
Description
"I may lose you but at least I know that I contributed something to make you happy..." Filipina Cornejo was a tough future lawyer. But when it came to TJ Javellana, her jaw dropped immediately. He was her dream man. This was the only reason he wanted to visit the famous Stallion Island. However, there she came face to face with her ex-boyfriend Leigh Armaund Lopez. He was her nightmare yet he was the only man who could make her heart beat faster...
Chapter 1
Nov 28, 2025
1
“CONGRATULATIONS! One year na kayo ni Lee!”
Magkasabay na niyakap nina Freya at Haellene si Pinay. Kabababa lang ni Pinay sa sala para sa date nila ng boyfriend niyang si Leigh Armaund. “Lee” ang nickname nito.
Magkakasama sila nina Freya at Haellene sa boardinghouse na pag-aari ng Tita Yolie niya sa Quezon City. They even formed an all-girl band—ang Serenity. Si Andrya na may gandang pang-beauty queen ang vocalist nila, si Haellene na mukhang inosente ang bassist, si Freya ang lead guitarist at composer at siya na madalas mapagkamalang menor-de-edad ang drums. Sa Conspiracy Bar sila tumutugtog.
Iniabot sa kanya ni Andrya ang bouquet ng assorted flowers. “Heto! Ipina-deliver ng boyfriend mo. Mga gulay. Congratulations dahil nakatagal pala siya nang isang taon sa pagpapaapi at pagpapakahangal sa iyo. Mabuhay ang mga under!”
“Mahal na mahal lang niya ako. Hindi siya katulad ng ibang lalaki riyan na nang-aapak ng babae mapatunayan lang na macho sila.”
Nakilala ni Pinay si Lee sa Conspiracy Bar. Nag-fill in ito sa absent na lead guitarist ng isang banda. Graduate ang lalaki ng Business Administration sa University of the Philippines. Siya naman ay Behavioral Science ang kinukuha sa University of Sto. Tomas. Nagkataon na may common friend sila.
Noong una ay ayaw niya kay Lee. Parang may pagkamaangas at mayabang kasi. Dahil guwapo, sa tingin niya noong una ay playboy ito. Pero nang pagtiyagaan siya nitong kausapin, natuklasan niyang matalino ito at may sense kausap. Hindi rin mayabang. At dahil may talent din ang lalaki sa music, unti-unti siyang na-in love dito.
Kung madalas mang sundin ng boyfriend ang mga gusto niya ay dahil mahal siya nito. Ginagawa ni Lee ang lahat para pasayahin siya. Kaya masuwerte siya sa pagkakaroon ng boyfriend na katulad ni Lee. Hindi na niya ito pakakawalan.
Malungkot na kumagat sa ham and egg sandwich si Haellene. “Ibig sabihin, `di ka makakasama sa gig mamaya? Wala kaming drummer?”
“Next time na lang, girls. Sorry talaga. Importante lang ito.” Matagal ding pinaghandaan ni Pinay ang anniversary nila ni Lee. Excited din siyang malaman kung ano ang sorpresang inihanda ng lalaki.
“Alam naman namin!” hindi nakatingin sa kanya na sabi ni Andrya. “Mula nang dumating iyang Lee na under na iyan sa buhay mo, bale-wala na kami.”
Niyakap niya si Andrya at hinalikan sa pisngi. “Huwag ka nang magtampo. Oras na ma-in love ka, maiintindihan mo rin ako.”
Ayaw bale-walain ni Pinay ang mga kaibigan sa araw na iyon pero gusto niyang sila lang ni Lee ang magkasama. Ang boyfriend ang future niya. Ito ang kanyang buhay. At ngayong mahigit isang semester na lang sila sa kolehiyo, baka mag-propose na ito ng kasal anumang oras.
Hindi pa rin kumibo si Andrya. Mukhang nagtatampo talaga.
“Huwag mo nang ikompara ang love story mo sa kanya. Alam mo namang allergic iyan pagdating sa usapang love life.” Sinenyasan siya ni Haellene. “Sige na! Mag-enjoy ka na lang sa date ninyo ni Lee.”
“Paano ang gig mamaya?” tanong ni Pinay. Nakakakonsiyensiya rin naman dahil alam niyang nami-miss din ng mga kaibigan niyang tumugtog.
“Manghahatak na lang kami ng lalaki, ano pa,” masungit na sagot ni Andrya. Pero nakita niya ang pagngiti ng mga mata nito. Ang ibig sabihin ay hindi na ito galit.
Excited na nilaro-laro ni Pinay ang petals ng mga bulaklak habang nakasakay sa FX papuntang SM Manila. Doon sila magkikita ni Lee. Medyo malayo iyon sa mga lugar kung saan sila nagde-date. Huwag nitong sabihin na sa Intramuros o Luneta sila magde-date? Kunsabagay, basta ito ang dumiskarte, tiyak na romantic iyon.
Inip na inip siya habang papalapit ang sinasakyang FX sa Welcome Rotonda. Mayamaya ay huminto ang FX at bumaba ang magkaparehang nasa tapat niya. She stiffened when she felt a rough hand touch her knee. Sa pasaherong lalaki iyon. Hindi sana niya papansinin iyon dahil baka kailangan lang nito ng alalay sa pagbaba ng FX. Masikip ang likuran ng FX kaya baka kailangan lang ng lalaki ng balanse.
Nahigit ni Pinay ang hininga nang pumailalim pa ang kamay ng lalaki sa laylayan ng dress niya at humagod sa kanyang balat. Nanlaki ang mga mata niya nang ngumisi ito sa kanya saka tuluyang bumaba.
Pinigilan ni Pinay ang pagsara ng pinto ng FX. Bumaba siya at hinabol ang lalaki. “Hoy! Manyak ka! Bumalik ka rito!”
Paglingon ng lalaki ay inihagis niya rito ang bouquet na hawak. Sapol ito sa mukha. Sinamantala niya ang pagkagulat nito. Paglapit niya sa lalaki ay sinuntok niya ito sa balikat.
Sinubukang dumepensa ng lalaki sa sumunod na suntok niya pero sadyang mabilis siya. a gad itong natamaan uli. Halos ibalibag na niya ang lalaki kung hindi lang nagtitili ang babaeng kasama nito at sinubukang umawat.
“Ano’ng ginagawa mo sa honey ko?” maarteng tanong ng babae.
“Manyak ang boyfriend mo!”
Nakuha nila ang atensiyon ng pulis na nasa police post. Sumilbato ito at lumapit sa kanila. “Anong gulo ito?”
“Mamang pulis, basta na lang po niya sinaktan ang boyfriend ko,” maangas na sumbong ng babae.
“Basta-basta lang kasi akong hinipuan ng boyfriend mo. Act of lasciviousness `yon! Ikulong ninyo ang m anyak na iyan, mamang pulis o papatayin ko iyan!”
“`KAPAL ng mukha mo! Dapat sa mga m anyak na tulad mo, pinapatay para wala nang babaeng mabastos sa mundo.”
Nagdilim na ang paningin ni Pinay sa sobrang galit habang pilit na inaabot ang manyakis na si Marc Fabio—ayon sa nakasulat sa ID nito. Nahawakan na niya ang batuta ng isang pulis. Hindi na nga alam ng huli kung paano siya aawatin. Murderous na siya.
“Huwag ka ngang mag-eskandalo. Nahawakan lang ang hita mo, nag-iinarte ka na,” kontra naman ng impaktang girlfriend nito. “Ang hirap sa iyo, suot ka nang suot ng ganyang dress. Natural, mababastos ka. Magtiis ka.”
Nanlaki ang mga mata ni Pinay. Mukha pa pala siyang bastusin nang lagay na iyon samantalang disente ang damit niya kompara dito na naka-micromini at wala na yatang itatago sa mundo.
Nagdilim ang paningin niya. Kung hindi lang babae ang bruhang kaharap niya, baka lumipad na ang kanyang paa sa mukha nito. Binalingan niya ang pulis. “Mamang pulis, tama bang katwiran na kapag naka-dress ang babae, dapat, bastusin? Ibig sabihin, iyong mga nare-rape at naha-harass, gusto nila iyon?”
“Aba! Wala iyon sa katwiran, Miss!” sagot ng pulis. “Ang mga babae, dapat, igalang kahit na ano pa ang suot nila.”
Nginisihan ni Pinay ang babae na makapagtanggol lang sa boyfriend nito ay kung ano na lang ang maikatwiran. “Miss, narinig mo ang sinabi ng mamang pulis? Kung okay lang sa iyo na mabastos ang mga babae, hindi ako ganoon! At dapat sa mga bastos, sinesentensiyahan na!”
Gusto nang umigkas ang paa niya kung hindi lang nagtago si Marc sa likuran ng girlfriend nito. “Miss, kung feeling mo nabastos kita, sorry na.”
“Nag-‘sorry’ na ang boyfriend ko! Masaya ka na?” maangas na tanong ng babae.
Lalo lang nag-init ang ulo ni Pinay. Nakapagsabi lang ng “sorry” ang lalaki dahil sa takot, inangasan pa siya ng bruhang girlfriend nito. As if kailangan niya ang “sorry” ng lalaking ito.
“Kung okay lang ang sorry, eh, di sana, wala nang pulis!” katwiran niya. Kahit lumuha ang lalaki ng centipede, hindi niya ito patatawarin.
“Tama iyon,” sang-ayon ng mga pulis.
Pilit pa ring nagtapang-tapangan ang babae at dinuro siya. “My dad works for the National Defense. You can’t get away with this.”
“Ipinagmamalaki mo sa akin ang tatay mo sa National Defense? Kaya maraming corrupt sa gobyerno ay dahil sa mga tulad mo. Ginagamit ang koneksiyon nila para takasan ang mga kalokohan nila at manggipit ng maliliit na mamamayan tulad namin. Aba! Kaming taxpayers ang dapat na pinagsisilbihan. `Di kami dapat ginigipit! Palakasan na pala ito!”
Hindi natatakot si Pinay kahit pa presidente ng Pilipinas ang iharap sa kanya. Nasa katwiran siya. Siya na nga ang naagrabyado, siya pa ang sisindakin.
“Filipina, ano’ng nangyari dito?” tanong ng pinsan niyang si Kuya Thorn na isang abogado. Kasunod nito si Lee na yumakap sa kanya.
“Pinay, are you okay? Are you hurt?” nag-aalalang tanong ni Lee.
“Boyfriend ko ang ginulpi niya,” sabi ng babae. Putok na ang mga labi ng boyfriend nito at pasara na ang isang mata dahil talagang ginulpi niya. “At magsasampa kami ng kaso laban sa kanya. Physical injury. Magde-demand ako na bayaran niya ang pampaospital ng boyfriend ko. `Di ito palalagpasin ng daddy ko!”
“Excuse me! Hangga’t `di sumusuka ng dugo ang boyfriend mong manyak, `di ko babayaran ang pampaospital niyan,” katwiran ni Pinay.
“Tama po siya, Ma’am. Gulpi lang ang inabot ng boyfriend ninyo. Tamang yelo at alcohol lang iyan,” sabi ng pulis.
“Dagdagan ko kaya para bayaran ko ang pampaospital niyan?” tanong niya.
Pinigilan siya ni Lee sa balikat. “That’s enough, Pinay!” mariing saway nito.
Tiningala niya ito. Noon lang kasi siya nito ginamitan ng matigas na tono. Hinahayaan lang kasi siya ng lalaki noon sa gusto niyang gawin.
“I want to see the blotter,” sabi ni Thorn sa pulis na nasa desk.
Sumunod si Pinay sa pinsan habang nakakuyom ang kamay. Pakiramdam niya ay isa siyang bulkan na handa nang sumabog. Galit na galit siya. Nag-aral talaga siya ng martial arts dahil ayaw niyang matulad sa mga babaeng nababastos pero hindi maipagtanggol ang sarili. Kulang pa ang ginawa niya.
“Filipina, sa uulitin, kalmahin mo ang sarili mo. Para kang amasona. Hanggang sa presinto, nagwawala ka pa rin. Mabuti’t `di sumuka ng dugo iyong ginulpi mo. Mabuti rin at `di mo napatay. Kung hindi, baka ikaw pa ang mas may seryosong kaso,” sermon ni Kuya Thorn habang kumakain sila sa isang restaurant.
“Kulang pa iyon sa kanya, Kuya.” Binayo ng nakakuyom niyang kamay ang mesa. “Tuwing naaalala ko ang parang nakakalokong ngisi ng ungas na iyon, parang sinasabi niya na lahat ng mga bastos, nakakatakas sa mga ginawa nila.”
Sa ginawa ni Pinay, parang naiganti na niya ang lahat ng mga babaeng nabastos. It was not enough though. Pero at least, hindi siya nasama sa statistics ng mga babaeng iiyak na lang sa isang tabi at walang magawa. Habang ang mga manyak ay malaya at nagsasaya, at patuloy pa sa pang-aabuso ng ibang kababaihan.
“Lee, pag-isipan mo bago mo pakasalan iyang pinsan ko. Baka gulpihin ka rin niyan. Ngayon pa lang, mag-aral ka na ng self-defense at alamin mo ang karapatan mo bilang tao,” sabi ni Kuya Thorn at tinapik sa balikat si Lee.
Nanatiling madilim ang anyo ni Pinay hanggang sa makaalis si Kuya Thorn. Mukha bang monster ang tingin nito sa kanya na dapat katakutan? Di-hamak naman na mas nakakatakot ang mga naglipanang manyak sa mundo kaysa sa kanya.
“Ano? Natatakot ka rin sa akin?” tanong niya kay Lee.
“Hindi.” He uncurled her fingers then laced them with his. “Okay ka na ba?”
Saka lang siya kumalma nang marinig ang pag-aalala sa boses ng boyfriend. Kanina ay on guard siya dahil ayaw niyang malamangan pa uli. “I feel violated, Lee. Nakikita ko pa rin ang mukha ng lalaking iyon pagkatapos akong bastusin.” Kung hindi siya naawat kanina, baka tuluyan na siyang nakapatay. And it wouldn’t be enough.
Kinabig siya ni Lee pahilig sa balikat nito at hinalikan sa noo. “Sana, nandoon ako para protektahan ka. I’m sorry.”
“It’s okay. I can handle him.”
“Mas gusto ko kung nandoon ako para sa iyo.”
Nanlumo si Pinay nang maalala ang anniversary nila. “Nakakainis! Anniversary natin ngayon, `tapos sumulpot pa ang unggoy na iyon. Sa presinto pa tuloy tayo nag-date.” Tumuwid siya ng upo nang maalala ang bulaklak na ipinadala nito. “Iyong flowers…”
“Ano’ng nangyari sa bulaklak na bigay ko?” tanong nito.
Ngumisi siya. “Naihampas ko sa manyak na lalaking `yon. Sorry...”
Ngumiti ito at hinaplos ang pisngi niya. “Gusto mo pa ng flowers?”
“Oo! Bibilhan mo uli ako?”
“Ikaw na ang pipili ngayon kung ano ang gusto mo.”
Sumakay sila ng taxi. Walang idea si Pinay kung saan siya dadalhin ni Lee. Nakapangalumbaba siya habang dumaraan sila sa hilera ng mga tindahan ng bulaklak sa Dangwa.
“Nandito na tayo,” sabi nito.
“Saan tayo?” tanong niya.
Ibinuka ni Lee ang mga kamay. “Pumili ka na ng gusto mong bulaklak.”
“Ito ba ang sorpresa mo sa akin?”
“Dapat sana, sa Corregidor tayo buong maghapon. Pero nakaalis na ang ferry na papunta sa island. Kaya dito na lang tayo. Eh, ang sorpresa mo sa akin...”
Hinawakan ni Pinay ang magkabilang gilid ng palda. “Ito! Na finally nagsuot na rin ako ng damit na pambabae. Kaso, takaw-disgrasya naman. `Di na ako uulit.”
“Ang importante, safe ka. Happy anniversary.”
Pumikit si Pinay nang halikan ni Lee ang noo niya. Kahit hindi natuloy ang romantic date nila sa Corregidor, puwede na niyang pagtiyagaan ang Dangwa.
Ilang oras din silang nagpaikot-ikot pero isang dosenang calla lily lang ang nagustuhan niya.
“Wala ka na bang ibang gusto?” tanong nito.
Umiling siya. “Tapos na ang sorpresa mo sa akin. Ako naman.”
Kailangan niyang bawiin ang lahat ng masasamang nangyari nang araw na iyon. Kailangan niyang bumawi kay Lee.
Tumuloy sila sa Conspiracy Bar. Naghihintay na roon ang mga kaibigan niya. “Happy anniversary!” bati ng mga ito sa kanilang dalawa pagpasok nila sa loob ng naturang bar.
Nakataas ang isang kilay ni Andrya. “Great! Huwag mong sabihin na tititigan mo lang kami? `Looks like we have to perform without a drummer. We are doomed.”
“Puwede naman akong maging drummer ninyo ngayon kahit may date ako, pero sa isang kondisyon...”
“Ano ba ang surprise mo sa akin?” may-kalakasang tanong ni Lee habang nakaupo sa isang mesang malapit sa stage, at matiyagang naghihintay sa pagsisimula ng show.
Ngiti lang ang isinagot ni Pinay at pagkatapos ay umakyat na siya sa stage.
Pumuwesto si Andrya sa microphone. “Good evening! We are Serenity. And this is a special night for our drummer, Pinay. Anniversary nila ng boyfriend niyang si Lee. Lee, dahil nabuo ang banda namin ngayong gabi at ipinahiram mo sa amin si Pinay, this is for you.”
Dumilim ang stage. Pagkatapos ay pumailanlang ang boses niya. “I had no choice but to hear you. You stated your case…” pag-awit niya sa kantang pinasikat ni Alanis Morissette. Nagbulungan ang mga regular customer ng bar. Parang nagulat ang mga ito dahil hindi ang boses ni Andrya ang narinig kundi sa kanya.
Tumutok sa kanya at kay Lee ang spotlight. “You’ve already won me over inspite of me. And don’t be alarmed if I fall head over feet.”
Nagsalubong ang mga mata nila ni Lee. Nang mga oras na iyon, ito lang ang tao sa mundo para sa kanya. The audience, even her bandmates, faded. It was just him and the music. Bumuka ang bibig nito. “I love you.”
She didn’t even have to hear it. She just knew. Iyon din kasi ang nararamdaman niya. Muntik na siyang mawala sa tono. Their anniversary was perfect after all.
“NAIPADALA ko na kanina ang blotter sa company ng manyak na iyon,” nanggigigil na sabi ni Andrya. “Gusto ko nga sanang makita kanina para mahampas ko ng takong ng sapatos ko sa mukha.”
“Thank you,” pasasalamat ni Pinay. “Kung hindi lang ako busy sa research ko, baka matikman uli ng ungas na iyon ang kamao ko.”
Sa Philcoa sila nagkita ni Andrya. Papasok na ito sa UP samantalang siya naman ay pupuntahan si Lee sa bahay ng kaibigan nitong si Hendrick. Na-promote ang huli sa trabaho kaya may kaunting selebrasyon.
Dalawang araw na ang nakararaan mula nang mabulilyaso ang anniversary celebration nila. Kahit nakabawi siya sa pagkadismaya dahil naging masaya naman sila ni Lee sa mga sorpresa nila para sa isa’t isa, hindi pa rin siya matahimik tuwing naiisip ang manyak na si Marc. Hindi siya matahimik.
Kaya naman pinadalhan ni Pinay ng kopya ng police blotter ang pinapasukan ng lalaki. Gusto niyang matiyak na magtatanda ang ungas at malaman ng kompanyang pinapasukan nito kung anong klaseng tao ito. Para naman magsilbing leksiyon sa mga lalaking mapang-abuso at hindi na umulit pa.
“Tama lang ang ginawa mo. Kailangang malaman ng mga lalaking iyan kung ano ang kayang gawin nating mga babae para mabigyan tayo ng hustisya. Kung alam lang ng lahat ng babae ang dapat gawin sa mga ganyang klaseng tao, tingnan ko lang kung gustuhin pang mag-take advantage ng mga kumag na iyan,” sabi ni Andrya. “Alam ba ni Lee ang tungkol dito?”
Nagkibit-balikat si Pinay. “`Di na niya kailangang malaman.”
“Sa palagay ko, dapat ay sabihin mo sa kanya,” sabi nito bago sila maghiwalay.
Inalis ni Pinay sa isip ang payo ni Andrya. Hindi naman na niya kailangang ipaalam pa kay Lee ang ginawa niya. Habang nasa taxi papunta kina Hendrick ay nag-retouch siya. Hindi siya marunong mag-ayos dati. Pero mula nang marinig sa isang barkada ni Lee na wala siya sa kalingkingan ng mga ex-girlfriend nito, natuto siyang magpaganda. Gusto niyang patunayan sa mga ito na maganda rin naman siya at hindi nagkamali si Lee sa pagpili sa kanya.
Naabutan niyang nagkukuwentuhan at parang nagkakantiyawan pa ang barkada ni Lee. Sa mga ganoong pagkakataon, tamang tagapakinig lang ang mga babae sa usapan ng mga ito. Noon ngang unang beses na dinala siya ni Lee roon, parang shocked na shocked ang mga ito nang makarinig ng opinyon mula sa kanya. Na parang ang dapat lang sa mga babae ay manahimik sa isang tabi at hindi magsalita. May nagtanong pa nga kung saan siya napulot ni Lee.
Walang pakialam si Pinay sa opinyon ng mga ito. Ang importante ay mahal siya ni Lee at nagkakaintindihan sila.
Pagkakita sa kanya ng lahat ay biglang tumahimik ang mga ito. Iyon naman ang karaniwang reaksiyon ng mga ito kapag dumarating siya. She knew that they despised her. Pero sa pagkakataong iyon ay iba. May nakita siyang takot at pagkasindak sa mga mata ng mga ito.
“Hello, everyone!” bati niya, saka bahagyang kumaway. Hinalikan niya sa pisngi si Lee at iniabot ang kanyang regalo para kay Hendrick. “Congratulations.”
“T-thank you,” sabi ni Hendrick sa nanginginig na boses. Parang natatakot ito na kausapin siya. “Nag-abala ka pa.”
“Nakatuwaan ko lang bumili,” sabi niya. “Sana, bumagay sa desk mo.”
“Baka bomba iyan, dude,” tatawa-tawang sabi ni Bob, ang pinakaungas na kaibigan ni Lee. Natameme ito nang tingnan niya nang matalim.
Bumawi naman siya at ngumiti nang matamis. “Nakakatawa ang joke mo.”
Dahan-dahang umupo si Bob at hindi na nagtangkang tingnan pa siya.
“Gusto mo bang kumain?” tanong sa kanya ni Hendrick. “Baka may gusto kang kainin na wala rito, magpapabili ako o magpapaluto.”
“Hindi! Okay lang ako.” Himala na bumait ito sa kanya. Mabuti nga iyon. Baka tanggap na siya ng mga ito bilang nobya ni Lee.
The atmosphere was weird. Parang napipilitang tumawa ang mga kaibigan ni Lee sa mga jokes niya. Ni hindi rin kumokontra ang mga ito sa mga opinyon niya. Si Lee naman ay tahimik lang.
“Kumusta iyong ginulpi mo? Buhay pa?” biglang singit na tanong ni Bob.
“Tinuruan ko ng leksiyon para hindi na umulit,” nakangising sabi ni Pinay.
Biglang tumayo si Lee at hinawakan ang kamay niya. “Hendrick, aalis na kami ni Pinay. Maaga pa ang pasok ko bukas.”
“Ha? Aalis na agad tayo? Maaga pa!” Kung kailan naman siya nag-e-enjoy, saka pa nagyaya si Lee.
“Let’s go!” mariing sabi sa kanya ni Lee.
Nagtataka man ay sumunod siya rito. Pinakialaman agad niya ang CD sa kotse ni Lee at isinalang ang CD ni Jason Mraz at saka sinabayan iyon ng pagkanta.
“Pinay, wala ka bang balak sabihin sa akin ang pagpapadala mo ng blotter sa pinapasukan ni Marc Fabio?”
Nagulat siya at nilingon ang lalaki. “Paano mo nalaman?”
“Pinsan siya ng girlfriend ni Hendrick. Baka mawalan daw ng trabaho ang pinsan niya.”
Kaya pala pailalim ang tingin sa kanya ng girlfriend ni Hendrick. “Dapat lang iyon sa kanya. Malamang, `di siya makatingin nang deretso sa mga tao dahil sa kahihiyan.”
“Don’t you think that’s a bit too harsh?”
Gulat na nilingon niya si Lee. “Harsh? Kulang pa nga iyon.”
“No! It’s too much! Paano kung may pamilya ring binubuhay iyong tao? Napahiya na siya noong isang araw. You were short of beating him to death. Hindi pa ba sapat iyon?”

Leigh Armaund Lopez (Stallion island Series 4)
10 Chapters
10
Contents

Save

My Passion
Copyright © 2026 Passion
XOLY LIMITED, 400 S. 4th Street, Suite 500, Las Vegas, NV 89101