Rex Lagdameo (The Billionaire Boys Club 10) - Chapter #1 - Free To Read

Chapter 1

select arrow

Chapter 1

N AABUTAN ni Faye na nagkukuwentuhan ang kanyang ama at kuya habang nagtatanghalian. Tinakbo niya ang ama at pinaulanan ito ng halik sa ulo. “Dad! Nanalo kami against Japan sa finals ng Soccer Tournament sa Japan! Nanalo kami!”

“Congratulations then, hija. Kung gano’n ay puwede mo nang ikonsider ang suhestiyon kong mag-asawa na?”

Saglit siyang natigilan, pagkatapos ay muling sumigaw. “Dad! Natalo kami against Japan sa finals ng Soccer—”

“Faye.”

Nakasimangot niyang ibinagsak sa sahig ang bitbit pang sports bag, saka naupo sa bakanteng silya. Agad naman siyang ipinaghain ng kanilang katulong ng pagkain.

“Ako na naman ang nakita ninyo. Bakit hindi si Kuya Luke ang ibuyo ninyong mag-asawa? Mas gurang `yan kaysa sa akin.”

“Kasi lalaki ako,” sagot ng kuya niya.

“So?”

“So, little sister, ang ibig sabihin, kahit eighty na ako mag-asawa, may papatol pa rin sa akin. Ang mga babae, hanggang beinte lang ang marrying age. Hindi ba’t treinta ka na?”

“Ang kapal mo, Kuya. Edad mo `yan, `no? Twenty-six pa lang ako.”

“Ah, see? Anim na taon ka nang atrasado sa pag-aasawa. Kung magkakaanak ka sa edad mong iyan, siguradong menopause baby na iyon.”

“Daddy, o,” sumbong niya sa ama. “Nang-aasar na naman si Kuya.”

“Your brother’s right.”

“Dad!”

“I’m always right,” Luke said smugly. “Kaya mag-asawa ka na at nang mawalan na kami ng sakit ng ulo ni Daddy.”

Napasimangot na lang si Faye. Lagi na lang ganito ang sitwasyon nila tuwing nagkakasama sa bahay— siya at ang asar-talo niyang love life ang laging topic of discussion.

“So, you better get things moving now, young lady,” wika ng kanyang ama. “Gusto ko nang magkaapo.”

“Marami na kayong apo, Dad.” Makahulugang tingin ang ipinukol niya sa kapatid. “Hindi n’yo lang alam. Hindi ba, Kuya?”

“Oo.”

“May diperensiya sa pag-iisip ang kuya mo. Kaya ang gusto ko ay apo galing sa iyo, Faye.”

“Dad,” nakangising wika ng kuya niya. “I know you love me somehow.”

“Luke, let’s just talk about your sister.”

“Okay. So, sis, ilang baboy ba ang gusto mong ihanda natin sa kasal mo?”

Kapamilya ba talaga niya ang mga ito? Sinunod-sunod ni Faye ang pagsubo ng pagkain. Na-miss niya nang husto ang pagkaing Pinoy. Sa Japan kasi ay halos puro sushi na lang ang nilalantakan nila. Pakiramdam nga niya ay naging isang dakilang cannibal na siya roon.

And speaking of cannibalism, may kokondena kaya sa kanya kung ipalapa niya sa mga kasamahan sa soccer team ang dalawang ito? Wala siguro. Maiintindihan ng mga tao ang pinagdaraanan niyang konsumisyon kaya siguradong maa-acquit siya sakaling may mag-akusa sa kanya.

Gayunman, kung maglalaho na ang mga ito sa landas niya, wala na siyang tagaaliw. Boring na ang buhay niya kaya pagtitiyagaan na lang muna niya ang dalawa kahit malapit nang mamuti ang buhok niya sa sobrang konsumisyon. Isa pa, pinapayagan naman siya ng kanyang ama na maglaro sa soccer team ng bansa. Ang kuya naman niya ay pinapayagan din siyang um-absent nang matagal sa trabaho niya sa kanilang kompanya. Kaya patatawarin na muna siguro niya ang dalawa.

Hay naku. Pahabain pa po sana Ninyo ang pasensiya ko, Baby Jesus.

“Hindi na ako mag-aasawa,” deklara ni Faye. Napansin niyang napatitig sa kanya ang mga ito. “You heard me.”

“Huwag mong sabihing nagluluksa ka pa rin sa naunsiyami mong pag-ibig kay Ran Fontanilla?”

“Si Ran lang talaga ang gusto ko, Kuya.”

“He’s already married, hija.”

“Kung gano’n, huwag na kayong umasang mag-aasawa pa ako, Dad.”

“I’m having a heart attack.”

Hindi iyon totoo. Noong nakaraang buwan kasi ay nabuking niya ang pagpa-practice ng ama at ng kuya niya kung paano umarte na inaatake sa puso. May palagay siyang pang-blackmail iyon sa kanya para mag-asawa na.

Tiningnan ni Faye ang dalawang pinakamamahal na tao sa mundo at napailing na lang siya. Pamilya nga siguro sila ng mga may tililing sa utak. “Para kayong mga tanga diyan,” sambit na lang niya. “Alam ko na ang drama n’yo, `no? At hindi pa rin ako magbabago ng desisyon.”

Agad namang umayos ang mga ito na parang walang kahit na anong nangyari. Sabi na nga ba .

“But why, hija? Hindi lang si Ran Fontanilla ang lalaki sa mundo. You can still find someone else.”

“Siya nga lang ang gusto ko, Dad.”

“Hey, guess what, sis? Habang wala ka at nagliliwaliw sa daigdig ng F4, naglabas uli ang Philippine Stats ng mga bagong miyembro ng pinakamamahal mong Billionaire Boys Club.”

“Nasa Japan ako, Kuya. Hindi Taiwan.”

“Whatever.” Inutusan nito ang isa sa mga katulong at ilang sandali pa ay nasa harap na niya ang tinutukoy nitong magazine. Totoo nga ang sinabi ng kapatid. Naroon sa front page ng naturang babasahin ang pamilyar na logo ng BBC at ang larawan ng mga bagong recruit ng grupo. “Silvanus Arellano, Vash Illustre, Kenshin Arboleda, Vincent Noblejas, Rath and Rextor Lagdameo, and Luke Andrew Salcedo.”

“Nag-iilusyon ka na naman, Kuya.” Nagkibit lang ito ng mga balikat. “Ano naman ang balak ninyong gawin ko sa mga `yan?”

“Pick one billionaire boy,” sagot ng kanyang ama. “Marry him, give me a grandson, and let’s all move on with our lives.”

“I didn’t see any Randolf Fontanilla in there.”

“Oh, geez, sis! Forget about Ran. Wala ka nang mapapala do’n. May asawa na `yon.” Kinuha nito ang magazine at binuklat sa isang partikular na pahina, saka muling iniharap sa kanya. “Tutal naman abnormal ka dahil adik ka sa mga suplado at masusungit, hayan sina Vincent Noblejas at Rath Lagdameo. It says there in the article na sila ang pinakamahirap i-approach sa mga bagong miyembro ng BBC. Mamili ka ng isa at sambahin mo ang kasungitan niya hanggang gusto mo.”

“Ipagpapatayo ko pa siya ng grotto para sa `yo basta mag-asawa ka lang.”

“You two, are sick.”

“Not sick, baby,” nakangiting wika ng kanyang ama. Napakabait ng boses at hitsura nito. Walang sino man ang mag-aakalang mas malala ang kahibangan nito kaysa sa mga anak. “Just desperate.”

“Ingat ka nga lang, sis. Rex and Rath Lagdameo are twins. Baka imbes na ang women hater ang makuha mo, `yong lover of women ang madale mo.”

“Puwede na iyon kahit sino sa dalawa,” singit ng kanilang ama. “Hindi naman ako mapili. Basta guwapo, mabait, at nanggaling sa mabuting pamilya.”

“Actually, kahit sino dito sa anim, ano, Dad? Basta maidispatsa lang natin itong si Faye, puwede na. I can’t wait to have this house all to myself.”

“Walang problema. Doon ako kina Faye titira since ako ang mag-aalaga sa mga apo ko. Kaya dapat lang na asikasuhin mo na ang pag-aasawa nitong kapatid mo.”

“All right!”

“Lord, why?” reklamo niya sa Diyos. “Why!”

PABALIK na si Faye sa kanilang bahay galing sa victory party ng kanilang team sa pagkapanalo ng soccer team nila sa Japan nang masiraan siya ng sasakyan. Ngayon lang nag-celebrate ang team nila dahil ngayon lang nakapag-settle down ang lahat ng kanilang miyembro matapos ang nakakabiglang pagkapanalo nila sa naturang sport.

Ipinarada ni Faye ang kotse sa gilid ng kalsada, saka ininspeksiyon ang naging sira niyon. She had a flat tire. Kaya sana niyang palitan iyon ng gulong. Ang kaso, wala siyang spare tire na dala. Ang laman kasi ng compartment ng kotse niya ay puro mga spare clothes at kung ano-ano pang personal na gamit. Nakasanayan na kasi niyang magtambak ng mga gamit doon para kapag may practice ng soccer ay hindi na siya mamomroblema sa mga kakailanganin.

Isa pa, hindi naman kasi niya inaasahan na sa alanganing lugar pang iyon at sa ganoong oras siya aabutan ng malas. Kinuha niya ang cell phone at tinawagan ang kanyang kuya.

“Faye, alam mo ba kung anong oras na?”

“Two in the morning. Nasiraan ako, Kuya. Pasundo naman dito.”

Narinig pa niya itong naghikab sa kabilang linya. “Nasaan ka ba?”

Nilingon muna ni Faye ang may-kadilimang paligid, saka sinabi kung saan siya naroroon. “Bilisan mo lang, Kuya. Baka ma-rape ako dito.”

“Shut up, Faye Valentine.” Tumawa lang siya sa naging reaksiyon ng kapatid. “Huwag kang magsalita nang ganyan at hindi ako natatawa. Hindi ligtas na lugar iyang kinaroroonan mo kaya mag-ingat ka nang husto diyan.”

“Kuya, naman. Ang OA mo, ha?”

“Faye—”

“Oo na po. Imbes na sermunan mo ako, bilisan mo na lang ang pagpunta dito. Teka, tulog na ba si Daddy?”

“Kanina pa. Stay inside your car and pretend you’re dead.”

“What for?”

“Just do it.”

Ngingiti-ngiting pinatay ni Faye ang cell phone. Minsan talaga ay may-pagka-OA na ang pagiging protective ng tatay at kuya niya. Pero nalaman niya ang kahalagahan ng mga sinabi ng kapatid nang makitang may tatlong lalaking palapit sa kanya. Sa hitsura pa lang ng mga ito, halatang hindi na gagawa ng mabuti. Agad siyang kinabahan. Ayaw niyang manghusga base lang sa panlabas na anyo ng mga tao. Pero ayaw rin naman niyang suwayin ang idinidikta ng kanyang intuition. And her intuition told her she was in danger. Gusto niyang pumasok sa loob ng kotse pero mukhang mas magiging dehado ang lagay niya. Hindi kasi siya makakatakas agad kung sakali.

“Hi, Miss Byutipul . Mag-isa ka lang?”

“Marami akong kasamang pulis,” sabi ni Faye. She had to keep them talking to distract them until she could find a way to escape. “May operation lang sila diyan sa loob ng squatter’s area.”

Nagtawanan lang ang mga lalaki at patuloy na dahan-dahang lumapit sa kanya.

“Bakit naman sila magkakaroon ng operation dito? Mababait ang mga tao dito. `Di ba, mga pare?”

“Oo nga, Miss. Mababait kami.” Malakas itong suminghot. “Walang addict dito.”

“Yeah, right,” bulong niya.

“Delikado dito kung mag-isa ka lang,” wika ng pangatlo. Malaswa na ang pagkakangisi sa kanya. “Ang mabuti pa, sumama ka na lang sa amin. Meron kaming alam na mas ligtas na lugar. Masaya do’n.”

Napakunot lang ang noo ni Faye. Ano ba ang palagay sa kanya ng mga kumag na ito? Batang paslit? Kunsabagay, kahit batang paslit ay hindi maniniwala sa mga kulugong ito. “Salamat na lang. Hihintayin ko na lang dito ang mga kasama ko.”

“Sumama ka na sa amin sabi!”

Sinunggaban siya ng mga lalaki. Pero dahil banat sa ehersisyo ay mabilis siyang nakalayo. Nakatakbo na sana siya nang mahawakan ng isa sa braso. Nagpumiglas siya pero mas malakas ito. Doon tila naglaho ang tapang niya at sa unang pagkakataon ay nakaramdam siya ng sobrang takot.

“Bitiwan n’yo ako!”

Faye bit and scratched. Kicked and punched. Makikipagpatayan talaga siya. Hanggang sa makakita siya ng pagkakataon na masipa sa maselang bahagi ng katawan ang isa sa mga lalaki. Dahil sanay sa sipaan, umaringking sa sakit ang isa. Nakawala ang isa niyang kamay na nagamit niya para malakas na sikuhin naman ang isa pa. Nang makabuwelta ay binigyan naman niya ng matinding uppercut ang panghuli. Saka siya mabilis na tumakbo. Pero agad ding nakabawi ang dalawang lalaki na ngayon ay galit na galit nang humahabol sa kanya.

Sa pagkakataong iyon, sigurado si Faye na hinding-hindi na makakawala pa sa mga ito. Sa kakatakbo ay hindi na niya namalayang nakarating na pala siya sa isang dead-end road. Doon na siya nakaramdam ng matinding takot. Out of desperation, she prepared to scream for help. Nang biglang may lumitaw na isa pang kotse mula sa kung saan at humarang sa daraanan ng mga sumusunod sa kanya. Inihit pa siya ng ubo sa alikabok na hatid ng biglaang pagpreno ng sasakyan. Mula sa driver’s seat ay nakita niyang lumabas ang isang matangkad na lalaki at tinutukan ng baril ang mga humahabol sa kanya.

“Alis,” maawtoridad nitong utos. Then the guy motioned them to move out with his gun.

Nagkukumahog namang nag-alisan ang tatlong lalaki. Nang masigurong hindi na delikado ang sitwasyon nila ay saka lang siya binalingan ng lalaki. Isinukbit nito ang baril sa baywang, saka siya nilapitan.

“Okay ka lang?”

Faye blinked. She couldn’t believe this. Parang eksena sa isang action movie ang nangyari sa kanila.

“Let’s go.”

Nang hawakan siya ng lalaki sa braso, pakiramdam niya ay wala nang ano mang panganib na darating sa kanya. She had never felt this safe before, not in the arms of a man she barely knew.

“Kotse mo ba `yon?” Tumango lang siya habang patuloy itong tinititigan. “If it’s okay with you, I’ll take you home. Tatawag na lang ako ng towing service para kunin ang kotse mo.”

Muling tumango si Faye. Kahit siguro saan siya dalhin ng lalaki ay hindi siya magrereklamo. Naniniwala siya noon na hindi por que maganda o guwapo ang isang tao ay mabait na ito. Kabaligtaran pa nga ang nangyayari minsan. Pero ngayon, habang tinititigan ang lalaking sumagip sa kanya ay napatunayan niyang puwede ring magsama ang kabutihan at kaguwapuhan sa iisang tao. O ang kasamaan sa mga pangit gaya na lang ng mga walanghiyang humabol sa kanya kanina.

Isa pang kotse ang dumating.

“Faye!” p atakbong lumapit sa kanila ang kuya niya. “Are you okay? Are you hurt? Who the hell is this guy?”

Pinalo niya sa dibdib ang nakatatandang kapatid. “He saved me.”

“Talaga?” Pinasadahan ito ng tingin ng kuya niya mula ulo hanggang paa, saka kinamayan. “Salamat, pare.”

“Walang ano man.” Pagkatapos ay binalingan siya ng lalaki. Even with that seriousness in his face, he still looked like an angel in disguise. “You’re safe now. Pero mag-iingat ka na sa susunod.”

“O-oo. Ano nga pala ang pangalan mo?” tanong niya.

“Rath.” And then he went back to his car and took off.

“KAILAN ka pa dumating?” tanong ni Rex sa kakambal nang maupo ito sa kabilang panig ng dining table.

“Kahapon pa Rath. At mas maaga rin sana akong makakarating dito sa bahay kung hindi lang ako muntik nang i-hostage ng mga babaeng nagkagulo sa airport pagbaba ko ng eroplano.”

“Ow?”

“Don’t play innocent with me, Rex.”

“What?”

“Alam kong ikaw ang tinutukoy nilang boyfriend nila nang dumugin nila ako kahapon.” Bahagya pa nitong pinunasan ng kamay ang pisngi na parang may gustong alising dumi roon na hindi pa natanggal ng ilang daang beses na paliligo. “God, that was embarrassing!”

Napapangisi na lang si Rex habang pinagmamasdan ang pagiging uneasy ni Rath. Masamang tingin ang ipinukol nito sa kanya na binale-wala lang din niya gaya ng dati nang ginagawa.

“O, ayaw mo ba n’on? Mabuti nga at may mga lumalapit na sa `yo ngayon.”

“Ayoko nang mangyayari uli iyon, Rex. Hindi ako natutuwa. Dahil kung hindi lang talaga kita napapakinabangan sa pagpapatakbo ng kompanya natin, ginulpi na kita.”

Tuluyan na siyang natawa. “Rath, we’re twins. Natural na pagkamalan ka ng mga girlfriend ko na ako dahil magkamukha tayo.”

“Let me guess, you didn’t tell them you had a twin.”

“I did. They just didn’t care to listen.” Ano kaya ang magiging reaksiyon ni Rath kapag nalamang nagpapanggap din siya minsan bilang ito para makawala sa mga babaeng naghahabol sa kanya? He laughed again and focused his attention on the newspaper. “Besides, what’s wrong with being me once in a while? Mas sikat ako kaysa sa `yo kahit pareho tayong nasa Billionaire Boys Club. Kaya mas dapat ngang matuwa ka na mapagkamalang si Rextor Lagdameo.”

“Iyon na nga ang problema. I don’t want to be you. I don’t need to be Rextor Lagdameo. So stop messing around, Rex. Especially that concerns my privacy.”

“I’m not messing up your privacy. Kasalanan ko ba kung nahahati ang mga fans ko sa ating dalawa?”

“Then do something about it.”

“What’s the use? Lagi ka namang wala dito sa Pilipinas dahil mas pinahahalagahan mo ang software business natin sa California. So, chill out, bro. I-enjoy mo na lang ang atensiyon ng mga fans ko.”

His brother gave him a cold stare that he knew would give his men enough reason to run away and hide.

Nakangiti lang na itinaas ni Rex ang tasa ng kape sa direksiyon nito. He was probably the only person in the world who could look at his brother without feeling any threat. Masyado kasing seryoso si Rath sa lahat ng bagay kaya madalas itong pinangingilagan ng mga tao sa paligid. Iyon ang dahilan kung bakit ibinabahagi niya rito ang mga kababaihang nahuhumaling sa kanyang kaguwapuhan. Para naman hindi lang siya ang nagsasaya at nag-e-enjoy sa buhay. After all, they were brothers. Even twins. Pero mukhang malalim talaga ang sugat na iniwan ng huling babaeng minahal nito.

“For the last time, Rex. I don’t want your women near me.”

“Okay.”

“I mean it.”

“I said okay.” Ibinaba na niya ang hawak na tasa at hinarap si Rath. “Siyanga pala, bakit bigla mo yata akong dinalaw dito sa Pilipinas?”

“Hindi ikaw ang ipinunta ko dito.”

“Kaya mahal na mahal kita, Rath. Hindi ka kasi marunong magsinungaling.”

Ngiting aso lang ang isinukli nito. “May nakausap akong tao nang minsang nag-iikot ako sa Sillicon Valley. He wanted to do business with me but he had to go back to Manila as soon as possible. Sumunod ako dito para i-finalize ang napag-usapan namin.”

“Bakit kailangang habulin mo ang isang iyon? We’re billionaires now, bro. Tayo na dapat ang hinahabol.”

“We’re not billionaires, bro,” panggagaya ni Rath sa tono ng pagmamalaki sa boses niya. “Gawa-gawa lang ang Billionaire Boys Club. Hindi ko ipagpapalit ang negosyo ko sa kapirasong article lang na iyon. At hindi rin ako makakapayag na bale-walain mo ang negosyong pinaghirapan nina Mama—”

“Hey, hey, cut it out. We’re having breakfast, not powerhouse meeting. So, relax, okay? Baka hindi na ako matunawan niyan. And by the way, bakit hindi mo na lang itinawag sa akin ang tungkol sa hinahabol mong businessman dito at nang ako na lang ang nagtuloy ng kung ano mang napag-usapan ninyo?”

“Salamat na lang. But you know I finish my own work, Rex.”

Kunsabagay. Ang gawain lang naman kasi niya ay humarap sa mga kliyente nila kapag ipe-present na ang final business proposal. Usually, his brother did the dirty works, so to speak. Rath was the mind behind their business empire. On the other hand, he was the face of their company. Siya ang nakikiharap sa mga kliyente kapag may mga dinadaluhang okasyon at kung ano-ano pang functions, conferences, at meetings.

“Anyway, bukas tapos na ang trabaho ko dito,” patuloy nito. “So, siguro by next day, I’ll be flying back to the US.”

“Bago ka umalis, pumunta ka muna sa birthday ni Ken.”

“Ikaw na lang. Trabaho mo namang makihalubilo in behalf of our company.”

“Ken wants to talk to you about some business mergings. Gawain mo iyon kaya ikaw ang humarap sa kanya.”

“Business mergings? Since when did business come into his head?”

“Since his cousin Lantis married.”

“Lantis Nakago of Nakago Groups?”

“Sabi na nga ba at magkakainteres ka. Yes, bro, si Ken na ngayon ang bagong namamahala ng isa sa pinakamalaking negosyo ni Lantis, ang AGI.”

“Hindi ko alam na may amor din pala ang mga artista sa negosyo.”

“Ken doesn’t. Wala lang siyang magawa dahil it’s either he takes over or Silvanus Arellano will dissolve AGI.”

“Sounds fair enough.” Saglit itong nag-isip. “You’re friends with Ken, Rex. Sa tingin mo okay lang na makipag-deal tayo sa kanya?”

Hindi mapanghusgang tao ang kapatid niya. Pero masyado itong paranoid pagdating sa negosyo ng kanilang pamilya. “Kahit pumalpak ang pag-uusapang deal, hindi rin naman maaapektuhan ang Sephiro. Isa nang empire ang negosyo natin para maapektuhan ng isang dispalinghadong business deal. Pero wala kang dapat ipag-alala kay Ken. Hindi lang niya alam, but he’s one hell of a businessman as well. Alam ko iyon dahil kapag nag-uusap kami ay hindi lang babae ang napag-uusapan namin. And as you said, he’s my friend. At alam mo naman na hindi ako nakikipagkaibigan sa mga taong mahihina ang personalidad. Masama `yon sa negosyo.”

Rath contemplated on his words as he devoured the food on his plate. Pero kahit hindi ito magsalita ay alam na niyang payag na itong makipag-deal kay Ken. Dahil kung wala mang tiwala ang kapatid sa ibang tao, buong-buo naman ang tiwala nito sa kanya. Ang hindi lang niya ma-take ay ang pagkahilig ni Rath sa pagkain.

“Geez, Rath. Could you slow down on your food?” Ni hindi siya nito pinansin at ipinagpatuloy na lang ang paglantak sa pagkain. Dinalawang kagat lang nito ang hotdog sa plato. “Maraming inimbitahang babaeng si Ken sa birthday niya. Pick one and move on with your life. Matagal nang wala si Mary Alice and it’s not even your fault. Kaya tigilan mo na `yang parusa mo sa sarili mo.”

“Don’t lecture me when I’m eating.” Isinalaksak naman nito ngayon ang malaking hiwa ng hamon sa bibig nang buo.

“Hindi kita kapatid,” napapailing na lang na sabi ni Rex, saka ipinagpatuloy ang pagbabasa ng diyaryo.

A-
A+

Georgia

Arial

Cabin

T

T

T

en

English

en

Chapter auto-unlock

settings