A Writer's Own Love Story - Chapter #3 - Free To Read

Chapter 2

select arrow

Chapter 2

“JOSELLE, may sasabihin ako sa `yo.”

Iyan agad ang bungad sa akin ni Rico nang tumawag siya. Seryoso ang boses at parang may importanteng sasabihin.

“Okay. Mukhang seryoso `yan, ah? Ano `yon?” I asked him.

I heard him take a deep breath. Parang nahihirapan siya sa sasabihin. Nanatili kaming tahimik for a minute. Wala akong naririnig na nagsasalita sa kabilang linya. Pero naka-on call pa rin ang phone.

“Rico, ano ba `yong sasabihin—”

“I LIKE YOU, JOSELLE!”

Bigla akong nasamid nang malunok ko nang buo ang kinakain kong cookies. Oh, my God. Did he just confess to me? He liked me? Tama ba ako ng narinig? Iyon ang sinabi ni Rico, `di ba? Teka, iyon ba talaga? Hindi ba ako nagha-hallucinate or something?

“Ano? Wait, ulitin mo nga?”

“Hindi mo ba narinig nang maayos? Tsk!” naiinis niyang sagot. “Sabi ko, I like you!”

“Eh, bakit galit ka?” natatawa kong tanong sa kanya. “Saka, sigurado ka ba d’yan?” tanong ko pa sabay tawa.

“Eh, kasi hindi mo narinig, eh. Anong sigurado? Malamang! I like you, Joselle. I like you, a lot. I never experienced this. I don’t waste my time talking to people that I just knew online. Pero ibang-iba ka. You have this charisma na naa-attract ako at nagustuhan ko sa `yo. Hindi ko alam kung ano `yon, basta ang alam ko lang, gusto kita. Ang hirap—”

“I like you, too,” mabilis na sabi ko sa kanya.

“WHAT?” sigaw ni Rico mula sa kabilang linya. “YOU LIKE ME, TOO?” Nai-imagine kong nanlaki ang mata ni Rico kaya bigla akong napangiti dahil parang hindi siya makapaniwala.

“Oo, ayaw mo ba?” I joked.

“GUSTO, SIYEMPRE!” Sumigaw na naman siya. “Yes! Gusto rin ako ng idol kong writer! Ang saya!” Patuloy lang siya sa pagsigaw mula sa kabilang linya kaya tawa ako nang tawa.

Halos tuwang-tuwa si Rico nang malaman niyang gusto ko rin siya. Hindi ko lang masabi sa kanya kung gaano rin ako kasaya dahil doon. Here I thought na ako lang ang may gusto sa kanya at itinatago ko lang dahil pakiramdam ko, wala akong pag-asa kay Rico. Who would have thought na ang tulad ni Rico na almost perfect dahil sa angking kaguwapuhan ay magugustuhan din ako in return? Parang hindi makatotohanan, `di ba?

Ramdam kong todo-ngiti si Rico habang magkausap kaming dalawa gaya ko. Sinabi ko sa kanya na hindi ko pa siya sinasagot. Manligaw muna siya bago siya magpakasaya nang tuluyan.

“Siyempre naman, `no. Liligawan talaga kita,” seryoso niyang sagot. “So, kailan pala tayo magkikita? Diyan na lang sa Manila para hindi hassle sa `yo ang magbiyahe.”

“Next week? Sa Starbucks na lang sa may mall dito sa Makati. One PM.”

“Sure. Sana mag-next week na,” atat na atat niyang sagot sa akin.

Lumipas ang mga araw. Papalapit na ang araw nang pagkikita naming dalawa ni Rico. Kinakabahan ako at the same time ay nae-excite rin. After ng ilang buwan na palaging pag-uusap sa online at cell phone ay makikita ko na rin si Rico sa personal. Kinakabahan ako dahil first time ko ring makikipagkita sa taong sa online world ko lang nakilala. Pero kapag naiisip kong si Rico naman ang imi-meet ko, agad nawawala ang pag-aalala ko. Ganoon na ako kakomportable sa lalaking iyon.

“Joselle, bukas na ang pagkikita natin. Excited na ako.”

Iyan ang text sa akin ni Rico the night before our eyeball. Gusto ko sanang mag-reply kaso wala naman akong load dahil naubos kanina nang itinext ko ang kamag-anak namin na nasa abroad. Gusto ko rin sanang lumabas para magpa-load pero hindi na kaya ng katawan ko. Ang sama-sama ng pakiramdam ko at ang bigat-bigat ng katawan ko. Pakiramdam ko, magkakasakit ako kaya mas pinili ko na lang na magkulong sa kuwarto at uminom ng gamot. Hindi ako puwedeng magkasakit.

Naramdaman ko na lang na ang taas na ng lagnat ko at hindi na ako makagalaw nang maayos. Umiikot na ang paningin at nasusuka na rin ako. Lord, `wag naman sana akong magkasakit. Baka hindi ako makapunta sa eyeball namin ni Rico bukas.

Sumapit ang kinabukasan pero hindi ako makaalis sa kama. Nakahiga lang ako at parang lantang gulay. Kahit imulat ko nang panandalian ang mga mata ay agad ko itong ipinipikit dahil sa sobrang hilo. Pakiramdam ko, umiikot ang buong paligid ko.

Si Rico… baka pumunta siya sa meeting place naming dalawa. Kailangan ko siyang i-text.

Sinubukan kong tumayo pero bumagsak lang ako sa kama. Narinig kong pumasok si Mama ng kuwarto ko at tiningnan kung ano’ng nangyari sa akin.

“Ang taas ng lagnat mo, Joselle. Ang init-init mong bata ka.”

Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari dahil nahimatay ako. Naalimpungatan na lang ako na nasa ospital na dahil puro puti lang ang nakikita ko. Naririnig ko rin si Mama na may kausap na doctor at sinasabi kung anong kalagayan ko. Pinipilit kong ibukas ang mga mata ko pero aninag lang ng ilaw ang nakikita ko. Hinihila ng mga pilik-mata ko ang mga mata ko para maisarado.

Pumikit na lang ako at pinakiramdaman ang sarili. Parang mas lalong lumalala ang nararamdaman ko. Minu-minuto akong nagsusuka kahit walang kinakain. Wala na ako halos lakas pati sa pagsasalita.

Narinig kong sinabi ni Mama na may dengue raw ako habang may kausap siya sa cell phone. Pero kahit na nalaman kong may dengue ako, hindi iyon ang mas pinoproblema ko. Iyong hindi ako nakarating sa usapan namin ni Rico ang mas inaalala ko. Siguro by now galit na sa akin si Rico. Oh, dear God, `wag naman sana.

Ilang araw akong nakaratay sa kama ng ospital at hindi makagalaw dahil sa sobrang sama ng pakiramdam. Pero hindi lumipas ang araw na hindi nawawala sa isip ko si Rico. Kung galit ba siya sa akin o kung nag-aalala ba siya? I’m wishing na sana hayaan niya akong makapag-explain para i-resched na lang namin ang naudlot naming pagkikita.

Mahigit dalawang linggo ang lumipas. Nagulat ang doctor sa bilis ng improvement ng kalagayan ko. Usually daw ang katulad kong pasyente na may dengue ay months ang itinatagal ng recovery unlike me na dalawang linggo lang. Gustong-gusto ko na kasing makauwi para makausap na si Rico. Sa lahat ng nangyayari sa akin ngayon, hindi ang kalagayan ko ang inaalala ko kundi ang iisipin ni Rico kung bakit hindi ako sumipot sa pagkikita namin.

Hapon na nang dumating ako sa bahay namin. Dumeretso agad ako sa kuwarto. Pinagalitan pa nga ako ni Mama. `Wag daw akong masyadong kumilos dahil baka raw mabinat ako. Hindi ko na lang pinansin ang sinabi niya at nag-focus ako sa pagkuha sa cell phone na nasa ibabaw ng kama ko. Lowbat na pala ang cell phone ko dahil medyo matagal ring hindi nagamit, so I charged it.

Habang nakaupo sa gilid ng kama at hinihintay na magbukas ang cell phone ay parang gusto nang lumabas ng puso ko mula sa dibdib ko. Halu-halong emosyon agad ang nararamdaman ko pero kaba ang nangingibabaw. Ano kaya ang sasabihin ni Rico? Nag-text ba siya? Tumawag? Shit! Baka isipin niya na pinatayan ko siya ng cell phone.

Nang bumukas na ang cell phone ay nakatitig lang ako at naghihintay sa mga text na dumadating. Madaming mensahe agad ang pumasok sa cell phone ko na nagmula sa mga kaklase ko at mga kaibigan. Pare-parehas lang sila nang sinasabi. They were all wishing for my fast recovery. Hindi ko muna sila nireplyan dahil clouded ang isip ko at naghihintay ng text na galing kay Rico.

Lumipas ang ilang minuto pero wala `ni isang text na nanggaling sa kanya.

Baka naman sa tagal kong hindi nabuksan ang phone kaya hindi na dumating ang mga text messages na galing kay Rico? Ganoon iyon, `di ba? Oo, Joselle. Ganoon nga iyon. `Wag kang mawalan ng pag-asa.

Naisip kong tawagan si Rico pero kahit ilang ulit kong i-dial ang number niya ay hindi ko siya ma-contact. Tanging operator lang ang sumasagot na nagsasabing unattended daw ang tinatawagan ko. Two things came up to my mind: It was either nakapatay ang cell phone ni Rico or nagpalit na siya ng number.

Oh, Lord. `Wag naman Po sana.

Nakaisip ako ng isang possible way kung saan ko siya maaaring makausap. Saan ba kami nagkakilala? Sa online. So, I immediately opened my computer and logged in to Wattpad.com.

Flood ang Wattpad profile ko dahil sa tagal kong nawala. Ang daming post sa message board ko at itinatanong kung kailan ako mag-a-update. I ignored them all dahil sa mga oras na ito ay isang tao lang ang inaalala ko. Nagmadali akong i-click ang profile ni Rico para mag-iwan ng mensahe pero my jaw immediately dropped when I saw something.

I love you, babe. (2 days ago)

Iyan ang nakalagay sa status ng profile niya.

Hindi ko magawang ngumiti. Kumabog na nang mabilis ang tibok ng puso ko. Gusto kong isipin na ako ang babe niya pero hindi, eh. Hindi naman babe ang tawag sa akin ni Rico kundi Jojo or Joselle lang.

Itinuon ko agad ang paningin ko sa message board ng profile niya at nagulat ako sa nakita kong conversation niya with another girl.

Ang another girl na iyon ay ang kaibigan ko.

May conversation si Rico and Belle. Si Belle ay isa sa mga writer din ng Wattpad at close friend ko.

Ang sweet ng usapan nilang dalawa. Halos langgamin na nga ang profile ni Rico dahil sa mga sweet conversation nila sa isa’t isa. Lantaran silang nagsasabihan ng ‘I love you’? It turned out na si Belle pala ang babe na tinatawag ni Rico sa status niya.

Bigla akong nakaramdam nang pagbigat ng paghinga. Parang nahihirapan akong huminga sa mga nakikita ko. May masakit na tumutusok sa dibdib ko nang paulit-ulit. I felt the sudden holes in my heart.

Unti-unting namumuo ang mga luha sa gilid ng mga mata ko dahil doon. Napatingala ako para pigilan ang pagluha ng mga mata ko.

Joselle, `wag kang iiyak. `Wag! sabi ko sa sarili ko.

Pinunasan ko ang mga luhang tumulo sa gilid ng mata ko. Ipinagpatuloy ko ang pagbabasa ng usapan nina Rico at Belle.

Unknown_XXX: Babe, mag-out na ako, ah. Text-text na lang. I love you.

Belle143: Sige, babe. Tawag ka, ah? Love you, too.

Parang unti-unting binibiyak ang puso ko dahil sa mga nababasa ko. Kakaibang sakit ang naramdaman ko. Halos tumatagos sa buto ng buong katawan ko. Ngayon ko lang naranasan ang masaktan nang ganito.

Rico, bakit ang bilis mo akong ipagpalit?

Ang masakit pa, bakit sa kaibigan ko pa sa online?

Gusto kong i-message si Rico at pagmumurahin because of what he did. Gusto ko siyang sumbatan para malaman niyang nasaktan ako sa ginawa niya sa akin.

Bakit ganito, Rico? Dalawang linggo lang akong nawala. Two freakin’ fucking weeks pero bakit kinalimutan mo agad ako?

Belle, bakit mo rin ginawa sa akin ito? Why? Of all the guys, bakit si Rico pa? `Di ba nagkukuwento ako sa `yo na gusto ko si Rico? Natutuwa ka pa nga sa aming dalawa, eh. Pero bakit mo pinatulan si Rico? Kaibigan ba talaga kita?

Napatingin ako sa following list ni Rico. Si Belle na ang pina-follow niya.

Rico unfollowed me…

Para na rin niya akong tinanggal sa kanyang buhay dahil sa ginawang iyon.

Hindi ko inaakalang masasaktan ako nang ganito dahil sa lalaking nakilala ko lang sa online.

Napangiti na lang ako nang mapakla kasabay ng pagtulo ng masaganang luha na nanggaling sa mga mata ko.

I guess this was… good-bye.

A-
A+

Georgia

Arial

Cabin

T

T

T

en

English

en

Chapter auto-unlock

settings