Ang Sisiw At Ang Agila (Kristine Series 2) - Chapter #1 - Free To Read

Chapter 1

select arrow

Chapter 1

I PINATATAWAG siya ng Big Boss. lyon ang bungad ni Mr. del Prado pagdating niya nang umagang iyon sa pinapasukang opisina.

“Si Don Leon Fortalejo, Sir?” tanong niya sa kanyang immediate boss, ang personnel manager.

“Siya na nga, Jasmin, kaya tumuloy ka na sa itaas,” wika nito na masusi siyang tiningnan.

“B-bakit daw po?” nagtataka at kinakabahang tanong niya.

Bakit siya ipatatawag ni Don Leon?

Sa loob ng kulang na limang buwan niya sa kompanya ay mabibilang sa mga daliri ang pagkakataong nakikita niya ito. May sariling daan patun go sa opisina nito ang Big Boss. At duda siya kung alam ng lalaki na nagtatrabaho siya sa kompanya nito.

“I was wondering myself. Kung tungkol sa pagiging permanent mo, sa akin manggagaling iyon. Anyway, lumakad ka na,” sagot nito.

Nalilitong lumabas ng pinto ang dalaga. Wala siyang maisip na dahilan kung bakit siya kakausapin nito.

Kunsabagay ay nakatagpo na niya ito nang harapan sa dalawang pagkakataon. Nang mamatay ang mama niya, may sampung buwan na ang nakararaan at nitong mamatay ang papa niya, four months ago.

Bumungad sa kanya ang sekretarya ni Don Leon. May edad na rin ang babae na kung ituring ng mga taga-opisina ay ang ‘little boss!’ Kung gaano na katagal ang kompanya ay ganoon din marahil ang matandang sekretarya.

“Gusto raw akong makausap ni Mr. Fortalejo, Mrs. de Lara?” May agam-agam sa tinig niya.

“Yes. You may come in.” Nilingon nito ang silid at pagkatapos ay ipinagpatuloy ang ginagawa.

Isang mahinang katok muna ang ginawa niya bago marahang itinulak ang pinto pabukas. Mula sa pagkakayuko sa mesa ay nag-angat ng ulo si Don Leon.

“G-good Morning, s ir!”

“Miss Cuevo,” acknowledge ng don, itinuro ang silya sa harap ng mesa upang maupo siya. Sumunod siya. Hindi maiwasang hindi niya masulyapan ang folder na nakabukas sa harap ng don at kung hindi siya nagkakamali ng tingin ay file niya iyon.

Bakit? Ito ba ang magdedesisyon kung mape- permanent siya o hindi? Sa susunod na buwan ay matatapos na ang probationary period niya.

“May... kailangan kayo sa akin, Sir?”

Tumikhim ang matanda at pagkatapos ay sumandal sa highbacked swivel chair nito. “Ano ang gagawin mo, Miss Cuevo, kung bago matapos ang anim na buwan ay ma-terminate ang employment mo?” deretsong tanong nito.

Magkasabay na bumangon ang kaba at pagtataka sa dibdib niya. Kaba dahil higit kailanman ay ngayon niya kailangan ang trabahong ito. Pagtataka dahil mula nang mapasok siya rito sa tulong ng kanyang papa ay masigasig siya’t nagpapakita ng ibayong husay sa mga ginagawa sa kabila ng pagiging undergraduate niya.

“I probably would have to find another job.” mahinang sagot niya.

“And would that be easy, Miss Cuevo? Considering that you are an undergraduate. And besides, malayo ang kurso mo sa iyong trabaho,” muling tanong ng matanda.

Hindi agad siya makasagot. European Languages ang kursong kinukuha niya sa UP at nasa ikatlong taon. Dapat ay natapos na niya ang kurso sa taong ito kung hindi sa mga trahedyang nangyari sa kanilang pamilya. Ang trabaho niya rito ay clerk-typist at kung tutuusin ay hindi naman siya gaanong mahusay mag-type.

Tumingin siya nang deretso sa matanda. “What is it exactly that you want to tell me, Sir?” pormal niyang tanong. Kung ibabagsak nito ang palakol ay mabuting bilisan na.

Mahihirapan siyang maghanap ng trabaho, all right. Pero makakakita rin siguro siya kahit papaano at magsisimula na namang muli. Lamang, hindi magandang reperensiya ang hindi man lang niya natapos ang six months dito.

Muling tumikhim ang don, tila pinipili ang salitang gagamitin. “Sa kasalukuyan ay sumasahod ka ng regular pay na isinasaad ng batas, Miss Cuevo. At nasa probationary period. Pipirmahan ko ngayon din ang pagiging permanent mo at dodoblehin ko ang kasalukuyang suweldong tinatanggap mo...”

Napahugot siya ng paghinga pero alam niyang may kasunod na ‘but’ iyon.

“But...?” siya na ang nagsatinig.

“I’d like to assign you for two months in Paso de Blas, Miss Cuevo. Nag-resign ang receptionist sa hotel-resort ko roon at kailangan ko ng temporary replacement.”

“In Palawan, Sir?” gulat niyang tanong. Tumango ang matanda. “Doon nga, hija. At pagkatapos ng dalawang buwan ay babalik ka na uli rito taglay pa rin ang sahod mo. Plus free tuition fee sa natitirang dalawang semester mo sa UP.”

Nanlaki ang mga mata ni Jasmin. Dobleng suweldo! At pagkatapos ng dalawang buwan ay makapag-aaral siyang muli. Matatapos niya ang kanyang kurso. And chances are, makapag-a-apply siya abroad! The offer was so tempting. “W-why me, Sir?”

“Malayo ang Paso de Blas mula rito sa Maynila, Miss Cuevo. Natitiyak kong walang papayag na mga dalagang empleyado. Maliban pa sa hindi ko maiba-bargain sa kanila ang mga sinabi ko sa iyo.”

Kunsabagay, siya lamang ang may ganoong pangangailangan ng trabaho at benepisyo sa kasalukuyan. Pero hindi pa rin niya maintindihan.

“Natitiyak kong mahihirapan ang mga dalagang narito sa kompanyang ito na magpaalam sa mga magulang nila, Miss Cuevo. Samantalang ikaw lamang ang magpapasiya para sa sarili mo,” patuloy ng don sa nakikitang pag-aalinlangan sa mukha niya.

Tumango siya. Walang mawawala sa kanya bagkus ay makikinabang siya nang husto. Bago niya matanggap ang suweldong inaalok nito ay magbibilang siya ng taon.

“Pero gustuhin ko man ay hindi ko maaaring iwan ang kapatid ko,” wika niya rito. Paano niya magagawang iwan na lamang nang ganoon ang sampung buwang gulang na kapatid? May panghihinayang sa tinig niya.

“Huwag mong problemahin ang kapatid mong bunso, Miss Cuevo,” agad na sagot ng don na kung wariin niya’y nakahanda na. “Dalawang buwan ka lang mawawala at mapagkakatiwalaan naman ang matandang kasama n’yo sa bahay, `di ba? Sa pagkakaalam ko, bata ka pa’y naroon na ito sa inyo.”

“Pero...” Nag-aalangan pa rin siya.

“Think it over, Miss Cuevo,” agap ng don na kinakikitaan na ng pagkabagot.

“Do I have a choice?”

“No. Two months in Paso de Blas or you will have to look for yourself another job,” kalmanteng wika nito.

Huminga nang malalim si Jasmin. “K-kailan ako pupunta roon?”

Umaliwalas ang mukha ng matanda, ngumiti ito, nagbukas ng drawer at may inilabas na sobre. Iniabot sa kanya.

“Aalis ka three days from now. Nariyan sa sobreng `yan ang ticket mo sa eroplano. Nariyan din ang kabuuang suweldo mo para sa buwang ito. An added bonus, Miss Cuevo, unang linggo pa lang ngayon ng buwan pero binuo ko na ang suweldo mo. At sa Kristine Hotel mo tatanggapin ang kaukulang sahod sa paglilingkod mo roon. Maaari ka nang umuwi ngayon upang makapaghanda.”

“Is that all, Sir?”

“I’ll meet you here again sa araw ng pag-alis mo para sa huling briefing. And another thing, Miss Cuevo…” pahabol ng don nang akma siyang tatayo. “Do not—inuulit ko—do not fall in love with my grandson.”

Marahas ang pag-angat ng mukha niya. “Ano ang ibig ninyong sabihin?” aniya na nagsasalubong ang mga kilay.

“Women are swarming around him. `Yong mga hindi niya gusto, he brushes them off na tila mga langaw. At `yong gusto naman ni Nathaniel,” nagkibit ito ng mga balikat. “...hindi ko na siguro kailangang sabihin pa. If you will fall for him, Miss Cuevo, alin na lang sa dalawa: you will end up with a broken heart or get yourself pregnant.”

Nanlaki ang mga mata niya, nag-init ang mga pisngi. Wala sa loob na napatayo. “Don’t you think you are overrating your grandson, Don Leon?” pagalit niyang sinabi na sandaling nakalimutan kung sino ang kaharap.

Kumislap ang mga mata ng matanda. “Nathaniel is an attractive man, Miss Cuevo. And very rich.”

“Then rest assured, Sir, I will never even consider any feeling of attraction toward your grandson. Lest of all love,” mariing wika niya.

“Calm down, Jasmin. Maupo ka uli. Ang sinasabi ko’y para sa iyo. To warn you about my grandson.”

Pinamulahan ng mukha ang dalaga. She’d lost her temper at sa harap pa mismo ng Big Boss. “I’m... sorry.”

“Nagkakaintindihan tayo kung ganoon. Itatawag ko sa Kristine Hotel ang pagdating mo.”

Nang makalabas si Jasmin ay lumabas naman mula sa nakabukas na adjacent door sina Emerald, ang isa sa mga apo ni Don Leon, at ang asawa nitong si Marco. Naupo ang mga ito sa tig-isang silya sa harap ng don. Amusement ang nasa mga mata ni Marco at pag-aalala naman ang kay Emerald.

“That lady has a temper, Leon,” bungad ni Marco sa matanda. Hindi nito magawang tawaging lolo ang agwelo ng asawang si Emerald.

“And little bit like you, darling.” Masuyong sinulyapan nito ang asawa, pagkatapos ay ang matanda uli. “At ang buong akala ko pa naman ay pinangingilagan ka ng mga empleyado mo.” Marahang tumawa ang don. Inilabas ang pipa at sinindihan.

“Hindi ko gusto ang ginawa ninyo, l olo,” ani Emerald. “That’s cruel! Paano kung hindi pumayag si Jasmin? De nawalan pa ng trabaho `yong tao.” May himig ng galit ang tinig nito.

“Hindi niya gagawin iyon, nieta . Kailangang- kailangan niya ang trabaho sa panahong ito,” may tiwalang sagot ng don pagkatapos magbuga ng usok.

“A face like that, Leon, she could easily find herself another job,” ani Marco.

Nagkibit ng mga balikat ang don. “Kinagat niya ang bluff ko. Ganoon lang iyon. And besides, she doesn’t seem to be aware of her assets. Very unaffected.”

“But you are manipulating these people!” hindi nakapagpigil na sabi ni Emerald. “Ano ang sasabihin ni Nathaniel `pag nalaman niya?”

“ Nieta , hija, ano ang malalaman ni Nathaniel? Kailangan talaga nila ng receptionist sa hotel ngayon. It’s summer time at wala sa oras ang pagre-resign ng dating empleyada,” kalmanteng sagot ng don na napapangiti.

Tanong ni Marco, “Bakit mo ginagawa ito, Leon?”

“Gusto ni Nathaniel na hawakan na ang renda ng buong hacienda. Alam kong kaya niya. Pero kailangan niya ng asawa para mapanatili ang paggalang ng mga tauhan sa kanya. My goodness, Emerald, your cousin has a reputation of being a rake! Bukod pa sa carefree living. He needs a wife to tone him down.”

“You can tame the wild boar in Paso de Blas, Leon, pero hindi si Nathaniel,” natatawang sambit ni Marco. “Ang apo mo’y tulad ng agila na malayang nakalilipad.”

Amused na sinulyapan ng matanda ang lalaki. “Weren’t you cut from the same cloth, Marco?”

Malakas na tumawa si Marco, masuyong sinulyapan si Emerald na hindi mapigil ang pagngiti. “Noon `yon bago ko nakilala ang isang babaeng naka-miniskirt at high heels sa gubat.” Kinindatan nito ang asawa.

“Precisely. Si Jasmin ang gusto kong mapangasawa ni Nathaniel, mga apo. Pitong taon kong empleyado ang ama nito, si Dante. At wala akong masasabi sa katapatan at pagkatao. Pinasiyasat ko na ang buhay at pagkatao ng batang iyan. Matalino at masunuring anak. Maraming mga admirer pero hindi nagkaroon ng seryosong relasyon. At ang pinakaimportante sa lahat ay malinis ang pagkababae,” paliwanag nito sa seryosong tinig.

“Paano kung hindi sila magkagustuhan, l olo?”

“Saka ko na iisipin `yon. Kalimutan na muna natin si Jasmin at ang pinsan mo.” Muling sinulyapan si Marco. “Napag-isipan mo na ba ang inaalok ko sa iyo, Marco?”

“Leon, I am a criminal lawyer, not a corporate one.”

“Don’t give me that bull, Marco. Hindi mo kailangang maglagi rito. You can still work in the farm kung iyon ang gusto mo. Naririyan ang mga katulong na abogado.”

“Sinusubukan mo ba ang technique mo sa akin, Leon?” May halong panunuya ang tinig ni Marco.

“I don’t know why I have to put up with you, Marco. In some ways ay magkatulad kayo ni Nathaniel. Why can’t you agree with this old man? Ang gusto ko lang naman ay pamilya ko ang nasa ilalim ng kompanya ng Kristine.”

Tumayo si Marco. “You’re still strong as a bull, Leon. Anyway, pag-iisipan ko at kung darating ako sa desisyong pagbibigyan kita, `yon ay dahil gusto ko. Not because you have succeeded in putting a rope around my neck.”

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ng matanda. Tumayo na rin si Emerald at humalik sa pisngi ng agwelo.

“Kailan ang uwi n’yo sa Falcon Farm?”

“Hindi ko matanggihan ang kasong hawak ko ngayon, Leon. Kaya matatagalan muna siguro kami rito.”

“Himukin mo ang asawa mo, Emerald. Si Nathaniel ay walang interes sa kompanyang ito. Nasa hacienda lahat ang atensiyon ng pinsan mo. And what about you, nieta ? Sooner or later, you will be one of the owners of Kristine Cement. Can’t you give up that damn job of yours?” May frustration sa tinig ng matanda.

Napatitig sa asawa si Emerald at pagkatapos ay sa lolo. Kahit paano ay nakadama ito ng guilt. Bilang apo ay dapat ngang nasa kompanya ang malasakit nito.

Ngunit kay-hirap pilitin ang sarili lalo pa’t nasa pagsusulat ang puso nito at maligaya sa ginagawa.

“Pag-uusapan namin ng asawa ko, l olo.” pagtatapos ni Emerald sa usapan.

A-
A+

Georgia

Arial

Cabin

T

T

T

en

English

en

Chapter auto-unlock

settings