
Description
Avon was a police officer and she never gave up no matter how dangerous the mission was. And out of boredom, she bet she could kidnap her crush Rex Lagdameo, one of the members of the Billionaire Boys Club. What she didn’t count on was having her tough heart soften every time he would look at her with those chinky eyes of his ...
Chapter 1
Nov 28, 2025
N AGLAKAD si Avon nang dahan-dahan patungo sa entrance ng malaki at abandonadong warehouse na iyon. Hawak niya sa isang kamay ang ransom money na hinihingi ng mga kidnappers para sa negosyanteng Intsik na hawak ng mga ito.
“Steady, Ramirez,” sabi ng kanyang ground commander sa maliit na earphone na nakapasak sa tainga niya. Mabuti na lang at may-kahabaan ang kanyang buhok kaya natatakpan pa iyon. May maliit ding microphone na nakakabit sa kuwelyo ng suot niyang damit.
“I’m coming in, Sir.”
“Okay, good luck. Kapag naibigay mo na ang ransom at nakuha si Mr. Go, lumabas ka na agad. We’ll take it from there.”
“Sir, I still don’t think this is gonna work.”
“Just stick to the plan, damn it!”
“Yes, Sir.”
Nagpanggap si Avon na sekretarya ni Mr. Go na siyang magdadala ng ransom money gaya ng utos ng mga kidnappers. She wasn’t supposed to be there. Ang orihinal na plano ay ang totoong sekretarya talaga ang magdadala ng pera. Pero dahil may kutob siyang may hindi magandang mangyayari, nagprisinta na siyang pumalit dito. Siya kasi ang nanguna sa surveillance ng mga kidnappers kaya sigurado siyang hindi basta-basta ang mga ito. Base sa mga nakalap na impormasyon, highly trained kidnappers ang mga kumidnap sa negosyanteng Intsik na matagal nang nag-o-operate hindi lang sa Metro Manila kundi pati na rin sa ibang panig ng Luzon at Visayas. Kaunting maling galaw lang, siguradong disgrasya ang aabutin nilang lahat.
“Diyan ka lang!” sigaw ng isang lalaki mula sa nakasarang pinto ng warehouse.
Ilang sandali pa ay tatlong matataas na kalibre ng baril ang nakita ni Avon na tumutok sa kanya. Pero wala siyang naramdamang takot. Sanay na siya sa mga ganoong sitwasyon dahil kasama talaga iyon sa kanyang trabaho bilang alagad ng pulis.
“Pasok dito!” utos uli ng lalaki.
Pagpasok sa loob ng warehouse ay agad in-assess ni Avon ang sitwasyon. Nakaupo sa isang tabi ang nakagapos na biktima. Dalawang lalaki ang nagbabantay rito. Tatlo ang sumalubong sa kanya kanina at may apat pang nakatayo sa tabi ng isang lalaking nakaupo sa mesa di-kalayuan na sa hinala niya ay ang leader ng grupo.
“Kapkapan `yan,” utos nito.
Pansamantalang tila nagparamdaman ang mga tauhan, saka nagmamadaling lumapit sa kanya. Mabilis na gumana ang isip ni Avon. Sigurado kasing momolestiyahin lang siya ng mga tauhan nito. Bukod doon, baka mabuking din ang itinatago niyang baril sa pagitan ng kanyang mga hita.
“Hindi n’yo ho ba muna bibilangin itong pera?” pagpapanggap ni Avon. “Baka ho dinadaya kayo ng pamilya ni Mr. Go.”
“Bokyo!” tawag nito sa pinakaunang tauhan nitong nakalapit sa kanya. “Kunin mo ang attach é case.”
“Boss, kakapkapan ko muna itong si Miss.”
“Oo nga, Boss. Mabuti na ang sigurado.”
Malakas itong nagmura. “Sinusuway n’yo ba ako? Ako ang boss dito, ah.”
Habang nagkakagulo ang mga ito ay narinig ni Avon ang boses ng kanyang ground commander sa tainga niya.
“Ramirez, get Mr. Go and then wait for my signal again.”
Sinulyapan niya ang kinaroroonan ng biktima at palihim itong sinenyasan. Mukhang naunawaan ni Mr. Go kung ano ang binabalak niya dahil tumango lang ito. Kailangang makalabas sila roon agad.
“Excuse me lang po,” singit niya. “Nasa inyo na ang ransom money. Aalis na kami ni Mr. Go.”
Magkasalubong ang mga kilay na binalingan siya ng leader. Hindi niya ito maaaring ipagwalang-bahala dahil mukhang hindi ito tatanga-tanga gaya ng mga tauhan nito. Lumapit ang leader sa kanya at pinagmasdan siya mula ulo hanggang paa. Pero kung ano man ang iniisip ng leader ay hindi na niya inintindi pa dahil kinuha na nito sa kanya ang attach é case at sinenyasan ang Intsik na lumapit. Makakahinga na sana si Avon nang maluwag nang humirit pa ang isa sa mga tauhan nito.
“Boss, hindi ba muna natin siya kakapkapan? Kanina pa ako gigil na gigil sa kanya!”
Pero tumalikod na sila ng biktima patungo sa pinasukan niya kanina. Nang marinig niya ang muling pagtawag ng leader.
“Tayo alis na,” pagmamakaawa ng Intsik sa kanya. “Tayo patayin nila `pag tayo hindi pa alis.”
Takot na takot na si Mr. Go. Tinantiya ni Avon ang sitwasyon. Limang metro na lang ang layo ng pinto. Oras na makalabas sila ay susugod na ang kanyang mga kasamahang pulis at sundalo. Iyon ay kung hindi sila mauunahan ng mga kidnappers.
“Ramirez, do what the kidnappers want,” utos ng superior niya sa earphone. “Hindi sila puwedeng maalarma hangga’t hindi pa kayo tuluyang nakakalabas.”
Pero kung kakapkapan siya, lalo silang mapapahamak. Kaya nagdesisyon na si Avon. Itinulak niya palabas ang Intsik at mabilis na hinugot sa mga hita ang baril. Saglit na nagulat ang mga kidnappers at natamaan na niya sa hita ang dalawa sa mga ito bago nakaganti ng putok sa kanya. Narinig niya sa kanyang tainga ang superior niyang malakas na nag-utos sa ground troops na kumilos na. She covered Mr. Go as they moved out. Pero dahil nataranta na ang Instik ay hindi sila agad nakalabas at kung saan pa ito pumunta. Huli na para mahila niya si Mr. Go pabalik sa pinagtataguan nila. Tinamaan na ito ng bala at ilang saglit lang ay naramdaman na rin niya ang paghapdi ng kanyang balikat.
Tinamaan na rin siya. But she stayed to protect the kidnapping victim.
FOR DAYS, laman ng mga balita sa radyo, telebisyon, at mga diyaryo ang rescue operation na iyon nina Avon. Nagtagumpay kasi silang mabawi ang biktima at nahuli rin ang iba sa mga kidnappers na hindi namatay sa engkuwentro. Pero malayo sa mga papuri ang natanggap niya sa kanyang superior nang pagkatapos niyang makalabas ng ospital ay agad siyang ipinatawag.
“Dapat ay kino-congratulate kita ngayon, Ramirez. I’m sorry but you won’t receive any recognition from our last operation. Tatlo sa mga kasamahan mo ang nasa ospital pa rin hanggang ngayon dahil sa mga natamo nilang tama mula sa mga kidnappers. Pati ang kidnap victim ay nalagay sa alanganin dahil sa pagsuway mo sa utos ng inyong ground commander.”
“I understand, Sir.”
Sumandal ang butihing heneral sa upuan nito habang pinagmamasdan siya. “Isa kang napakagaling na alagad ng batas, Ramirez. Ilang kaso na rin ang naresolba mo nang mag-isa. Ang problema, nahihirapan kang sumunod sa mga nakatataas sa `yo pagdating sa mga misyon. Ilang ground commanders at superior officers mo na ang nagreklamo sa akin tungkol sa ganitong problema nila sa `yo.”
Gusto sanang mangatwiran ni Avon. Na kaya lang naman siya sumusuway sa mga utos ay dahil alam niyang iyon ang makakabuting gawin sa mga partikular na sitwasyon. Wala naman talaga siyang intensiyong suwayin ang mga ito.
They’re just egoistic, dugtong niya sa isip. Hindi nila matanggap na tama ako sa mga nagiging desisyon ko at ang tingin na nila agad doon ay tinatapakan ko ang ranggo nila.
“Are you going to relieve me of my duty, Sir?”
“No. Actually, iniisip ko pa nga na i-promote ka as police major. Kaya lang, sa dami ng reklamo sa `yo ng mga superiors mo, siguro ipagpapaliban ko na muna iyon.” Inilapag nito sa harap niya ang isang folder. “In the meantime, I’m suspending you for a month.”
“Sir?”
“Don’t blame yourself, Ramirez. Gagawin ko lang ito para tumahimik na ang mga nagrereklamong iyon. Use that time to recuperate.” Iminuwestra nito ang naka-sling niyang braso. “I’ll be waiting for your return.”
Mainit ang ulo ni Avon paglabas ng opisina ng heneral. Hindi niya matanggap na sa kauna-unahang pagkakataon ay nabigyan siya ng memo. Anim na taon na siya sa serbisyo. Kung bakit naman kasi may mga superiors pa siyang napaka-egoistic? Ayaw na lang magtrabaho kung magtatrabaho.
“Nakakainis!” Itinapon niya sa passenger seat ng kanyang sasakyan ang folder at padabog na pinaharurot iyon palayo.
“AND THE MMFF b est a ctor goes to…” Nakangiting binuksan ng presentor ang envelope habang tahimik na tahimik ang kabuuan ng bulwagang iyon ng CCP Complex. “Ken Arboleda, Balikan Natin Ang Kahapon !”
Umugong ang malakas na palakpakan at lahat ay napatutok ang atensiyon kay Ken na ngayon ay naglalakad na patungo sa entablado para tanggapin ang tropeo.
“Maraming salamat sa lahat ng sumuporta at naniwala sa kakayahan ko. Mula sa direktor ko, sa mga staff na nag-asikaso at nagpuyat para mas mapaganda pa ang aming pelikula, sa leading lady ko, lalong-lalo na sa mga fans na nanood hindi lang sa aming pelikula kundi pati na rin sa iba pang pelikulang Filpino.” Lalong naghiyawan ang mga fans niyang dumalo sa naturang gabi ng parangal. Itinaas niya ang tropeo. “Para sa inyo ito. Maraming salamat po.”
Kompleto na ang gabi ni Ken pagbaba ng entablado. Sa ikatlong pagkakataon sa loob lang ng limang taon, napatunayan niyang puwede na siyang ihanay sa mga beteranong aktor ng bansa. At sa taong iyon, nakuha na rin niya ang matagal-tagal na ring inaasam. Ang maka-grand-slam best actor.
A great career, a string of women, and a prominent personality in show business. His life was perfect.
“Ken,” untag ng personal assistant niya. “May phone call ka galing sa pinsan mo.”
Saglit siyang lumayo sa mga bumabati sa kanya sa after the show party para sagutin ang tawag.
“Hello, Lantis!” bati niya agad sa nasa kabilang linya. “Nalaman mo na ba?”
“Yes, Rinoa told me.” Ang asawa nito ang tinutukoy. “Congratulations.”
“Thanks, man. So, bakit nga pala napatawag ka? May problema ba?”
“Wala naman. Gusto ko lang ipaalala sa `yo ang meeting natin with Silvanus bukas.”
“We have a meeting?”
“Yes, we have,” malumanay pa rin nitong sabi. “Kung tungkol saan iyon, doon ko na lang din sasabihin. Sige, mag-enjoy ka na muna diyan. Just don’t get too drunk. I want you clean and sober for tomorrow.”
“Paano pa ako makakapag-enjoy nito? Tinambakan mo na ako ng alalahanin. Hey, man. Puwede bang next time na lang ako pumunta sa meeting na iyan? Marami pa akong pupuntahang party para sa akin—”
“Ken, I’ve set this meeting up twice already. Mabuti nga at hindi pa nagrereklamo si Silvanus.”
“Okay, so how about the next day? You can’t expect me to be sober for that meeting tomorrow, can you?”
“Then don’t get yourself drunk. Umuwi ka nang maaga sa bahay mo.”
Natawa lang siya. “Ganyan na ba ang nagagawa ng nag-aasawa, Lantis? Nagiging OA ka na.”
“I know what you’re doing, Ken.” Napabuntong-hininga ito. “At kahit gusto pa rin kitang tulungan, alam mong hindi na puwede. May sarili na akong pamilya at sila na ngayon ang priority ko. And it’s high time you face your responsibilities to your family.”
“Hey, Lantis. Huwag kang magsalita nang ganyan. Baka isipin ng mga makakarinig sa `yo na may inabandona akong mag-ina.”
“Ken.” Seryoso na ang boses nito. “I don’t want any more excuses from you. I want you at the meeting tomorrow. Mag-iingat ka sa pagmamaneho.” Iyon lang at nagpaalam na si Lantis.
Pinatay ni Ken ang cell phone na malalim pa rin ang iniisip. May tumapik sa balikat niya. Si Rex iyon, ang best friend niya.
“Ano’ng ginagawa mo dito? Doon tayo sa loob, maraming chicks at photographers… O, bakit ganyan ang hitsura mo?”
“Ha?”
“Mukha kang problemado. May nabuntis ka?”
“`Lol! Baka ikaw.” Itiniklop niya ang cell phone at isinuksok sa bulsa ng pantalon. “Uuwi na ako. Hindi ako puwedeng maglasing ngayong gabi. Maaga pa ang usapan namin bukas ng pinsan ko.”
“I see.” Kilala ni Rex ang pinsan niya since parehong nasa mundo ng negosyo ang mga ito. “So, kaya ganyan ang hitsura mo ay dahil hindi ka makakaiskor ngayon sa mga chickababes sa party. Malaking problema nga `yan.”
Hindi na lang siya umimik dahil iniisip pa rin niya ang tungkol sa mga sinabi ng pinsan. Muli siyang siniko ni Rex.
“Seryoso mo ngayon, ah. Hindi bagay sa `yo, pare.”
“Walang hindi babagay na emosyon sa akin. I’m the best damn actor in this country, remember?”
“Wala naman akong nakikitang camera dito. Bakit ganyan pa rin ang drama mo?”
Nagkibit lang siya ng mga balikat. “Nothing. Bumalik na lang tayo sa loob. I could stay for a few more minutes and then I’m off.”
Pero sa kabila ng kasiyahang iyon, hindi pa rin nawawala sa isipan ni Ken ang magiging takbo ng usapan bukas. Of course he knew what was coming. And he’d been dreading that day since Lantis told him so. Isasalin na nito sa kanya ang lahat ng negosyong iniwan ng kanyang mga magulang na pansamantala nitong hinawakan nang biglaang mamatay ang mga ito. Hindi niya iyon agad naasikaso dahil kasalukuyan siyang abala sa acting career. At dahil alam naman ni Lantis ang kawalan niya ng gana sa usaping negosyo ay itinalaga na muna nito ang sarili na maging guardian niya pagdating sa pag-aasikaso ng mga negosyo. Kahit pa nga may sarili na rin itong negosyong inaasikaso.
Akala ni Ken ay in-absorb na ng business empire ni Lantis ang mga kompanya ng kanyang pamilya. Okay nga sana kung iyon ang nangyari. At least, hindi na siya mag-aalala pa kung ano ang kahihinatnan ng mga pinaghirapan ng kanyang mga magulang. His cousin knew business more than anyone else. Kaya kung sakaling sinakop na nga ni Lantis ang mga negosyong pinahawakan dito, wala siyang magiging reklamo. The family business that his parents loved would be in good hands.
Pero tinupad nga ni Lantis ang pangako nito sa kanyang mga magulang. Na pagdating ng tamang panahon ay isasalin nito sa kanya ang mga naiwang negosyo ng mga magulang. Hindi nga lang niya inaasahan na ngayon na ang tamang panahon na sinasabi ng pinsan.
Alas-dos na ng madaling-araw nang magpasya si Ken na umuwi na sa kanyang condo unit. Hindi naman na kasi siya makapag-enjoy sa party na ibinigay para sa mga nanalo sa katatapos lang na parangal. Pati ang pagyayaya ng leading lady niya na sa condo na lang nito siya magpalipas ng gabi ay tinanggihan niya. And he must really be troubled because it was too late for him to notice that the car in front of him slowed down. Hindi niya agad natapakan ang preno kaya sumayad ang nguso ng kanyang kotse sa likuran niyon.
What a night.
MAHINANG napamura si Avon nang marinig ang malakas na pagbangga na iyon sa likuran ng kanyang kotse kasunod ang kakaibang ingay na iyon. Masakit pa ang ulo niya matapos makipagtalo kanina sa kanyang superior at wala siya sa mood ngayon na magpatawad agad ng mga may kasalanan sa kanya. Mabuti na lang at wala nang sasakyan pang dumaraan sa kalyeng iyon kaya puwede niya itong komprontahin ora-mismo.
Lumabas ng sasakyan si Avon at agad na dumeretso sa kabilang sasakyan na hindi na ininspeksiyon pa ang sira ng sariling kotse. Kinatok niya ang bintana ng driver’s seat. The window rolled down and revealed a very handsome face with a knotted forehead.
Mukhang pareho lang sila ng modo ng lalaking ito ngayon.
“Lisensiya mo.”
Imbes na sumagot ay bumaba lang ng kotse ang lalaki at ininspeksiyon ang nangyaring aksidente. Pagkatapos ay kinuha nito ang cell phone sa bulsa at may kinausap na kung sino. Insulted, she stepped beside him and snatched his phone. Lalo lang sumama ang timpla nito.
“Excuse me. I’m talking to my lawyer.”
Inilayo ni Avon sa lalaki ang cell phone nang tangkain nitong kunin iyon. “Ako ang kausapin mo dahil ako ang nadisgrasya mo at hindi ang abogado mo.”
“At sino naman ang nagsabing kinakausap ko ang abogado ko dahil nakadisgrasya ako? Ikaw ang nakadisgrasya sa akin. Now, give me back my phone para hindi na bumigat pa ang magiging kaso mo.”
“Ganito na lang. Ibigay mo sa akin ang lisensiya mo at nang hindi na bumigat pa ang kaso mo sa akin.”
Nagpamaywang ang lalaki. Parang hindi makapaniwala sa narinig. He was way taller than her but she would never back down to him. She would never back down to anyone if she knew she was right.
“Kilala mo ba kung sino ang kaharap mong ito ngayon, Miss?”
“Bakit, sino ka ba?” Iritado na si Avon pero kalmado pa rin ang kanyang disposisyon.
“I’m Kenshin Arboleda,” buong pagmamalaki nitong sagot.
She lazily held out her hand. “License, please.”
“You don’t know who I am?”
“No.”
“What? Saang planeta ka ba nanggaling at hindi mo alam kung sino ang pinakasikat na aktor sa bansa ngayon?”
“Don’t care. Don’t care. Lisensiya mo ang kailangan ko.”
“And why would I give it to you? Hindi ko kasalanan kung hindi ka tumitingin sa likuran mo.”
Pinaiinit talaga nito ang ulo niya. “Sumama ka sa akin sa presinto, kung gano’n. Doon ka magpaliwanag.”
“Oh, yeah?” He put his arms across his broad chest and smiled mockingly at her. “Make me.”
Nai-surrender na ni Avon ang kanyang police badge at service pistol kaya wala siyang maisasampal dito ngayon. Pero mabuti na lang at umaayon pa rin sa kanya ang pagkakataon dahil may paparating na patrol car. Huminto iyon sa tapat nila para alamin siguro ang nangyayari. Agad siyang nakilala ng mga ito dahil kagagaling lang niya sa police precinct ng mga ito nang dalawin niya ang dating kaibigan.
“Ano’ng problema, Lieutenant?”
Parang gusto niyang mapaismid nang mapakunot ang noo ng antipatikong lalaki. Tingnan natin ngayon kung makakaporma ka pa.
“Arestuhin `yan,” turo niya sa lalaki.
Agad itong umalma. “Bakit ako ang aarestuhin dito? Ikaw nga itong may kasalanan sa akin. You ruined my car.”
“Ah. Let’s see…” Inisa-isa ni Avon ang mga kasong puwedeng isampa rito. “Resisting an arrest, reckless imprudence resulting to damage to properties and…” Inilapit niya ang mukha sa lalaki at agad nanuot sa kanyang ilong ang pinaghalong amoy ng alak at panlalaking amoy nito. “Drunk driving.”
“I’m not drunk! I just had a little—”
“Any amount of alcohol intake before driving a vehicle is considered prohibited. Sige na, arestuhin na `yan.” Doon lang kumilos ang mga pulis na nagpapalipat-lipat lang ng tingin sa kanila. “You have the right to remain silent. Anything you say can be used against you, blah, blah, blah.”

Ken Arboleda (The Billionaire Boys Club 11)
10 Chapters
10
Contents

Save

My Passion
Copyright © 2026 Passion
XOLY LIMITED, 400 S. 4th Street, Suite 500, Las Vegas, NV 89101