Lesbi In Love - Chapter #1 - Free To Read

Chapter 1

select arrow

Chapter 1

CHAPTER ONE

H INDI ko talaga maintindihan ang iniisip ng mga babae . Bakit handa silang maging miserable para lang sa mga lalaking minamahal nila? Bakit nagagawa nilang magpakamatay kapag iniiwan sila ng mga walang kuwentang lalaking sinisinta nila?

Ano ba ang magandang naidudulot ng mga lalaki sa buhay ng mga babae? Bukod sa dagdag stress, sakit sa ulo, pasakit at salot sa mundo. Bakit handa silang wasakin ang pagkatao nila para sa mga ito?

Hindi naman sa galit ako sa populasyon ng mga lalaki. Hindi naman ako galit. Kundi galit na galit na galit lang sa mga tulad nila. Iyon lang ang nararamdaman ko para sa mga walang kuwentang tulad nila.

Galit na galit ako sa mga lalaki at wala akong pakialam kahit maubos silang lahat sa mundong ito. Sana nga puro babae na lang ang matira sa mundo para hayayay ang buhay ko. Puro chix ang makikita ko sa daanan. Kapag naging ganoon siguro, ang dami kong girlfriend.

Ay, joke lang. Faithful nga pala itong puso ko. Isa lang ang minamahal nito mula high school ako. Don’t get me wrong, hindi ako naging ganito dahil minsan na akong nabigo sa pag-ibig. Wala akong naging boyfriend. Never akong magkakaroon at wala akong plano. Nakakadiri lang. Nakakasuka. Nakakataas ng balahibo at nakakasuka lang talaga.

Actually, worst pa ang napagdaanan ko kaysa doon. Pero huwag na nating pag-usapan, matagal na naman iyong nangyari. Besides, ang mga alaalang ganoon ay wala namang kuwenta. Parang mga lalaki lang sa mundong ito, mga walang kuwenta.

Kaya malaki ang pasasalamat ko sa Diyos na ipinanganak akong tomboy.

Oo, tomboy ako. May problema ka ba roon?

Paano ako naging tomboy? Simple lang. Na-bore ako isang araw kaya naisip ko na mag-tomboy na lang. Ganoon kasimple. Ibang klase ba ako ma-bore?

`Di, biro lang. Basta, nagising na lang ako isang araw na mas nakakaramdam na ako ng attraction sa kapwa ko babae at tanging pandidiri naman sa mga lalaki. Mas gusto ko ring magsuot ng mga panlalaking damit kaysa sa mga kikay outfit. Pakiramdam ko nga, kapag naaalala kong nagsusuot ako ng mga pambabaeng damit noon, nagiging bading ako. Mabuti na lang at nagising na ako sa kahibangan ko kaya itinigil ko na.

Nakakatakot lang na maging bading ako sa guwapo kong ito. Maraming chix na iiyak kapag nangyari iyon. Ako pa naman iyong tipo ng tomboy na ayaw na ayaw nakakakita ng babaeng umiiyak. Ang mga babae, hindi dapat niloloko at pinapaiyak. Dapat sa kanila, minamahal nang lubos at itinatrato na parang prinsesa. Kaya kapag ako na si MJ ang minahal mo? Mahihiya ang orasan mo sa oras na ibibigay ko sa iyo. Ganoon ako kabangis magmahal!

Hindi man ako kasingguwapo ng tatay mo, o kasing-macho ng kuya mo, malay mo, ako pala ang kabit at boyfriend ng nanay mo na ex-boyfriend ng ate mo.

MJ nga pala, ang that’s my tomboy ng lugar namin.

“MARY Jovelyn! Gising ka na ba?”

Panira naman itong si Kuya. `Lakas makasigaw ng buong pangalan.

Napatigil ako sa pag-aayos sa mahaba kong buhok nang marinig kong sumigaw si Kuya John—ang panganay sa kambal kong mga kuya. Mas paborito ko siya kaysa kay Kuya Joseph.

Si Kuya Joseph kasi, palagi akong binubuwisit. Palaging pinapasakit ang ulo ko. Loko-loko kasi iyon. Hindi marunong magseryoso sa isang bagay. Hindi tulad ni Kuya John na nasa tamang edad kung umasta at mag-isip. Si Kuya Joseph, hindi ganoon. Sa aming magkakapatid, siya ang abnormal. Twenty-eight years old na pero ang utak, pansampung taong gulang. Pero kahit ganoon, mahal na mahal ko silang dalawa. Silang dalawa na lang kasi ang natitira sa akin. Wala na kaming mga magulang. Pero ayos lang. Masaya naman ako sa piling nila.

Kahit galit ako sa mga lalaki, hindi kasama sina Kuya John at Kuya Joseph roon. Sa bawat rules naman ay may exception, hindi ba? Sila ang exception ko.

Pero mas masaya ako kung magiging kami ni Donna ko.

“Gising na ako, Kuya!” sigaw ko pabalik. “Nag-aayos na lang!”

“Okay, sige! Bilisan mo. Sabay na tayong pumasok!”

Hindi na ako sumagot sa sinabi ni Kuya John dahil busy ako sa pag-aayos ng buhok ko. Tuwing umaga, ang mahaba kong buhok ang problema ko. Hindi ko alam kung paano ko itatali na babagay sa guwapo kong mukha. Kung hindi lang dahil bilang memento kay Mama, matagal ko na itong pinagupitan. Kaso nakakapanghinayang din. Saka sabi ni Donna, ang ganda ng buhok ko. Kaya para din sa kanya, hindi ko ito pinapagupitan.

“Mary Jovelyn?”

Napaikot ako ng mga mata nang marinig kong sumigaw si Kuya Joseph. Jusme , ang aga-aga mambubuwisit na naman siya.

“Ano?”

“Bilisan mo na diyan! Kahit anong ayos ang gawin mo, hinding-hindi ka magiging lalaki, okay? `Balik-loob ka na lang sa pagiging babae, bunso. Please?”

Pagkatapos niyon, narinig ko siyang tumawa nang tumawa. Kung hindi pa siya sinaway ni Kuya John, hindi siya titigil.

`Kita ninyo na ang ugali ni Kuya Joseph? Abnormal, hindi ba? Kaya nga nagtataka ako kung paano siya napagtitiisan ng girlfriend niya, eh. Kawawa naman si Ate Rayne kay Kuya Joseph, ilang taon nang may abnormal na boyfriend.

Nairita na ako sa buhok ko kaya ipinonytail ko na lang. Sa school ko na lang ito aayusin mamaya. Dinampot ko na lang ang backpack kong itim at baseball cap, pagkatapos lumabas na ng kuwarto. Pagpunta ko sa kusina, nadatnan ko si Kuya John na nakaupo at nagbabasa ng diyaryo. Si Kuya Joseph naman, nagsisimula nang kumain. Hindi talaga marunong maghintay ang isang ito.

“Good morning, mga kuya kong guwapo,” bati ko sa kanila. “Pero mas guwapo ako sa inyo.” Nagpogi sign pa ako dahil ramdam kong mas guwapo ako kapag ginawa ko iyon.

Seryosong napatingin si Kuya John sa akin. “Anong porma `yan, bunso?”

“Aba, lalaking-lalaki, ah!” kantiyaw naman ni Kuya Joseph. Inirapan ko nga siya.

“Bakit? Ano’ng masama sa porma ko?” nagtataka kong tanong.

Ano ba’ng masama sa porma ko? Wash day ngayon sa school kaya puwede kaming hindi mag-uniform. Ang porma ko ngayon ay maluwang na T-shirt na may mukha ni Kaneki ng Tokyo Ghoul , saka maong jeans, rubber shoes na black, at blue na baseball cap. Ano ang masama dito?

Ang astig nga, eh. Mukha akong lalaki. Lalaking may boobs.

“Really, bunso? Hindi mo alam kung ano ang masama diyan?” natatawang komento ni Kuya Joseph.

“Shut up, Kuya. Guwapo ako sa porma na `to kaya `wag kang epal.” Tumingin ako kay Kuya John. “`Di ba, Kuya? Ang guwapo ko ngayon?”

“Oo na,” sagot ni ni Kuya John. “Maupo ka na diyan para makakain na tayo.”

“Ano ba, John? `Di mo man lang pagbabawalan si Bunso?” tanong ni Kuya Joseph sa kakambal niya.

Tiningnan siya ni Kuya John. “Pagbabawalan saan?”

“Saan ba `kamo?” Itinuro ako ni Kuya Joseph. “Diyan. Sa porma niyang `yan. Jusko naman, John. Lumalaking tomboy ang kapatid natin. Dapat puro skirt o blouse ang suot niya. Hindi puro shirts. Ayos lang sa `yo `yon?”

“Hoy, Kuya Joseph. Lumalaking tomboy ka diyan. Matagal na akong tomboy. High school pa ako, tomboy na ako! Huli ka na sa balita!”

Namutla si Kuya Joseph.

“Gulat ka ba? Mas guwapo kasi ako sa `yo, `no?”

“Hanggang walang ginagawang masama o nilalabag na batas si bunso, puwede siyang maging kahit ano’ng gusto niya,” seryosong sagot ni Kuya John habang nagsasandok ng kanin. “Kung gusto niyang maging tomboy, bahala siya. Basta tapusin niya ang pag-aaral niya.”

Hindi ko napigilang mapangiti sa sinabi ni Kuya John. Iyon ang gusto ko sa kanya, eh. Napaka-supportive niya sa mga gusto kong gawin sa buhay ko as long as hindi ko napapabayaan ang pag-aaral ko.

“Pero… Paano… Bakit…?” naguguluhang tanong ni Kuya Joseph. Tumingin siya sa akin. “Tomboy ka na talaga, bunso? Hindi ka na magbabago?”

“Hindi na. Ito ako. Kung itatakwil mo ako, bahala ka. Care bear ko sa `yo. Basta nandiyan pa si Kuya John. `Love you, Kuya John.”

Napailing-iling na lang si Kuya John sa sinabi ko.

“Hindi naman kita itatakwil, bunso. Hindi pa lang matanggap ng utak ko na tomboy ka talaga,” sagot ni Kuya Joseph. “Bigyan mo lang ako ng panahon para matanggap ko `yan.”

“Sige ba. Gaano ba kahabang panahon?” tanong ko, saka kumain.

“Uhm… mga sampung segundo. `Ayan, natanggap ko na na tomboy ka. Sama ka sa `kin, bunso, mamaya?”

“Saan?”

“Sa bar. Mambabae tayo. Maraming chix doon sa bagong bar sa bayan. Galing ako doon kagabi.” Tumaas-taas pa ang mga kilay ni Kuya Joseph sa sinabi niya.

“Hoy, Joseph! Manahimik ka nga. Kung ano-ano’ng sinasabi mo kay bunso. Isasama mo pa siya sa mga kalokohan mo. Isumbong kaya kita kay Rayne?”

“Grabe ka, John. Biro lang, eh. Magsusumbong ka agad doon kay Rayne? Gusto mong mag-beast mode na naman sa `kin `yon?” Napailing-iling pa si Kuya Joseph. “Pambihira. Kakambal kita kaya dapat ako ang palaging kinakampihan mo. Hindi `yong ikaw pa ang unang manlalaglag sa `kin.”

“Ikaw ang kakampihan ko kung gumagawa ka ng tama.”

“`Sus. Ganyan ka naman, eh. Kaya hanggang ngayon wala ka pang girlfriend.”

Biglang nagbago ang mukha ni Kuya John sa sinabi ni Kuya Joseph.

“Ay, biro lang, `tol. Tara, kain na tayo.”

Pinandilatan ko si Kuya Joseph dahil sa sinabi niya. Ito talagang abnormal na ito, madalas walang masabing matino. Sa dami ng puwedeng sabihin, iyon pa talaga ang ikokomento niya. Alam niyang maselan na issue iyon, eh.

Two years ago kasi, may girlfriend si Kuya John. Ang tagal na rin nilang dalawa, since college days pa yata. Hanggang sa mag-ayang magpakasal ang girlfriend niya. Pero dahil si Kuya John lang ang bumubuhay sa amin noon at nagpapaaral sa akin, hindi siya pumayag. Mas pinili niya kami ni Kuya Joseph kaysa sa girlfriend niya. Kaya `ayun, nagalit ang girlfriend niya at nakipag-break. Puro kami na lang daw ang iniintindi ni Kuya John at wala na raw siyang oras para dito.

Mula nang maghiwalay si Kuya John at ang girlfriend niya, pulos trabaho na lang ang iniisip niya. Hindi na siya nag-girlfriend. Ang sinabi niya lang sa akin noon, mas importante kami ni Kuya Joseph sa kanya. Hindi na raw niya makakaya kung pati kami ni Kuya Joseph, mawawala sa kanya.

Mula nang mamatay si Mama noon, sa amin na lang umikot ang mundo ni Kuya John. Family at work na lang ang iniitindi niya. Kaya mahal na mahal ko talaga siya. Nagsusumikap ako para makapagtapos ng pag-aaral alang-alang sa mga sakripisyo niya.

Nang matapos kumain si Kuya John, agad na siyang tumayo at dumeretso sa kuwarto niya para magbihis. Isa siyang professor sa school na pinapasukan ko kaya madalas kaming sabay kung pumasok.

Naiwan kaming dalawa ni Kuya Joseph sa mesa.

“Iyang bunganga mo talaga, Kuya Joseph, kadalasan walang filter!” bulyaw ko.

“Sorry naman.” Napakamot siya sa ulo. “Hindi ko naman alam na hanggang ngayon, affected pa rin si John sa nangyari sa kanila n’ong Dianne, eh.”

“Bobo ka lang `kamo,” ismid ko.

“Ikaw, bunso, ah. Nakakalimutan mo na `atang kuya mo pa rin ako?”

“Joke lang, Kuya.”

“Pero seryoso, bunso. Tomboy ka talaga?” nagtatakang tanong ni Kuya Joseph. “`Wag sana, bunso. `Ganda-ganda mo, eh. Sayang lang kung magiging tomboy ka lang. Dapat sa `yo, nagpapaiyak na ng mga lalaki ngayon. Pero, bunso. May naging girlfriend ka na?”

“Wala pa,” mabilis kong sagot. “Pero malapit na.”

“Sino? Kilala ko ba?”

Tumango ako.

“`Wag mo sabihing si Donna ang gusto mo? Trip mo ang best friend mo, bunso?”

“Ano ang nakakatawa?” taas-kilay kong tanong. “Oo, siya nga. In love ako sa kanya.”

“Teka, `di ko ma-imagine. Since when?”

“Noong high school pa, pero `di niya alam. Ayokong sabihin, baka layuan ako, eh. Mahirap na.”

“`Sabagay. Pero ang galing mong pumili, bunso, ah. `Ganda-ganda n’on, eh.”

“Naman. Ako pa ba? Salazar `ata ako kaya matinik `tong pumili.”

“Apir tayo diyan!”

Nag-apir kaming dalawa.

“Tomboy ka pala, bunso,” sabi uli ni Kuya Joseph. “Kaya pala minsan, nagtataka ako na kulang ang brief ko. `Sinusuot mo pala. Sana nagpapaalam ka para alam ko.”

“Hala! Kadiri ka, Kuya!” sigaw ko kaya tumawa nang tumawa ang abnormal.

Nang matapos na kaming kumain, si Kuya Joseph na ang naghugas ng mga plato dahil wala naman siyang trabaho. Kakatanggal niya lang sa work dahil nahuling natutulog. Isa siyang call center agent noon sa isang kompanya. Kaya ngayon, nganga lang siya sa bahay.

Lumabas na si Kuya John ng kuwarto at nakabihis na ng uniform. Inaya na niya ako kaya lumabas na kami sa inuupahan naming bahay. Habang naglalakad kaming dalawa, bigla niyang nabanggit si Papa.

“Bunso, naging tomboy ka ba dahil kay Papa?”

Bigla akong napasimangot. “Hindi. Wala siyang kinalaman kung ano ako ngayon. Saka bakit mo biglang nabanggit ang taong `yon? Puwede bang kalimutan na lang natin siya? Please?” iritado kong sabi habang inaayos ang baseball cap ko.

“Wala lang. Naisip ko lang kasi. Paano kung bigla siyang sumulpot?”

“Bakit naman niya kailangang sumulpot? Wala namang dahilan para magpakita pa siya. Sampung taon siyang nawala, `tapos bigla na lang siyang susulpot? `Wag na niyang dagdagan ang galit ko sa kanya dahil malapit na sa rurok ng tagumpay ang anger meter ko.”

Natawa si Kuya John. “Pero `di pa rin ako makapaniwala na tomboy ka talaga, bunso. Akala ko, mas trip mo lang magsuot ng mga panlalaking damit. Siguro naging ganyan ka dahil walang babae sa `tin habang lumalaki ka. Na-adapt mo tuloy ang style namin ni Joseph.”

“Style mo lang, Kuya, hindi style ni Kuya Joseph. Kung pati kasi style niya na-adapt ko, eh, di sana lumaki akong loko-loko.” Natawa kami pareho sa sinabi ko. “Pero, Kuya, salamat, ah.”

“Salamat para saan?”

“Sa lahat-lahat. Sa walang sawang pagsuporta sa amin ni Kuya Joseph. Sa walang sawang pagpapaaral sa `kin at pagtanggap sa mga gusto ko sa buhay. Kung hindi dahil sa `yo, malamang, napariwara na ang buhay namin. Ikaw na kasi ang tumayong nanay at tatay namin noon hanggang ngayon, eh.”

Napatigil kami sa paglalakad, saka siya napangiti.

“Wala `yon, bunso. Alam mo naman na mula nang mawala sina Mama at Papa sa `tin, ipinangako ko sa sarili ko na kahit ano ang mangyari, hinding-hindi tayo maghihiwalay na tatlo.”

“`Guwapo mo talaga, Kuya,” pambobola ko. “Kuya, ang ganda n’ong chix na `yon, o,” turo ko sa babaeng nasa kabilang kalsada. Ang sexy kasi. “Ganyan ang mga type ko, eh.”

Natawa na lang si Kuya John. “`Lang’ya, bunso. `Di ko ma-imagine na chix din pala ang nasa isip mo. Akala ko nga, isa ka rin sa mga babaeng patay na patay kay ano, eh.”

“Kanino, Kuya?” taas-kilay kong tanong.

“Kay Ross Valentin, bunso. Akala ko isa ka sa fangirl n’on sa school.”

“Yak! Kadiri!” sigaw ko na punong-puno ng pandidiri sa katawan. “Sa dami ng lalaki, Kuya, doon pa talaga? Puwedeng mag-suicide na lang ako?”

“Tama `yan, bunso. `Wag doon.”

“Talagang `wag, Kuya. Bukod sa `di kami talo, isa ang buwisit na `yon sa dahilan kung bakit mas gusto ko ang mga babae.”

Si Ross Valentin daw fangirl ako? Neknek niyon! Eh, mas guwapo pa ako sa damuho na iyon!

A-
A+

Georgia

Arial

Cabin

T

T

T

en

English

en

Chapter auto-unlock

settings