Danilo Cardinal (Cardinal Bastards Series 6) - Chapter #4 - Free To Read

Chapter 4

select arrow

Chapter 4

C ONNOR was in such a good mood. It was his anniversary. Isang taon na rin silang may relasyon ni Nadia at wala na siyang mahihiling pa sa mundo. He was planning on settling down. Higit pa sa sapat ang ipon niya at mas maganda sigurong magsimula na rin ng isang pamilya, na siyang pangarap niya noon pa man. Nasa loob siya ng isang shop, bumibili ng paboritong alak ng girlfriend. Magluluto rin siya ng simple, pero masarap na hapunan. Marami nang alam na recipe si Connor at siguradong matutuwa si Nadia sa hapunang ihahanda niya. A good Italian dinner would not be complete without a bottle of good wine. And cheese, of course.

Tinawag ni Connor ang isang tauhan ng shop para magtanong kung may stock pa ng red wine na paborito ni Nadia at sinabi nitong titingnan lang daw sa loob. Noon nag-ring ang kanyang phone at agad iyong sinagot.

“Pronto.” Business number niya iyon. Ang “business” niya ang mananatiling hindi alam ni Nadia. Ang alam lang nito, consultant siya ng isang American company kaya may mga pagkakataong umaalis-alis siya ng bansa.

“I need my ten grand, you bastard. This is the woman from Sphere.”

Nabigla si Connor. Hindi niya inasahan na ibibigay ni Francine ang kanyang number sa babae. Nagipit na naman siguro si Francine. It had always been like that with her. Kung hindi lang sana niya itinuring na kaibigan, malamang na matagal na niya itong hindi tinanggapan ng trabaho. Francine was a great person. Ang problema sa babae, palaging may problema sa pera.

Sa dami ng komisyong nakukuha nito noon pa man, sana mayamang-mayaman na ang babae kung hindi lang waldas sa pera. Her children were all spoiled brats. Nasa Asya ang mga anak ni Francine, kasama ang asawa. Walang muwang ang mga bata na ang ina ay hindi isang negosyante. Front ni Francine ang jewelry shop nito para sa mas lucrative na negosyo. Her children were all in Thailand, not a lot of people knew that. Three girls aged eighteen to twenty-three, and one guy aged twenty-seven, all believing their mother was a decent business woman. Hindi alam ni Connor kung saan kukuha ng pantustos sa luho ang mga anak ni Francine kapag nawala na ang babae. Soon, those brats would have to face the world on their own. Work had been hard to come by for Francine, unlike before. Mas malaki man ang mga kontrata ngayon, mas madalang naman at mas mahirap. Technology worked to their disadvantage. Palaging kailangan ng mga bagong pag-aaral sa teknolohiya. The old timers retired and would have a hard time coming back, for sure. Sadly, Francine was an old timer with money problems.

“Non so di cosa stai parlando. Numero sbagliato,” sabi ni Connor, itinangging alam niya ang sinasabi ng nasa kabilang linya, na wrong number ito, isang malaking kasinungalingan. Of course he knew. Iniutos sa kanya ni Francine na gawin iyon dahil wala raw itong pambayad sa kanyang komisyon. Ang perang paunang bayad sana sa baguhang magnanakaw, hindi niya ibinigay—perang mula sa komisyon ni Francine sa isang trabahong ipinagawa niya may isang linggo na ang nakararaan bago siya magpunta sa Sphere. Wala na siyang pakialam kung ano ang trabaho ng babaeng baguhan. Problema na iyon ni Francine. Hanggang maaari, ayaw niyang makialam sa mga trabaho ng babae dahil madalas siya nitong ma-scam. It was not out of the ordinary since Francine’s money problems started.

“Ah, davvero? Non ti ricordi dei soldi che mi hai rubato, bastardo? Senti, ho lavorato duro per quie soldi. Mi servono,” the woman said in perfect Italian accent. She just called him a bastard and told him she needed the money and that she worked hard for it.

He was impressed. The young ones were always all talk. Hindi na iyon bago sa kanya sa ganoong industriya kung saan ang mga bagong dating, ipinagmamalaki ang kaalaman sa teknolohiya. He preferred the old-fashioned ones, and he always liked working with them. Sa panahon ngayon, bihira na ang mga baguhang hindi umaasa sa automatic translator para sa written instructions. Lahat shortcut sa mga ito. Mukhang nagkamali siya ng tantiya sa babaeng bagong tauhan ni Francine. He was surprised she even pulled the job. It was an easy job, but still it was not something easy to pull off for an amateur.

“Was that really your first time?” tanong niya.

Noon lumapit ang tindero at sinabing ubos na raw ang stock ng mga ito ng wine, pero tumawag daw sa kaibigan na mayroon ding shop at may available pa raw doon ng alak na hanap niya.

“I want my money,” sabi ng babae sa kabilang linya. Mukhang mainit na ang ulo nito at naiintindihan iyon ni Connor sa isang banda. Siya man ang mawalan ng ganoong pera, lalo na kung sa unang trabaho, malamang na magalit din siya. But fifty grand was nothing, really. Madaling kitain iyon.

“I don’t have it, babe.” Iyon ang totoo. Si Francine ang singilin nito.

“Where are you?”

Tumawa siya. Amateur. Inisip ba nitong ikakanta niya ang kinaroroonan? “Just try and cut your losses, honey. It happens. Good luck.” Tinapos na niya ang tawag kahit narinig ang malutong na “Bastard!” ng babae. Aminado siyang medyo na-curious siya rito, kahit noong una ay nainis. How he disliked arrogant newcomers, those adrenaline junkie amateurs. She seemed like one. He remembered her being petite. Madilim sa bar, pero napansin din ni Connor na may hitsura ang babae na madaling itago. Puwedeng pumasang Amerikana, puwedeng pumasa na taga-South Amerika, at puwede ring pumasang Amerisian. He hoped she would get a better agent next time because he was sure it would not be the first time that Francine would scam her.

Ipinagpatuloy na ni Connor ang pamimili at nang matapos, nagdesisyong mamaya na lang bumili ng wine dahil nagsasara na rin ang enoteca o tindahan ng alak. Most of them were closed from twelve thirty to three thirty, like most shops and even gas stations in Italy.

Umuwi na siya sa bahay na malapit din lang sa enoteca, sakay ng kanyang motorsiklo. Nang makarating doon, inilabas na niya ang karne mula sa freezer. He would make some porchetta, Filipino-style. Mas tama sigurong sabihing lechon belly iyon kaysa porchetta, kahit ang kaibahan lang ay ang timpla at paraan ng pagluluto.

Pasipol-sipol si Connor habang inihahanda ang mga kailangang ingredients. Naalala na naman niya ang babae sa Sphere. Her name was “Alexandra” from what Francine told him, and added, “A girl from New York. Tough as nails. Means business.” Wala siyang ideya kung tagasaan eksakto ang babae at kung ano ang nationality kahit taga-New York pa raw. They were people without real homes, he guessed. Pero siguro nga, baguhan pa ang babaeng iyon kaya malamang na nakatira sa New York at isang native New Yorker. He also lived there and hated it. Nagdesisyon siyang sa Italy na lang muna tumira. Nag-lease siya ng bahay sa Milan.

Wala siyang ideya kung sino siya, kung sino ang totoong mga magulang niya, o kung ano ang kanyang totoong pangalan. Ang unang alaala niya, batang-kalye siya sa Sta. Cruz. Nagnanakaw siya ng pagkain, pera, at lahat ng kayang ibenta para may maipambili ng pagkain. Walong taon siya nang subukang nakawin ang side mirror ng isang sasakyan, pero nahuli siya ng may-ari…

GUTOM na gutom na si Itim. Kagabi pa siya hindi kumakain at hapon na ngayon. Kailangan niyang makakain, kung hindi, baka matukso siyang gumamit ng rugby sa matinding gutom. Ang sabi ng mga bata sa ilalim ng tulay, nakakapatid daw ng gutom ang rugby at mura pa. Mas mahal pa ang monay na hindi naman daw nakakapawi ng gutom kaya mas maganda raw ang rugby.

Ayaw ni Itim na gumamit ng rugby. Hinuhuli ang mga nagra-rugby at nakita rin niya ang masamang epekto niyon sa ibang tao. Tatlong kakilala niyang pulubi ang nasiraan ng bait dahil doon. Sabi rin ni Tatang Rey, ang bulag na tumitipa ng gitara sa tabing-simbahan ng Sta. Cruz, wala raw pupuntahan ang buhay ng isang taong gumagamit ng rugby at kahit na anong droga. Pero nananakit na ang tiyan ni Itim sa gutom. Wala man lang ni isang taong nag-abot ng barya sa kanya kahit kanina pa siya nanlilimos.

Sabi ng ilan, hindi raw kasi siya mukhang kawawa. Nakakatakot daw ang hitsura niya. Itim ang pangalan niya dahil iyon ang bansag sa kanya—itim na itim daw kasi ang kanyang mga mata at buhok at lalong lutang iyon dahil sa maputi niyang balat. Ang sabi ng tindera ng sigarilyo na si Aling Beth, malamang daw na anak siya ng GI, iyon daw Amerikanong sundalo sa Pilipinas. Malamang daw, isang puta ang kanyang ina na nabuntis ng GI. Kaya isa raw siyang GI baby.

Hindi naniniwala si Itim na Amerikano ang kanyang ama dahil hindi naman siya mukhang Amerikano. Mestizo lang siya kaya baka ganoon din ang kanyang mga magulang. Hindi niya alam kung totoong puta ang kanyang ina dahil hindi niya naman ito naabutan. Wala siyang masyadong maalala sa kanyang buhay bago napunta sa Sta. Cruz, kung may nagdala ba sa kanya roon o ano.

Kanina, binalak niyang nakawin ang kable ng kuryente, pero buhay ang kable at tumalsik iyon nang hagisan niya ng patpat. Tumalsik din ang kanyang pag-asa na makakain sa araw na iyon. Ayaw na ayaw sana niyang magnakaw ng side mirror ng sasakyan dahil baka mabugbog siya at marami rin ang puwedeng makakita, pero una ang sikmura bago ang kaligtasan.

Pasimpleng lumapit si Itim sa isang kotse at inalis ang side mirror. Sanay na rin siyang gawin iyon sa ilang buwan niyang “practice” kaya madali na sa kanya ang ginawa. Pasimple siyang naglakad palayo, nakahinga nang maluwag na walang hassle na dumating. Pero bigla siyang umangat sa lupa at napatingin sa isang malaking lalaking nakahawak sa likod ng kanyang T-shirt.

Nagpumiglas siya at binitiwan naman ng lalaki, pero nahawakan din sa braso. Amerikano ang lalaki, asul ang mga mata.

“Hey, Joe,” sabi ni Itim. Iyon ang unang pumasok sa isip niya na sabihin.

Hindi nagsalita ang lalaki, pero dinala siya sa sasakyan at ipinasok doon. Hindi niya mabasa ang nakasulat sa mukha nito. Galit ba ang lalaki? Hindi niya alam.

Nagmamadaling binuksan ni Itim ang pinto, pero hindi niya iyon nagawang mabuksan. Hanggang sa makapasok sa kabila ang lalaki.

“No!” sabi niya. Hindi ito umimik. Sinuntok niya ang pinto. “No! Lalabas ako! No! No!” Hindi siya marunong mag-Ingles at hindi malaman kung paano sasabihin ang gusto.

“Sshh,” tanging sabi ng lalaki.

“Ano’ng plano mo sa akin?” tanong ni Itim kahit alam na hindi siya maiintindihan ng lalaki.

“Ano’ng pangalan mo?” tanong nito.

Nagulat siya, hindi inasahan na marunong itong mag-Tagalog. Sumagot siya, “Itim.”

“Itim?”

Tumango siya. “Kayo po?”

“Richard. Richard Black. Richard Itim.”

Hindi alam ni Itim kung nagsasabi ng totoo ang lakaki. Pero nang manood siya ng basketball sa tindahan noong nakaraan, mayroon doong Norman Black. Siguro, parang ganoon ang pangalan ng lalaking ito. “Saan ninyo ako dadalhin?”

“Bakit ka nagnanakaw?”

“Pambili pong pagkain.”

“Pakakainin kita.”

Hindi pa rin alam ni Itim kung maniniwala. Ang sabi ni Aling Beth, may mga tao raw na mababait at tumutulong sa mahihirap, kaya nga raw may libreng pakain kung minsan. Baka sa ganoon din siya dadalhin ng mamang ito, pero sana bigyan siya ng pamasahe dahil bale-wala lang ang kanyang kakainin kung maglalakad siya pabalik. Ni hindi nga niya alam kung saan sila pupunta. Baka sumabit na lang siya sa mga jeep, makiusap ng libreng sakay. Sana mahanap niya ang Sta. Cruz. Magtatanong na lang siya.

“Ang layo na po nito,” sabi niya mayamaya. Hindi na niya kilala ang kalsada. Malinis na sa dinadaanan nila. Nahiling niyang sana marunong siyang magbasa para sana nababasa niya ang mga karatula sa daan.

Hindi masyadong masalita ang lalaki. Mayamaya, ipinasok nito ang sasakyan sa ilalim ng malaking building. Mula roon, sumakay sila sa isang kuwartong maliit at nang bumukas ang pinto niyon, nasa ibang lugar na sila. Iyon siguro ang tinatawag na “lebetor” na nabanggit sa kanya ng mga kaibigan.

Tumuloy sila sa isang kuwarto. Noon lang nakakita si Itim ng napakagandang kuwarto. Manghang-mangha siya sa nakikita. Nagpunta siya sa bintana at muntik nang mapaatras nang malamang nasa itaas pala sila ng building.

“Wow!” sabi niya.

“Maligo ka muna bago tayo kumain. Nandoon ang banyo at may tuwalya doon. May damit ako na puwede mong isuot.”

Naisip ni Itim na kahit malaki, isusuot niya na rin ang damit. Gusto rin niyang maligo. Matagal na siyang hindi nakakaligo. May isang linggo na rin siguro. Mabaho na siya at naamoy niya ang sarili. Agad siyang pumasok sa banyo at napanganga nang makita kung gaano iyon kaganda.

“Ayos,” sabi niya. May nakita siyang malaking-malaking lababo sa sahig at sa itaas niyon ay may shower at gripo. Maraming mga pihitan at sinubukan niya iyon lahat, pinag-aralan ang mga iyon. Tuwang-tuwa siya dahil may style pala para malamig na tubig ang lumabas at mayroon din para mainit. Kaya niyang sukatin ang lamig ng tubig na lalabas sa mga iyon. Napangiwi siya nang mapansing nagkulay-putik ang malaking lababo kung saan siya nakatuntong. Sige siya sa paghihilod ng katawan gamit ang briefs. Walang limitasyon ang paggamit ng tubig, hindi tulad ng sa bahay na pinapaliguan niya na may bayad pang dalawang piso ang ligo, piso ang ebak.

Mabango rin ang sabon sa banyo, mabula, at hindi masakit sa balat, hindi tulad ng piraso ng bareta na pinaghahatian nilang mga batang Sta. Cruz kapag maliligo na sila.

Nang matapos maligo, nilabhan ni Itim ang damit. Sinamantala na niya ang lahat. Nang malabhan iyon, isinampay niya sa nakitang hanger at saka nagtapi ng tuwalya. Lumabas na siya ng banyo at nakita ang lalaking nakaupo sa sofa.

“Nandiyan ang damit, gamitin mo na.” Itinuro nito ang isang silya kung saan nakapatong ang T-shirt, pantalon, briefs, at pati sapatos. Lahat kasukat niya. Laking pagtataka niya. Paano ito nagkaroon ng ganoon?

“Saan po galing ang mga ito?”

“Namili ako kanina.”

“Habang naliligo po ako?”

Tumawa ang lalaki. “No. Kaninang umaga. Ilang taon ka na?”

“Walo po.” Isinuot na ni Itim ang mga damit.

“Kumain ka na.” Itinuro ng lalaki ang mesa. May pagkain na roon na natatakpan ng bakal na takip. Inangat niya ang isang takip at nanlaki ang mga mata. Mukhang karne iyon na pagkasarap-sarap.

“Puwede pong kainin ito?”

“Lahat `yan, puwede mong kainin.”

“Talaga po?” Nanlaki ang mga mata niya at nagsimula nang kumain. Puro karne ang nandoon, may ice cream din, tinapay, kanin, gulay, isda. Lahat na yata. Pasimple siyang tumingin sa lalaking may kung anong binabasa. Ipinuslit niya sa loob ng bulsa ang ilang pirasong tinapay. Nang matapos kumain, nanakit ang kanyang tiyan. Ganoon talaga ang pakiramdam kapag maraming kinain matapos ang matagal na pagkagutom. Pero walang kaso sa kanya. Mamaya, hindi na masakit ang tiyan niya at may reserba siyang pagkain sa tiyan hanggang bukas. Bukas naman, may tinapay siyang aabot hanggang hapunan. Kapag sinusuwerte ka nga naman.

Tahimik lang na naupo si Itim sa mesa, naghihintay kung ano ang sasabihin ng lalaki. Sana bigyan siya nito ng pera. Tumingin ito sa kanya mayamaya.

“Wala kang magulang?”

“Wala po.”

“Malalaman at malalaman ko kung meron.”

“Wala po talaga. Pero ano pong kinalaman n’on?”

“Wala kang magulang, wala akong anak. Puwede akong maging ama.”

Halos hindi makapaniwala si Itim. “Ako po, gagawin n’yong anak?” Dumaan sa kanyang isip na sabihing hindi siya karapat-dapat, pero naisip niya agad ang pagkakataon. “Gagawin ko po ang lahat para maging mabuting anak.”

Ngumiti ang lalaki. “Good. First, you need a name.”

“Po?”

“Pangalan. Kailangan mo ng pangalan.”

Naintindihan niyang hindi tamang “Itim” ang kanyang maging pangalan. Hindi iyon totoong pangalan. Kung magiging anak siya ng isang tulad nito, kailangan niya ng mas magandang pangalan.

“Ano po ba ang maganda?”

A-
A+

Georgia

Arial

Cabin

T

T

T

en

English

en

Chapter auto-unlock

settings