa. “You eat this first while I cook, all right?”
“Si Inay, nag-English-English!” Humagikgik si Sasa at kumagat ng puto. “Ang sarap!”
Nginitian ni Seline ang anak at nagsimula nang magluto ng itlog at tinapa. Eksaktong dumating ang kanyang asawa.
“Itay! Kain tayo puto! Masarap!”
Narinig ni Seline ang baritonong pagtawa ng asawa. Nilingon niya ito.
“Magandang umaga.”
“Magandang umaga,” bati rin ng kanyang asawa at inilapag ang bitbit na mga gulay sa mesa. “Maaga kang namalengke kanina?”
Lumapit si Daniel sa kanya kaya napatingala siya rito. Magandang lalaki si Daniel o mas madalas tawaging “Niel.” Malaki ang katawan at banat ang mga buto dahil sa trabaho sa minahan. Moreno ito. May tattoo sa kanang braso. Medyo mahaba ang buhok ni Niel at parang laging magulo na lalo pang nagpalakas sa dating nito.
Masipag si Niel sa pagtatrabaho pero hindi nito nakakalimutang umuwi sa tamang oras para makapaglaan ng oras sa kanya at sa kanilang anak. Kung iisipin ay masuwerte siya sa napangasawa. Sabi rin ng mga tao sa lugar nila ay suwerte sila ni Niel sa isa’t isa.
Pero hindi iyon gaanong maramdaman ni Seline. Kahit kasi ano ang gawin niya ay hindi niya maalala ang asawa—kahit man lang kakarampot na alaala.
“Gusto daw kasi ni Sasa ng itlog at tinapa. Kaya gumising ako nang maaga para hindi ako maubusan sa palengke.” Dahil nga nasa liblib at tago silang lugar, limitado ang mga paninda sa palengke.
“`Buti at natandaan mo na paano kung dumiskarte sa palengke,” nakangising sabi ni Niel.
“Tinuruan mo kasi ako.” Napailing siya at ipinagpatuloy ang pagluluto. “Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maalala kung paano tayo mamalengke noon. Kaya tinatandaan ko na lang ang turo mo.”
Napaigtad si Seline nang haplusin ni Niel ang braso niya.
Napalayo naman ito. “P-pasensiya na, Seline,” hinging-dispensa agad nito.
“A-ayos lang, Niel. N-nagulat lang ako.”
Hindi pa rin sanay si Seline sa haplos ng asawa. Ni hindi sila nagtatabi sa kama at hindi siya hinahalikan o niyayakap nito dahil… dahil hindi siya kumportable. Siguro ay naninibago pa rin siya dahil wala talaga siyang maalala na kahit ano, maski ang sariling mga magulang. Pero ulila naman daw siya, sabi ni Niel.
Nakadepende lang siya sa lahat ng kuwento ni Niel. Maliban doon ay wala na siyang alam sa sarili.
Gayunman, mabait si Niel. Mabuting tao. Hindi nagpipilit na maalala niya ito. Nirerespeto ng lalaki kung hindi pa siya handang maging mas malapit dito nang pisikal.
Narinig ni Seline ang pagbuntong-hininga ni Niel. “Mag-iigib lang ako ng tubig sa labas,” paalam nito.
Tumango siya. “I’ll just call you once breakfast is ready.” h indi na naman niya napigilang um-Ingles.
Hindi na sumagot si Niel dahil lumabas na ito ng kubo. Palihim na sinundan niya ito ng tingin.
Nalulungkot siya dahil kung nagmamahalan pala sila ng asawa, bakit hindi niya iyon maramdaman uli?
“Sweetheart…”
Napakurap-kurap si Seline at napatingin sa kaliwa’t kanan. Saan niya narinig iyon? Parang may bumulong sa kanya.
“Sasa, may sinasabi ka ba, anak?” tanong niya kahit alam niyang hindi dito galing dahil parang boses ng lalaki ang narinig niya.
Napatingin sa kanya ang inosenteng anak. “Wala, Inay. Kain lang ako dito, eh.”
Napailing-iling na lang si Seline at ibinalik na ang atensiyon sa niluluto.
Kailan kaya babalik ang mga alaala niya? Bakit kaya kailangang mawala ang mga iyon?
Magdasal ka na lang uli mamayang gabi, Seline. May plano ang Diyos. Everything happens for a reason. Babalik din ang lahat ng alaala mo. You’ll be able to remember your life and your family before the accident.

Man And Wife (Wifely Duties 2)
28 Chapters
28
Contents

Save

My Passion
Copyright © 2026 Passion
XOLY LIMITED, 400 S. 4th Street, Suite 500, Las Vegas, NV 89101